Showing posts with label INTERNATIONAL NEWS. Show all posts
Showing posts with label INTERNATIONAL NEWS. Show all posts

Sunday, September 28, 2025

Pulong Duterte: Trillanes nag-check kay Digong sa ICC

 

Naniniwala si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang ipinadala ng pamahalaan para mag-“welfare check” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang Facebook post nitong Sabado, Setyembre 27, mariing binatikos ng mambabatas ang umano’y pagbisita ni Trillanes sa ICC at pinatamaan ang administrasyon sa isinagawang “welfare check” sa kanyang ama.

Dagdag pa niya, “Baka magkalat ka ng virus mo dyan at di ka pa naman na inject ng anti rabies shot mo,” banat pa ni Duterte

Nagbabala pa ito kay Trillanes huwag umanong mag-aalala dating senador dahil masasadlak din ito sa selda at hintayin na lamang na mangyari ito sa kanya.

Kinonek pa nito sa flood control fund ang ibinayad umano kay Trillanes para tingnan ang sitwasyon ng dating pangulo.

Noong Miyerkoles, Setyembre 24, pinalagan ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte ang umano’y welfare check sa kanilang ama na isinagawa ng mga opisyal ng Philippine Embassy. Aniya, iniuulat raw nila ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon naman ng ICC, lahat ng bumibisita sa detention facility ay may pahintulot o mismong hinihiling ng nakadetine, ayon sa kanilang tuntunin.

Samantala, pinost naman sa social media ni Trillanes ang isang larawan kung saan ipinakitang nasa harap siya ng ICC.

“Relax lang po. Nasa loob pa si Duts. Nagha-hanapbuhay lang ang abogado niya,” ani Trillanes.

Base sa ulat ng Politiko, pumunta si Trillanes sa The Hague, Netherlands mula Setyembre 16 hanggang 18 bilang delegado sa Tenth Seminar on Cooperation sa ICC. Isa siya sa 32 delegado mula sa 19 na bansa sa tatlong araw na seminar.

Tinalakay sa seminar ang pagpapahusay ng kooperasyon sa imbestigasyon, witness protection, at post-trial procedures.

Isa si Trillanes sa masigasig na nagpasimula ng reklamo sa ICC laban kay Duterte kaugnay ng giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon nito. (Angelika Cabral)

Testigo ni Marcoleta galawang Ador Mawanay

 

Lumulutang ngayon ang anggulong katulad din ni Antonio Luis Marquez alyas “Ador Mawanay” ang testigo ni Senador Rodante Marcoleta na si Orly Guteza.

Sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes, inamin ni Marcoleta na si Guteza ay ipinakilala sa kanya ni dating Quezon City Rep. Michael Defensor. 

Friday, September 26, 2025

Mga kaalyado ni Trump kontrolado ang TikTok sa bagong US deal

 

Nilagdaan ni dating US President Donald Trump noong Huwebes ang isang executive order para sa panukalang kasunduan na magtatatag ng US version ng TikTok, kung saan bababa sa 20% ang Chinese ownership at mapupunta ang kontrol sa mga malalapit niyang kaalyado.

Kabilang sa mga investor dito ang Oracle founder na si Larry Ellison, tech investor Michael Dell, media mogul Rupert Murdoch gayundin ang investment firm na Silver Lake Management at Andreessen Horowitz.

Ayon kay Trump, sila ay mga “highly sophisticated” investor na mamamahala sa app.

Aniya, mananatiling bukas ang TikTok para sa 170 milyong American user habang masisiguro nila ang pambansang seguridad ng Amerika.

Kasama sa kasunduan ang pag-develop ng US-made algorithm na magiging katapat ng “secret sauce” ng orihinal na TikTok—ang sistemang nagpasikat dito bilang isa sa pinakamalaking social media platform sa mundo.

Tuesday, September 23, 2025

Sen. Marcoleta hindi nag patinag kahit na pinagtulong-tulungan na siya #...

Alcantara kumanta na sa flood control scam!

 

Pinangalanan ni dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara sa Senado nitong Martes sina Sens. Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, Ako Bicol party­list Rep. Zaldy Co, dating Caloocan representative Mitch Cajayon at DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nakinabang umano sa flood control projects.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Alcantara na si Bernardo ang tumulong sa kanya para maitalagang district engineer ng Bulacan noong 2019.

