Showing posts with label SPORTS. Show all posts
Showing posts with label SPORTS. Show all posts

Wednesday, October 1, 2025

Andrei Dungo, Green Archers pinutol sungay ng Tamaraws

 

KINILABUTAN muna ang De La Salle University (DLSU) sa huling pitong segundo bago nito tuluyang binigo ang Far Eastern University (FEU), 74-72, para makabalik sa win column ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament, Miyerkoles, sa UST Quadricentennial Pavilion.

Nagkaroon ng ginintuang pagkakataon ang Tamaraws na itabla ang laro nang makita ni Jorick Bautista ang kanyang sarili na bukas na bukas para makumpleto ang baseline layup, ngunit nagkamali ang shooting guard sa huling pitong segundo na natitira. Ang sablay ay nagbigay sa La Salle na ubusin ang mahahalagang segundo bago itinulak ng FEU sa penalty na siyang epektibong nagselyado ng bounce-back na panalo ng Green Archers.

Matagumpay na naubos ng La Salle ang orasan upang mapanatili ang tagumpay matapos matalo sa University of Santo Tomas (UST) noong Sabado, na umunlad sa 2-1 kartada para sa solong ikaapat na puwesto.

Sinandigan ng Green Archers si Andrei Dungo, dating UST Tiger Cub, na nagpakita ng kanyang kaginhawahan sa loob ng Quadricentennial Pavilion sa kanyang 17 puntos sa 7-of-11 shooting para pamunuan ang La Salle.

“Of course coming off a loss you really want to win. We had a part in the game where we’re playing really, really well but in the UAAP you cannot say that you’re gonna have an easy win. FEU came back in the fourth and we just have to figure out our struggles in the fourth quarter,” sabi ni Green Archers deputy coach Caloy Garcia.

Nagdagdag si Mason Amos ng 14 puntos, apat na assists at tatlong rebounds, habang si Jacob Cortez ay nagtala rin ng 14 puntos na may apat na assists at tatlong boards.

Si EJ Gollena ay umiskor ng 13 puntos at walong rebounds, kalahati nito ay nasa offensive glass.

Si Mike Phillips, sa kabila ng pagiging limitado sa anim na puntos sa 1-of-7 shooting, ay nakaangkla sa Archers na may 13 rebounds at siyam na assists.

Ang Green Archers, na dumaan din sa wringer bago talunin ang Adamson Soaring Falcons sa kanilang season opener, ngayon ay naghahanda para sa kanilang rivalry showdown sa Ateneo Blue Eagles sa Linggo.

Nahabol ng FEU ang 51-64 pagpasok sa ikaapat ngunit nakabawi sa loob ng isa, 69-70, may 2:25 na nalalabi sa pamamagitan ng pagsisikap nina Mo Konateh, Janrey Pasaol, Bautista at Jedric Daa.

Ngunit sina Amos at Dungo ay naghatid ng magkasunod na basket para sa La Salle upang iunat ang kalamangan sa 74-69 may 1:32 ang nalalabi.

Sumagot si Bautista ng clutch triple sa 54.4-segundo na marka upang i-trim ito sa 72-74, para lang makaligtaan ang magiging game-tying layup sa namamatay na segundo — ang pinakamalaking what-if ng gabi.

“Nag step-up lang ako kasi kailangan mag step-up ng team kasi kulang kami sa mga players. Naging composed lang ako and naging ready lang,” sabi ni Dungo, na pinunuan ang pagkawala ni Kean Baclaan, na hindi nakapaglaro dahil sa sprained ankle.

Jonathan Kuminga kinagat 2-year extension sa Warriors


 SA hinaba-haba ng negosasyon, nagkasundo rin ang Golden State Warriors at si Jonathan Kuminga, hindi magpapalit ng jersey ang wingman, mananatili sa Bay Area.

Tinanguan na raw ni Kuminga ang offer ng Warriors na two-year, $48.5 million deal, ayon sa ulat ni Shams Charania ng ESPN, team option pa rin ang pangalawang taon, pero uupuan daw ito para busisiin pagkatapos ng 2025-26 season Mas pinili ni Kuminga ang dalawang taon kaysa sa isa pang offer na three-year, $75 million, eligible siyang ma-trade sa January.

