Iginiit ng grupong pangkonsyumer na CitizenWatch Philippines na hindi dapat ipagkamali at ituring na pareho ang licensed and regulated online gaming platforms sa mga iligal na operasyon ng mga sindikato ng online gambling.
Ayon kay Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch, magkaibang-magkaiba ang intensyon at epekto ng licensed gaming platforms kumpara sa iligal na operasyon.
Aniya, ang una ay sumusunod sa batas, nagbibigay ng proteksyon sa manlalaro, at nag-aambag ng kita sa ekonomiya, habang ang pangalawa aniya’y walang oversight, nagbubukas ng pinto sa scam at exploitation, at nagdudulot ng labis na panganib sa bansa at publiko.
“Kapag licensed and regulated ang isang gaming platform, may kasamang safeguards ‘yan na pumuprotekta sa manlalaro at sa ekonomiya. Hindi ito maihahalintulad sa mga sindikatong iligal na kumikilos nang walang accountability,” paliwanag ni Oxales.
Dagdag pa niya, mahigpit na ipinatutupad ng licensed operators ang Know Your Customer o KYC kung saan masusing kinikilala ang players para maiwasan ang identity theft at money laundering. Nariyan din aniya ang anti-money laundering measures para masawata ang paggamit ng platforms sa iligal na daloy ng pera.
Bahagi rin ng regulasyon aniya ang responsible gaming tools gaya ng deposit limits at self-exclusion options upang hindi mapahamak ang manlalaro at ang mahigpit na data protection para siguraduhing ligtas ang personal na impormasyon at pondo ng manlalaro.
Sa datos ng Pagcor, nasa 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms ang patuloy na nag-o-operate sa bansa na mas marami pa kaysa sa mga lisensyadong kumpanya.

No comments:
Post a Comment