Taong 2022 nagsimulang magbaba ng pondo sa kanya si Bernardo na may kabuuang P350 milyon na ang kasunduan ay bibigyan ng 25% ang proponent o mambabatas na nagsulong ng proyekto.

Noong 2023, ibinun­yag ni Alcantara na P710 milyon ang kabuuan ng mga proyektong naibaba ni Bernardo sa kanyang tanggapan. Noong 2024, P3.5 bilyon (P150 milyon sa NEP, P300 milyon sa GAA, P2.85-B UA o unprogrammed appropriations) ang naibaba ni Bernardo sa kanyang DEO.

Noong 2024, nagkaroon ng malaking alokasyon ng pondo si Bernardo sa kanyang DEO para sa unprogrammed appropriations na P2.850 bilyon.

“Dito ay nagkaroon ng pagbabago sa porsiyento ng proponent na ngayon ay umabot na sa 30% kapag flood control at 25% kapag ibang klaseng proyekto, na siya ko ding ibibigay kay Usec. Bernardo sa pamamagitan ng aking driver,” sabi pa ni Alcantara.

Samantala, sa taong 2025, sinabi ni Alcantara na may P2.55 bil­yon (P1.650-B sa NEP, ­P900-M sa GAA) ang naibaba ni Bernardo sa kanyang district office. 

Sinabi umano sa ­kanya ni Bernardo na sa GAA noong 2024, ang insertions na nagkakahalaga ng P300 milyon ay para kay Senator Revilla.

Noon namang 2020 ay humiling si Villanueva ng proyektong multi-purpose building na halagang P1.6 bilyon pero P600 milyon lang ang napagbigyan na pondo.

“Hindi ito ikinatuwa ni Sen. Joel kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec Bernardo,” ani Alcantara.

Ayaw aniya ni ­Villanueva ng flood control project kaya hindi na lamang nila ipinaalam sa kanila ang proyekto.

“Hindi humingi ng…porsyento si Sen. Joel pero iniutos ni Usec Bernardo na bigyan na lamang ng proyekto na may katumbas na P150 milyon.

“Ang halagang ­P150-M ay dinala ko sa isang resthouse sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan na iniwan ko po sa tao nya na si “Peng”. Sinabi ko kay Peng na pakibigay nalang kay Boss (Sen. Joel), tulong lamang iyon para sa future na plano niya. Pero hindi po nila alam na doon galing iyon sa flood control,” ani ­Alcantara.

Noong 2024, naglaan ng P355 milyon pondo si Sen. Jinggoy Estrada na inilagay ni Alcantara sa iba’t ibang pumping station at flood control projects sa Bulacan. Ni­linaw ni Alcantara na wala siyang direktang ugnayan kay Estrada.

Noong Agosto o Set­yembre 2021 niya nakilala si Cong. Elizaldy Co sa isang meeting sa Shangri-La, BGC, Taguig.

Ayon kay Alcantara, mula 2022 hanggang 2025 ay nakapagtaguyod si Co ng 426 proyekto na hindi bababa sa P35.024 bilyon.

Noon namang 2022 ay nakapagbaba sa Bulacan ng halagang P411 milyong proyekto mula sa GAA si Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy.

Binanggit din ni Alcantara na 2022 ay humingi sa kanya si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana ng listahan ng mga flood control projects sa Bulacan.

May kabuuang P1.4 bilyong halaga ng ­proyekto aniya ang naipasok ni Lipana na ang misis ay isang contractor.

Monday, September 22, 2025

Portugal sibak sa Bulgaria

 

Naghulog si Aleksandar Nikolov ng 19 points mula sa 17 attacks, isang block at isang service ace para tulungan ang World No. 13 Bulgaria sa 25-19, 25-23, 25-13 pagwalis sa World No. 22 Portugal papasok sa quarterfinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumipa ang kanyang utol na si Simeon ng 19 excellent sets.

Ito na ang best finish ng mga Bulgarians, ang silver medalist noong 1970, sapul noong 2014 edition ng world championship na idinaos sa Poland.

Ito rin ang kauna-una­han nilang Top Eight stint sa torneo matapos noong 2010.

Bigo naman ang mga Portuguese na makaabante sa quarterfinals ng world meet na huli nilang nagawa noon pang 2002.

Nakipagsabayan ang Portugal sa second set, 23-25, bago nabaon sa 6-17 sa third set na tuluyang sinelyuhan ng Bulgaria, 25-13, para kumpletuhin ang straight-set win.

Haharapin ng mga Bulgarians sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan ng World No. 4 USA at World No. 6 Slovenia na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.