No. 7 pick ng Golden State si Kuminga noong 2021 NBA Draft, sa nakalipas na dalawang seasons, nag-average si Kuminga ng 15.8 points, 4.7 rebounds at 2.2 assists per game.

Nawala lang si Kuminga sa rotation ng Warriors sa first round ng nakaraang playoffs, ang seven-game series kontra Houston Rockets, gusto nito ng mas malaki-laking role para daw mailabas niya ang potensiyal.  “Things take time, but I feel like I’m at the point where that has to be my priority, to just bne one of the guys a team relies on,” aniya sa The Athletic. “Aiming to be an All-Star. Multiple times. Aiming to be great.”

Hindi raw mahalaga kung saan siya mapadpad, basta tumatak ang pangalan sa liga.

“It don’t matter if it’s the Warriors of if it’s anywhere else, it’s something I want,” dagdag ni Kuminga. “I want to see what I could do. I know I got it.”

Mahirapan lang siyang makasingit dahil kay Steph Curry pa rin ang unang opsiyon ng Warriors, may Jimmy Butler pa.

Free throw ni Marc Cuenco sumagip sa Mapua vs Lyceum


 
 NAGPAKATATAG si Marc Cuenco sa krusyal na dalawang free throws upang buhatin ang nagtatanggol na kampeong Mapua Cardinals na matakasan ang Lyceum of the Philippines sa loob ng dalawang overtime tungo sa pagtatala sa una nitong panalo, 90-89, sa pagbubukas ng Season 101 ng National Collegiate Athletic Association (NCAA), Miyerkoles.

Kinailangan ni Cuenco na ipasok ang pangalawa nitong free throw sa huling anim na segundo ng laro upang ibigay sa Cardinals ang abante na tuluyan nitong sinandigan upang ipamalas ang kahandaan para sa hinahangad nitong magkasunod na korona. “Alam po namin na talagang paghihirapan namin ang lahat ng mga magiging laban namin. Pinaghandaan namin ang ganitong laro pero hindi po namin inaasahan na mahahatak talaga kami agad,” sabi ni John Recto, na pinamunuan ang Cardinals sa team high na 16 puntos, 5 steals, 3 assists at 9 rebounds.

Hinati ni Cuenco ang kanyang fee throw sa nalalabing 6.8 segundo upang ilagay ang Cardinals sa liderato.

Sa susunod na posesyon, si Lyon Pallingayan ay nagpunta para sa panalo sa isang set shot ngunit hindi nakuha upang malasap ang kabiguan sa Group A.

Tumulong sina rookie Earl Sapasap na may 16 puntos, 4 rebounds at 1 block habang si Cuenco ay 14 puntos tampok ang 2 assists at 1 block. Nag-ambag din si Yam Concepcion ng 13 puntos, 10 rebounds, 2 assists at 1 steal habang si Cyril Gonzales ay may 11 puntos, 1 rebound, 1 assist at 5 steas.

Hindi naglayo ang dalawang koponan mula umpisa hanggang sa pagtatapos kung saan ang parehong mga squad ay nakikipagpalitan ng mga basket na nagpapanatili sa iskor sa pinakamalapit lamang na limang puntos na agwat.

Pinangunahan ni Renz Villegas ang laban ng Lyceum, na naghatid ng mga clutch play na nagpalawig sa laro.

Nagtapos si Villegas na may 23 puntos, apat na rebounds at apat na assists, ginagawa ang lahat para mapanatili ang buhay ng mga Pirates, ngunit ang kalmadong Mapua sa kahabaan ay nagselyo sa panalo ng Cardinals.

Tuesday, September 30, 2025

Magnolia ‘patay kung patay’ sa Season 50 – Zav Lucero

 

POSITIBO si Zavier Lucero na magiging contender pa rin ang Magnolia sa PBA Season 50, kahit pa bagong bihis ang team.

Si LA Tenorio na ang bagong head coach ng Hotshots, hinugot mula Ginebra para pumalit kay Chito Victolero. Unang official business ni Tenorio bilang head mentor ang paghugot kay 6-foot-5 big man Yukien Andrada bilang No. 6 pick overall sa 2025 Draft noong September 7, bago ‘yun, nasilo ng Hotshots si Javi Gomez de Liano sa trade sa Terrafirma para kay Jerrick Ahanmisi.

