Nakatakdang sampahan ng kasong sedition ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nasa 216 rioters na naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos na manggulo, manakit ng mga pulis at manunog ng trailer truck sa pagsasagawa ng September protest sa Mendiola at Ayala Bridge sa Maynila.
Ito naman ang inanunsiyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso matapos na makita ang danyos sa mga government property ng mga 216 rioters na kinabibilangan ng 127 adults at 89 na minors. Ani Domagoso, kailangang managot ang mga ito dahil sa pamemerwisyong kanilang ginawa sa mga mamamayan ng lungsod.
“May sinira sila, pinerwisyo nila ang pribado at nananahimik na komunidad, pananagutan nila. Managot sila sa mga ginawa nilang bagay,” anang alkalde.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa ulat na ilang rioters ang binayaran upang sadyaing manggulo sa lungsod. May mga napabalita aniyang mga instigator o nagplano na magbigay ng pera o funding sa ilang mga indibidwal na nanggulo. Ipinauubaya na ni Domagoso sa MPD ang imbestigasyon.
Samantala, dumagsa naman sa MPD Headquarters ang mga magulang ng mga inaresto. Ayon sa pahayag ng ilang mga magulang, sumama lamang ang kanyang anak na kambal dahil sa barkada. Posible aniyang hindi alam ng kanyang mga anak ang pupuntahan.
Hinikayat na lamang ni Domagoso ang mga magulang ng mga kabataan na kaagad na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga pulis upang ituro kung sino ang taong nasa likod ng naturang kaguluhan.
“Sa mga magulang ng mga suspek, kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro na kung sino ang mga tao behind this. [Kung hindi], kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” babala pa ng alkalde.
Dagdag pa ng alkalde na makikita ang pagkakaiba ng mga lehitimong raliyista at mga nagnanais na manggulo . “All of the sudden, from Cavite, Taguig, Pasay, ParaƱaque, Quezon City, Caloocan, na mga kabataan, ito yung mga nanggulo na noong gabi,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi naman ni MPD Spokesperson PMajor. Philip Ines na nananatili silang alerto kasunod nang naganap na magulong rally sa ilang lugar sa Maynila nitong Linggo, na sinasabing posibleng isinagawa ng isang grupo ng ‘hip-hop gangsters’.
No comments:
Post a Comment