Pinamunuan ni Lourenco Martins ang mga Portuguese sa kanyang 10 markers habang may 31 excellent sets si setter Miguel Tavares Rodrigues.

Samantala, sasagupain ng World No. 19 Czechia ang World No. 33 Tunisia ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang banatan ng World No. 12 Serbia at World No. 16 Iran sa alas-8 ng gabi.

Ang mga Iranians ang dumiskaril sa hangad na quarterfinals appearance ng Alas Pilipinas sa una nilang world meet stint.

216 rioters na naaresto kakasuhan ng sedition


 Nakatakdang sampahan ng kasong sedition ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nasa 216 rioters na naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos na manggulo, manakit ng mga pulis at manunog ng trailer truck sa pagsasagawa ng  September protest sa  Mendiola at Ayala Bridge sa Maynila.

Ito naman ang inanunsiyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso matapos na makita ang danyos sa mga government property ng mga 216 rioters na kinabibilangan ng 127 adults at 89 na minors. Ani Domagoso, kaila­ngang managot ang mga ito dahil sa pamemerwisyong kanilang ginawa sa mga mamamayan ng lungsod.

“May sinira sila, pi­nerwisyo nila ang pri­bado at nananahimik na komunidad, pananagutan nila. Managot sila sa mga ginawa nilang bagay,” anang alkalde.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa ulat na ilang rioters ang binayaran upang sadyaing manggulo sa lungsod. May mga napabalita  aniyang mga instigator o nagplano na magbigay ng pera o funding sa ilang mga indibidwal na nanggulo. Ipinauubaya na ni Domagoso sa MPD ang  imbestigasyon.

Samantala, du­magsa naman sa MPD Headquarters ang mga magulang ng mga inaresto. Ayon sa pahayag ng ilang mga magulang, sumama lamang ang kanyang anak na kambal dahil sa barkada. Posible aniyang hindi alam ng kanyang mga anak ang pupuntahan.

Hinikayat  na lamang ni Domagoso ang mga  magulang ng mga kabataan na kaagad na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga pulis upang ituro kung sino ang taong nasa likod ng naturang kaguluhan.

“Sa mga magulang ng mga suspek, kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro na kung sino ang mga tao behind this. [Kung hindi], kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” babala pa ng alkalde.

Dagdag pa ng alkalde na makikita ang pagkakaiba ng mga lehitimong raliyista at mga nagnanais na  manggulo . “All of the sudden, from Cavite, Taguig, Pasay, Parañaque, ­Quezon City, Caloocan, na mga kabataan, ito yung mga nanggulo na noong gabi,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ni  MPD Spokesperson PMajor. Philip Ines na nananatili silang alerto  kasunod nang naganap na magulong rally sa ilang lugar sa Maynila nitong Linggo, na sinasabing posibleng isinagawa ng isang grupo ng ‘hip-hop gangsters’.

Chavit Singson namumuro sa inciting to sedition - Castro


 Pinaiimbestigahan ng Malakanyang sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) ang mga pahayag ni Chavit Singson na inaakit ang mga kabataan na huwag pumasok sa eskwela at dumalo sa mga rally.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sa pahayag ni Chavit sa kanyang press conference sa San Juan, inakit niya ang mga kabataan lalo na ang mga high school students, college students na karamihan ay mga menor de edad na huwag pumasok sa paaralan hanggang hindi bumababa ang mga taong gusto nilang pababain.

Sinabi din umano ni Chavit na hayaan ng mga magulang ang mga batang ito na tumayo para sa isang rebolusyon para sa korapsyon.

Giit ni Castro, dapat itong imbestigahan para malaman kung maaaring kasuhan ng inciting sedition. 


Legal at Iligal, huwag paghaluin sa online gambling issue – CitizenWatch


 Iginiit ng grupong pangkonsyumer na CitizenWatch Philippines na hindi dapat ipagkamali at ituring na pareho ang licensed and regulated online gaming platforms sa mga iligal na operasyon ng mga sindikato ng online gambling.

Ayon kay Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch, magkaibang-magkaiba ang intensyon at epekto ng licensed gaming platforms kumpara sa iligal na operasyon.

Aniya, ang una ay sumusunod sa batas, nagbibigay ng proteksyon sa manlalaro, at nag-aambag ng kita sa ekonomiya, habang ang pangalawa aniya’y walang oversight, nagbubukas ng pinto sa scam at exploitation, at nagdudulot ng labis na panganib sa bansa at publiko.