“I think ever since I’ve been here, and before I’ve been here, the talent’s there,” ani Lucero. “But we can go all the way. We might not have the talent of an SMB or Ginebra, but we have enough.”

Sakto sa talento, kailangan na lang mailabas at magamit ang potensiyal, binigyan din si Lucero ng panibagong two-year maximum extension nitong offseason.

Nawala lang si William Navarro na tumalon sa Korean Basketball League (KBL), pero pukpok pa rin ang mga beteranong sina Mark Barroca, Paul Lee, Ian Sangalang, Rome dela Rosa, at sina Jerom Lastimosa, James Laput.

“We have to make sure that we are the most together team, and that beats talent, usually,” dagdag ng 6-foot-6 forward. “Hopefully that would be the case for us this year.”

Noong 2018 Governors Cup pa ang huling championship ng Magnolia, binansagan ng mga miron na ‘Introboys’ dahil humaharurot sa umpisa ng bawat torneo bago tumutukod sa dulo.

Sa October 5 ang siklab ng golden season via Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, labas na agad ang dibidendo ng pagdating ni Juan Gomez de Liano sa Converge.

Kita ang chemistry ni Gomez de Liano sa mga dinatnang sina twin towers Justin Arana at Justine Baltazar, at ang backcourt nina Alec Stockton at Schonny Winston, No. 2 pick ng Fiberxers si Juan GDL sa 2025 PBA Draft noong September 7.

Gumawa ng ingay ang Converge sa build up bago ang PBA Season 50 Philippine Cup, winalis ang apat na panalo sa preseason games, kabilang sa mga biktima ng FiberXers ang all-Filipino defending champion San Miguel, Meralco, NLEX at Blackwater.

Solb na kay Bronny! LeBron James dehins na hihintayin sa NBA si Bryce


 AMA na raw si Bronny, hindi na hihintayin ni LeBron James na makalaro pa sa NBA ang isa pang anak na lalaking si Bryce.

Freshman pa lang sa Arizona ngayong taon si Bryce, noong nakaraang season, natupad ang pangarap ni LeBron na makalaro ang panganay na si Bronny, naging teamamtes ang mag-ama sa Los Angeles, hinugot ng Lakers si Bronny bilang 55th pick overall noong 2024 draft.

“I am not waiting on Bryce,” paglilinaw ni James sa media day ng Lakers nitong Lunes, via Dan Woike ng The Athletic. “I don’t know what his own timeline is. I got my timeline, and I don’t know if they quite match up.”

Mukhang papunta na sa finish line ng career si LeBron, 40, ngayong 2025-2026 NBA ay papasok na sa kanyang record 23rd season.

Aminado siyang igagarahe na rin ang jersey, hindi lang nagbigay ng konkretong sagot kung kailan.

“Sooner than later,” aniya raw, ayon kay Woike.

Motibasyon daw ni James na makalaro pa sa kanyang kasibulan si Luka Doncic, 26, dumating sa LA si Doncic noong February sa blockbuster trade mula Dallas kapalit ni Anthony Davis.

“The motivation to be able to play alongside (Luka) every night? That’s super motivating,” ani James. “That’s what I’m gonna train my body for. Every night that I go out there, and try to be the best player I can for him, and we (gonna) bounce that off one another.”

Forthsky Padrigao, Nic Cabañero ibabala uli ng UST Growling Tigers

 

IPAGPAPATULOY nina Forthsky Padrigao at Nic Cabañero ang pananalasa ng host University of Santo Tomas (UST) sa pagsagupa nito sa National University (UST) na kapwa asam samahan ang pahingang Ateneo sa tuktok ng UAAP Season 88 collegiate men’s basketball standings ngayong Miyerkoles sa UST Quadricentennial Pavilion Arena.

Magbabalik sa pugad ng Growling Tigers ang mga laro na inaasahang gagamitin ng squad ni coach Pido Jarencio ang homecourt advantage laban sa Bulldogs na sabik makabangon matapos ang mga nakakadismayang kampanya nakaraang season sa ganap na alas-4:30 ng hapon.

Itinala ng UST ang dalawang matinding sorpresa sa torneo matapos na putulin ang siyam na sunod na pagkatalo sa defending champion University of the Philippines (UP) at tinapos ang 16 sunod-sunod na kabiguan sa runner-up noong nakaraang taon na De La Salle.

Nakatuon ang Growling Tigers sa kanilang unang 3-0 simula mula noong 2015, ang taon na huli itong nakarating sa Finals bitbit ang programang nakabase sa España.

Nagpamalas ng pamumuno sina Padrigao at Cabañero, habang ang Nigerian rookie center na si Collins Akowe ay naging dominanteng puwersa sa panalo ng UST.

Nag-average si Akowe ng 24.5 points at 18 rebounds sa kanyang dalawang laro upang parusahan ang mga Fighting Maroons at Green Archers. Si Padrigao ang muling nagsasaayos ng opensa, kung saan tinanggap ni Cabañero ang papel ng sandigan ng samahan.

“These guys are good. I don’t think we’ll have a hard time grounding them because I talk to them off the court and always ask what they can improve on. We just have to keep grounded, we just have to stick to what we’re doing,” sabi ni Growling Tigers assistant coach Peter Martin.

Para sa NU, sa wakas ay mayroon nang malusog na listahan si coach Jeff Napa matapos buksan ang season sa 2-0. Ngunit inamin niyang maraming bago ang Bulldogs bago tunay na maituturing na Final Four contenders.

“Number one siyempre iyung consistency namin. Day in and day out, iyung approach namin, it should be all about effort. How we put iyung effort na ibinibigay namin and kung paano kami magiging consistent day in and day out,” sabi ni Napa.

“We will start again in practice, we will try to put in an effort again to stay sharp and stay positive kasi hindi biro iyung parating pa na mga kalaban namin. We need to be ready, and we need to stay healthy pa rin. Iyun ang number one concern para magawa namin ang gusto naming gawin,” sabi pa nito.

Ang Bulldogs ay sasandal nang husto sa Senegalese center na si Omar John, na may average na 12 puntos at 5.5 rebounds bawat laro, habang haharap siya kay Akowe sa isang inaabangang laban. Para kay Akowe, ito ang unang beses na makakalaban niya ang dati niyang alma mater sa high school.

Monday, September 29, 2025

Iba ka talaga lodi! Manny Pacquiao buburahin sariling record sa boksing

 

SERYOSONG nakatuon ang 8-division world champion na si Manny Pacquiao sa pagtatala ng bagong kasaysayan habang halos sigurado na ang pagsasara ng negosasyon para sa inaasam nitong target na kalaban at pagsagupa sa inaasam na korona sa kampeonato sa Disyembre.

Ayon sa beteranong promoter at MP Promotions president na si Sean Gibbons, nais ni Pacquiao na palawigin ang kanyang sariling record na may title fight win para sa parehong sinturon laban sa kasalukuyang kampeon na si Rolly Romero sa nakaplanong pagbabalik nito sa pagtatapos ng 2025.

“The goal is still the same,” sabi ni Gibbons. “The goal remains – to break his own record, to make history, to win a welterweight title,” sabi pa nito tungkol kay Pacquiao.

“He wants to be the oldest person to do it at 47 years old. Rolly Romero has the WBA belt, so he is the target,” paliwanag pa ni Gibbons.

Ang panalo kay Romero ay maggagarantiya kay Pacquiao na maitala ang kanyang bagong personal na record sa pagiging “oldest welterweight world champion” sa edad na 47 bagaman mahaba pa ang gugugulin nitong panahon para burahin ang pinakamatagal na overall record.

Itinala ang rekord sa welterweight mahigit anim na taon na ang nakalilipas, kakailanganin ni Pacquiao na manalo ng korona sa mas matanda na edad na 49 upang maangkin ang kabuuang naitalang record na nagawa ng iconic na si Bernard Hopkins, na nanalo ng unified light heavyweight belts laban kay Beibut Shumenov noong 2014 at nasungkit ang WBA at IBA crowns para idagdag sa kanyang tagumpay sa IBF at hiranging oldest boxing world champion sa kasaysayan.