“Kapag licensed and regulated ang isang gaming platform, may kasamang safeguards ‘yan na pumuprotekta sa manlalaro at sa ekonomiya. Hindi ito maihahalintulad sa mga sindikatong iligal na kumikilos nang walang accountability,” paliwanag ni Oxales.

Dagdag pa niya, mahigpit na ipinatutupad ng licensed operators ang Know Your Customer o KYC kung saan masusing kinikilala ang players para maiwasan ang identity theft at money laundering. Nariyan din aniya ang anti-money laundering measures para masawata ang paggamit ng platforms sa iligal na daloy ng pera.

Bahagi rin ng regulasyon aniya ang responsible gaming tools gaya ng deposit limits at self-exclusion options upang hindi mapahamak ang manlalaro at ang mahigpit na data protection para siguraduhing ligtas ang personal na impormasyon at pondo ng manlalaro.

Sa datos ng Pagcor, nasa 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms ang patuloy na nag-o-operate sa bansa na mas marami pa kaysa sa mga ­lisensyadong kumpanya.


Mas maraming pulis ang nasaktan kaysa raliyista - Remulla


Mas marami umanong pulis ang nasaktan kaysa sa mga raliyista sa isinagawang anti-corruption protest nitong Linggo.

“None of the protesters were seriously hurt… by seriously, I mean that they would have to be hospitalized. The police got hurt more than the protesters,” ani Remulla.

“Nakakaawa po ang mga pulis natin. Binuhusan ng tubig galing sa kanal, binato ng hollow block, binato ng molotov cocktail. Gayunpaman, walang ginamit na dahas laban sa mga raliyista,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Remulla, na nakita ang sagad na maximum tolerance ng mga pulis sa kabila ng ginagawang pambabato ng bato at bote ng mga raliyista sa kanila. Nasa 84 pulis ang naiulat nasugatan at kailangan na dalhin sa ospital.

Nilinaw ni Remulla na walang raliyista ang nagtamo ng malalang sugat sa katawan.

Ani Remulla, ang 4,000 pulis na ipinakalat sa rally sa Mendiola at Ayala Bridge ay walang dalang armas maliban sa mga naka-standby na tauhan ng SWAT.


 

Terorista nasa likod ng Mendiola riot - DILG, PNP


  Itinuturo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang local terrorist group na nasa likod ng paglusob sa Mendiola at tangkang pagsunog sa Malakanyang.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, ang pinakamalaking pangamba ng security forces noong araw ng Linggo ay kung sa EDSA People power monument ginawa ang pangugulo dahil tiyak na mas maraming masasaktan.

Base sa nakalap nilang intelligence report, target ng mga terorista na magpasabog ng bomba sa Edsa People Power Monument o sa Luneta.

Dahil dito kaya nagtalaga sila ng may 400 mga pulis sa ground na pawang mga naka civilian ang damit para makita at ma-assess ang sitwasyon.

Ayon pa kay Remulla, mabuti na lamang at sa Mendiola nangyari ang kaguluhan at mas na-contain ang sitwasyon.

“May narinig kaming rally na sinabi nung may hawak ng mic na, ‘O sandali na lang, pupunta na tayo sa Mendiola, dalhin niyo na ang mga lighter ninyo. That is one confirmation that they intend to burn the Palace... The capacity to burn the Pa­lace is very difficult but the intent is there,” ayon kay Remulla.

Sinabi naman ni PNP Chief General Melencio Nartatez Jr. na patuloy ang kanilang imbestigasyon sa anggulong terorista at kung anong grupo ang nasa likod ng marahas na rally sa Mendiola nitong Linggo.

Matatandaang sinunog ng mga rallyista ang container van na nakaharang sa Ayala Bridge na ilang metro na lamang ang layo sa Malakanyang at pinagbabato pa ang mga nakabantay na mga pulis. Plano ng DILG na magsampa ng kasong arson, grave physical injuries at sedition laban sa mahigit 200 indibidwal na nahuli sa riot sa Recto.

Makikipag-ugnayan din ang DILG sa Department of Justice kung ang “anarchists” ay maaaring kilalaning terrorista.

Una nang sinabi ng Manila Police District (MPD) na mga miyembro umano ng hip-hop gangsters na naimpluwensiyahan ng isang ‘rapper’ ang mga lumahok sa riot.