Si Pacquiao ang naging pinakamatandang manlalaban sa welterweight limit na nanalo ng world championship sa edad na 40-anyos.

Sa kanyang huling tagumpay sa ring, nasungkit ni Pacquiao ang WBA welterweight title sa pamamagitan ng upset win laban kay Keith Thurman noong 2019. 

Eldrew Yulo, iba pa kikilalanin sa NAC Siklab Youth Awards


 NAC Siklab Youth Sports Awards, pararangalan mga rising stars sa Philippine Sports

SASALUDUHAN ang mga pinakamahuhusay na kabataang atleta ng Pilipinas sa 5th Nickel Asia Corporation (NAC) Siklab Youth Sports Awards sa Oktubre 11 sa Grand Ballroom ng Diamond Hotel-Manila.

Ang edisyon ng taong ito ay nagniningning sa spotlight sa Youth Heroes Awardees sa pangunguna ng weightlifters na sina Jay-R Colonia, Alexandra Ann Diaz, Althea Bacaro, Jhodie Peralta at Albert Ian Delos Santos.

Ang kanilang stellar performances sa 2025 World Youth and Junior Weightlifting Championships sa Lima, Peru ay nakakuha sa Pilipinas ng nangungunang puwesto sa 33 bansa, na may kahanga-hangang paghakot ng 10 ginto, 3 pilak at 3 tansong medalya.

Makakasama nila ang mga elite junior athletes mula sa iba’t ibang disiplina gaya nina Karl Eldrew Yulo (gymnastics), Rianne Malixi (golf), Pi Durden Wangkay (athletics), Dean Darnet Venerable (taekwondo), Tenny Madis (tennis), Kira Ellis (triathlon) at Sam Cantada (volleyball). Si Yulo, ang nakababatang kapatid ng double Olympic gold medalist na si Carlos Yulo, ay kikilalanin sa ikalimang magkakasunod na taon, na binibigyang-diin ang kanyang patuloy na kahusayan sa isport.

Ang event ay sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, CEL Logistics, MVPSF, Smart/PLDT, at Go For Gold.

Ang pitong taong gulang na jiu-jitsu prodigy na si Aielle Aguilar ay nagbabalik para sa kanyang ikatlong sunod na karangalan sa Siklab matapos dominahin ang kanyang dibisyon sa Pan Kids IBJJF Tournament sa Orlando, Florida—ang pinakamalaking youth jiujitsu competition sa mundo.

Makakasama niya ang mga kapwa Super Kids Awardees: Xian Baguhin (boxing), Sophia Catantan (fencing), Kyra Abella (judo), at Joan Denise Lumbao (karate).

Makikilala rin ang mga top performers mula sa 2025 Palarong Pambansa, kabilang ang swimmer na si Titus Sia, archer Naina Tagle, chess player Mar Aviel Carredo, dancesport standout Bhenz Rudolf Owen Semilla, at gymnast King Cjay Pernia.

Hindi rin magpapatalo, ang Batang Pinoy Games na kakatawanin ng mga standout athletes tulad nina Albert Jose Amaro II (swimming), Hazel May Risma (athletics), Haylee Garcia (gymnastics), Mariano Matteo Medina IV (archery), at Arvin Naeem Taguinota II (swimming).

May kabuuang 72 awardees ang pararangalan ng PSC-PPC-POC Media Group, na may tatlong espesyal na pagkilala na ipagkakaloob: gymnast Carlos Yulo bilang Sports Idol of the Year, Cynthia Carrion ng gymnastics na may Lifetime Achievement Award, at Christian Gonzalez ng golf bilang Godfather of the Year. 

May bagong tomador! Sonny Estil pinapirma ng Ginebra Gin Kings


 KUMPIRMADO, ka-Barangay na si Sonny Estil.

Pumirma si Estil ng one-year deal sa Ginebra nitong Lunes, sinelyuhan ang kontrata sa handshake nina Estil at Gin Kings assistant team manager Rayboy Rodriguez, kasama ng 6-foot-3 forward ang kanyang agent na si Danny Espiritu. First round pick (11th overall) ng Ginebra si Estil sa PBA Season 50 Draft noong September 7, ang dating Letran big man ang MVP ng two-day Draft Combine, bagay na hindi nakalampas sa radar ni coach Tim Cone.

Nasa US pa si Cone noong Combine, nang mag-pass ang 10 naunang teams sa selection at nasa table pa ang pangalan ni Estil, hindi na nagdalawang-isip si Cone na tapikin ang 24-year-old native ng Agusan del Sur.

Nakuha na raw ni Estil ang release papers niya sa Pampanga Giant Lanterns sa MPBL.

“He has a lot of potential, he’s athletic,” deskripsiyon ni Cone sa kanyang rookie big. “He runs the floor well, he gets to the basket well, he got good size for his position which is important.”

Makakatulong si Estil lalo’t wala na sa Gins si Jamie Malonzo na nag-desisyong dumayo sa Japan B.League, hindi pa rin agad-agad makakalaro sa bukana ng PBA Season 50 Philippine Cup si veteran center Japeth Aguilar na nagpa-opera ng daliri.

Sa October 5 ang siklab ng golden season ng liga.

Timberwolves kakaliskisan big man na si Alize Johnson

 

NAGPUPUNO na rin ng roster ang Minnesota Timberwolves, pinapirma para sa training camp si dating San Antonio Spurs big man Alize Johnson.

Nasa 17 na ang roster ng Wolves papasok sa training camp, 14 dito ang may garantisadong deal.

Ibig sabihin ay may isa pang bakante,

Mag-aagawan dito sina Johnson, Johnny Juzang at Nate Santos.

Papunta sa camp, babalasahin ng NBA teams ang kani-kanilang roster para i-finalize ang regular season roster at pupunan ang kakulangan ng kanilang G League teams. Posibleng Exhibit 10 contract din ang ibinigay kay Johnson, tulad daw ng kila Juzang at Santos.

Puwedeng i-waive ng team ang players na nasa Exhibit 10 contracts para ibigay sa kanilang G League affiliate.

Pagkatapos ng 2022-23 season sa San Antonio, naglaro ng dalawang seasons abroad si Johnson, No. 50 pick noong 2014 Draft.

May tatlong batang big men ang Wolves kina rookies Joan Beringer at Rocco Zikarsky, at si third-year forward Leonard Miller.

Sunday, September 28, 2025

Alex Eala ibubuhos ang ngitngit vs Katarzyna Kawa sa ‘Sushou’

 

HINDI pa man gaanong nakakapagpahinga si Women’s Tennis Association world No. 58 Alexandra “Alex” Eala agad siyang babalik sa aksiyon para sagupain si world No. 124 Katarzyna Kawa ng Poland.

Kaugnay ito sa opening round ng $115,000 (P6.6 million) 9th Suzhou WTA 125 sa Sungent International Tennis Center ng Yangcheng Lake Peninsula Tourist Resort sa Suzhou, Jiangsu, China sa Setyembre 29-Oktubre 4.

Fourth seeded ang 20-anyos Pinay netter at Globe Ambassador na kakagaling lang sa semifinals finish ng $160,000 1st Jingshan Open Tennis sa Hubei, halos walong oras ang layo (751km, travel by land) sa Jiangsu.

Top 3 seeds sina WTA No. 37 Iva Jovic ng United States, No. 44 Tatjana Maria ng Germany at No. 57 Suzan Lamens ng Netherlands.

Sasabak din sa torneo ang tumalo kay Eala sa Final 4 at nagkampeon sa Jingshan Open na si Lulu Sun ng New Zealand na agad na makakatapat ni Jovic sa isa pang Round of 32 match.Kasing taas sa 5-foot-9 ni Eala ang Polish tennis player na 32-anyos, may career highest rank No. 64. 

Rafi Reavis papantayan tibay ni Robert Jaworski

 


TULOY ang build up ng Converge, nagdagdag pa ng mga piyesa na makakatulong sa kampanya sa PBA Season 50.

Sa kanilang social media page, kinumpirma nitong Linggo ng FiberXers ang pagpapapirma kina veteran center Rafi Reavis at rookie forward Kobe Bryan Monje. “Two names, one mission,” anang team sa pag-welcome sa latest additions.