Inaalam na rin ng mga otoridad kung ang grupong Anonymous PH ang umano’y pasimuno sa online na panawagan na magsuot ng itim na maskara sa Setyembre 21 rally.

Naunang kumalat mula sa grupo ang mga panawagan para sa pagsusuot ng itim na mask at itim na damit.

Sunday, September 21, 2025

Malacañang isinailalim sa lockdown; utak ng gulo kikilalanin

 

Isinailalim sa mahigpit na lockdown ang Malacañang kahapon matapos umiral ang tensiyon sa bahagi ng Ayala Bridge at tangkaing lusubin ng mga raliyista ang compound.

Sinunog ng ilang grupo ng mga kalalakihan ang gulong ng isang container van na nagsilbing harang patungo sa Malacañang Complex.

Ayon sa ulat, walang pinayagang lumabas, kahit mga residente sa Malacañang Complex, at iisang gate lamang na nasa J.P. Laurel/Nagtahan ang bukas upang masigurong walang makakapuslit papasok sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, naka-monitor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaganapan at nakarating na rin sa kanya ang nangyaring tensiyon sa Ayala Bridge. “Nagmo-monitor ang Pangulo, asahan ninyo na ang Pangulo ay nandidiyan. Kaya hindi niya itinuloy ang pagbiyahe para malaman din niya at madinig kung ano ang tunay na hinaing ng mga tao,” ani Castro.

Hindi naniniwala si Castro na walang nag-utos sa grupo na manunog at manggulo sa malaking kilos-protesta.

Sinabi ni Castro na bilang abogado, isang mala­king kuwestiyon kung paano nagkita-kita ang grupo at lahat ay nambato at manunog.

Nais ng Malacañang na malaman kung sino ang utak sa panggugulo.

Sino ba ‘yung sanay sa mga ganitong harassment? Sino ba ang gusto nilang iangat dito at sino ang gusto nilang pabagsakin?” ani Castro.

Ipinunto rin ni Castro na naka-maskara ang mga nanggulo kaya malinaw na masasamang elemento ang mga ito at maaaring kasuhan ng sedition.

“Itong mga ito, tingnan n’yo ha, mga naka­maskara sila. Kung matapang sila, ilabas nila ang mukha nila,” ani Castro.

Ipinahiwatig din ni Castro na ang gumagawa ng krimen ay ang mga gustong magpabagsak sa Pangulo at gustong umangat sa puwesto.

“Sino ba ‘yung sanay sa mga ganitong harassment? Sino ba ang gusto nilang iangat dito at sino ang gusto nilang pabagsakin?” ani Castro.

Thursday, September 18, 2025

Pangarap ng Alas nadiskaril


 Abot-kamay na ng World No. 82 Alas Pilipinas ang makasaysayang pag­lalaro sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Subalit diniskaril ito ng World No. 16 Iran matapos ilusot ang dramatikong 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20 panalo sa Pool A kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Muling ipinakita nina veterans Bryan ‘Bazooka’ Bagunas at Marck Espejo at rookie Leo Ordiales ang kanilang puso para sa mga Pinoy spikers na gumawa ng kasaysayan matapos talunin ang World No. 23 Egypt, 29-27, 23-25, 25-21, 25-21, noong Martes.

Ito ang kauna-unahang panalo ng isang Philippine team sa world volleyball championship.

“Una, siyempre ma­lungkot kasi natalo. Pero natutuwa pa rin ako kasi hindi naman namin ine-expect na aabot kami dito,” sabi ng 27-anyos na si Bagunas. “Sobrang proud ako sa mga bata kasi talagang nag-step up sila sa game na ito.”

“Siguro para sa akin ang mababaon kong aral ay mas maging matured pa at babaunin ko iyong experience ko dito,” dagdag ng 22-anyos na si Ordiales. “Masasabi ko lang, kaya nating mag-compete internationally.”

Lalabanan ng Iran sa knockout phase ang World No. 12 Serbia sa Martes sa Pasay City venue.

Ang mga Iranians na lamang ang natirang kinatawa ng buong Asya sa FIVB Worlds matapos masibak ang Alas Pilipinas, Japan, South Korea at China.

Inilista ng Alas Pilipinas ang 2-1 bentahe matapos kunin ang third set, 25-17.

Nakatabla ang Iran sa fourth frame, 25-23, para makahirit ng fifth set kung saan nila kinuha ang 10-4 bentahe.