Second round pick (21st overall) ng FiberXers si Monje sa 2025 Draft. Nakalistang 6-foot-4 ang 24-anyos na tubong Bulan, Sorsogon at produkto ng Letran Knights.

No. 2 pick ng team si Juan Gomez De Liano noong Sept. 7.Pandagdag si Monje sa frontline ng Converge sa tabi nina twin towers Justine Baltazar at Justin Arana.

Subok nang pamoste sa gitna si Reavis, pinik-ap sa free agency matapos hindi na i-renew ng Magnolia ang kontrata pagkaraan ng Season 49.

Sa kanyang 22nd season noong huli, mainam pa rin ang kontribusyon ni Reavis kapag tinatawag ng Hotshots ang numero

Friday, September 26, 2025

Mahabang bakbakan! PBA Season 50 tatawid ng 2027

 

TATAWID hanggang 2027 ang kabuuan ng PBA Season 50, simula sa October 5 via Philippine Cup.

Pero hindi buong taon ang laro, may higit isang buwan na mawawalan dahil sa dalawang kampanyang sasabakan ng Gilas Pilipinas.

Sa Media Day sa Eton Centris Elements sa EDSA, Quezon City, sinabi ni commissioner Willie Marcial na planong magkaroon ng mini-tournament na sasalihan ng ilang guest teams mula abroad sa panahon na tigil-putukan muna na regular conferences ng liga.

“Mahaba, kasi meron tayong dalawang FIBA windows tapos ‘yung Asian Games,” wika ni Marcial. “Halos mga 40 days tayo mawawala.”

Magkadikit ang second window ng FIBA World Cup Asian Qualifying (July 3 at 6) at Asiad (Sept. 19-Oct. 4) sa susunod na taon.

Sa FIBA tournament, dalawang ‘away’ games ang Gilas sa New Zealand at Australia.

Ipagtatanggol naman ng Nationals ang gold sa Asian Games sa Nagoya.

Ipapahiram ng liga ang ilang players sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para bumuo sa national squad.

Ngayon ay nasa Gilas sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Chris Newsome.

Hiniling daw ni national coach Tim Cone na magsama-sama na ang PBA players sa Gilas 10 araw bago ang FIBA window at Asian Games para mag-ensayo. “Kaya habang wala tayo du’n sa 40 days, gumagawa kami ng paraan para magkaroon tayo ng mini-tournament,” dagdag ng PBA chief. “Gusto ni coach Tim, kausap ko, mga 10 days before (ang ensayo) simula du’n sa (FIBA) window, kaysa maglagay ako ng dalawang laro ng dalawang game days, ipapa-diretso ko na para sa Asian Games.”

Para hindi masyadong mabakante ang teams, pina-plano ang pocket tourney.

“Sana, may makapunta sa atin na mga guest teams,” paliwanag ni Kume. “Ang gusto naman ng guest teams, etong all-Filipino dalawang team ang gustong sumali. Sabi ko hindi naman pupuwede.”

Lahat ng teams daw maglalaro sa mini-tournament.
“Titignan natin kung malalagyan natin ng prize money,” pahabol ni Marcial. (Vladi Eduarte)

Pinoy laban sa Pinoy! Carlo Biado makakasagupa si Jonas Magpantay sa Last 16

 

MAGKAKATAPAT ang mga Filipino cue artists na sina Carlo Biado at Jonas Magpantay sa Last 16 ng Predator WPA Men’s 10-Ball World Championships sa Military Zone 7 Sports Arena sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Pinatalsik ng 2-time World Pool Association (WPA) 9-Ball champion at nagtatanggol sa kanyang 10-Ball crown na si Biado sa round-of-32 ang nakatapat na si Ruslan Chinakhov sa iskor na 3-2, (2-4, 4-2, 4-3, 3-4, 4-1) upang ipagpatuloy ang kanyang atensiyon sa nakalaang pinaglalabanan na premyo. Binigo naman ng papaangat na si Magpantay sa iskor na 3-1, (4-2, 4-1, 3-4, 4-3) ang nakasagupa mula sa Germany na si Mortiz Neuhausen upang mapanatili din ang kanyang tsansa na makamit ang inaasam na unang titulo.

Gayunman, isa lamang sa dalawang Pilipinong cue artists ang makakausad sa labanan sa korona.