Nakatabla ang mga Pinoy spikers sa 10-10 at ilang beses nagkaroon ng pagkakataong selyuhan ang panalo, ang huli ay sa 19-18 kung saan nanalo ang Iran sa isang net fault challenge sa kill block sana ni Kim Malabunga kay Ali Hajipour.

At mula rito ay tuluyan nang inangkin ng mga Iranians ang 22-20 panalo.

Discaya, 3 ‘BGC Boys’ kalaboso sa Senado


 Kalaboso sa Senado ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II at tatlong dating opisyal ng DPWH sa Bulacan dahil sa pagsisinungaling.

Sa pagsisimula ng pagdinig, sinabi ni Discaya na hindi nakadalo ang kanyang asawa dahil sa heart ailment o sakit sa puso.

Pero sa sulat na ipinadala ni Sarah Discaya kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite, hindi nito binanggit na mayroon siyang sakit sa puso at sa halip ay isinangkalan ang meeting sa mga empleyado kaya hindi nakasipot sa pagdinig.

Agad na inakusahan ni Sen. Kiko Pangilinan si Discaya na nagsisinungaling at binabastos ang komite. Humingi ng paumanhin si Discaya at ipinaliwanag na ang kanyang asawa ay may diabetes at hypertension.

“Very inconsistent ‘yung pinagsasasabi nitong si Mr. Discaya…Mag-asawa sila, imposibleng ‘di sila nag-uusap. Very clear for me pinaglololoko tayo nito,” sabi naman ni Sen. Raffy Tulfo.

Kaugnay nito inaprubahan ni Lacson ang mosyon na ma-cite in contempt si Discaya at ikinulong sa Senado.

Pinatawan rin ng contempt ang “BGC Boys” na sina Engr. Henry Alcantara, dating District Engineer ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office at Engr. Jaypee Mendoza sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga maanomalya at ghost flood control projects. Nauna nang nakulong sa Senado si Engr. Brice Ericson Hernandez.

Sa pahayag ni Sally Santos, general manager ng SYMS Construction Trading, pinilit umano siya nina Hernandez at Mendoza na ipahiram ang lisensiya ng kanyang kompanya para sa isang proyekto.

Sinabi naman ni Hernandez na “Involved nga po si Engineer Mendoza, ako, si Boss Henry, at isa pa po naming project engineer... si Engineer Paul Duya po.

Itinanggi ni Alcantara ang akusasyon at binanggit pa ang sinabi ni Santos na hindi siya kailanman nakipag-usap sa kanya.

Pero sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na dalawang pagdinig  nagsisinungaling si Alcantara at palaging itinuturo ang mga taong nasa ibaba niya.

“District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project. Wala ka rin alam lumobo ang budget mo,” dagdag ni Tulfo.

Isinulong ni Tulfo na i-contempt si Alcantara na inaprubahan naman ng komite.

Engineers ng DPWH Bulacan naghati sa ‘kita’ sa ghost projects - Brice


 Sinabi ni dating Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez na kasama siya at ilang iba pang engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naghati-hati ng “kita” para sa mga ghost projects.

Ginawa ni Hernandez ang pahayag matapos siyang bigyan ng legislative immunity ng Senado para ibahagi kung paano ­gumagana ang mga ghost project sa kanilang distrito.

“Yung project[s] na ‘yun, meron po kaming sharing na pag kumita po… si Boss Henry (Alcantara) po may 40%, ako po may 20%, si engineer Jaypee (Mendoza) meron pong 20% at si engineer Paul Duya meron din pong 20%,”sabi ni  Hernandez sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maano­malyang flood control projects.

“Yung sharing po kung magkano lahat, meron pong certain percentage kung magkano po naging kita. ‘Yun po yung hatian,” dagdag ni Hernandez.

Ibinahagi din ni Hernandez na ang pagtaas ng “grease money” ay bahagi ng dahilan kung bakit sila nagpasya na gumawa ng mga ghost projects.

“Sa proponent daw po [napupunta yung tara], sabi ni boss. Wala po akong nagpadala ano, pakikipag-usap sa proponent,” sabi ni Hernandez.

Itinanggi naman ng dating amo ni Hernandez na si Bulacan first district engineer Henry Alcantara ang mga akusasyon.

“Hindi ko po alam [kung sino yung proponent,] your honor. Every time po na may itatanong sa kanya, puro po ang turo sa akin… Maliwanag naman po dito na sinasabi ng contractor na sila po ang kausap niya, your honor,” ani Alcantara.