Isa pang Filipino na si Mark Estiola ang nakalusot sa matinding labanan sa pagbigo kay Konrad Jusczyszyn mula sa Poland sa 3-2 thriller, (4-3, 0-4, 4-2, 0-4, 4-0) upang makasiguro din ng kanyang silya sa quarterfinals ng torneo kung saan makakasagupa nito ang beterano na si Ko Pin Yi ng Taiwan.

Kinapos naman sina Albert James “AJ” Manas at Jeffrey De Luna sa kanilang mga laban para mapatalsik sa torneo.

Una nang pinatalsik ng wildcard qualifier na si Manas ang beteranong si Thorsten Hohmann, 2-1 (2-4, 4-1, 4-2), para makausad sa Round of 32. (Lito Oredo)

Commissioner Jai Reyes pinarusahan UAAP referee

 

HINDI pa man nag-iinit sa kanyang upuan ay agad nang nagparusa si UAAP Season 88 Commissioner Jai Reyes.

Gayunman, hindi mga manlalaro ang pinatawan ng parusa ng UAAP kundi ang mga opisyal na namahala sa laro sa pagitan ng Adamson University at ang nagtatanggol na kampeon na University of the Philippines noong Miyerkoles.

Pinatawan ng UAAP ng tatlong game-day na suspensiyon sina game commissioner Hector Villanueva, international referee Manuel Felix, Jr., at national referees Kenny Regino at Oliver Angeles.

Ang mga opisyales ay napatawan ng parusa matapos na hindi maisaayos ang sitwasyon na naganap sa huling sandali ng laro sa pagitan ng Soaring Falcons na naiuwi ang 62-59 panalo sa Fighting Maroons.

Ang parusa ay base sa insidente kung saan naglaro ang Adamson na may apat lamang na manlalaro sa natitirang 1:30 hanggang 1:10 minuto sa ikaapat na yugto matapos mag-foul out si Cedrick Manzano.

Papalit sana si Matty Erolon para kay Ray Allen Torres na nag-iwan sa kanya sa mga kasamahan na sina Mathew Montebon, AJ Fransman at Cade Ronzone.

Gayunman, nagsimula ang laro na hindi pa nakakapili si coach Nash Racela kung sino ang papalit kay Manzano, na nagbakante sa isang silya sa loob ng 20 segundo na humantong sa turnover.

Sa kabutihang palad, nasungkit ng Soaring Falcons ang panalo sa game-winning triple ni Torres para sa kanilang unang tagumpay sa torneo. (Lito Oredo)

Nagbalik sa Pilipinas! Leila Barros dehins natakot kay ‘Opong’

 

BINALEWALA ng dating “darling of the crowd” at volleyball icon na si Leila Barros ang pagkakaroon ng matinding bagyo sa bansa upang makabalik sa Maynila at magsilbing panauhing pandangal sa nagpapatuloy na 2025 FIVB Men’s World Championship.

Dumating ang dating opposite hitter para sa pambansang koponan ng Brazil at ngayon ay isang senador sa bansa nila sa kalagitnaan ng paghampas ng bagyong Opong sa Pilipinas.Si Barros, na inaasahang manonood ng finals sa Setyembre 28, ay nakarating sa Maynila nitong Biyernes ng hapon matapos ang mga naging pagka-stranded ng kanyang grupo sa halos isang araw sa Doha, Qatar.

Kasama niyang dumating sina dating Brazilian national teammate Ricarda Lima, si Mireya Luis Hernandez ng Cuba na naging three-time Olympic gold medalist at ang asawa nitong si Humberto Rodriguez na dating Cuba sports minister.

Matatandaan na si Barros ay naging bukambibig at naging sikat sa mga Filipino fans noong 2000 FIVB Grand Prix.

Ikinatuwa naman ng 53-anyos na si Barros ang mainit na pagtanggap sa kanya kahit 25 taon na ang nakalilipas at sinabing patuloy niyang pinahahalagahan ang pagbibigay dito ng pagmamahal. (Lito Oredo)

Thursday, September 25, 2025

Devin Booker balik bilang pangunahing armas ng Suns


 Desidido si Devin Booker na itodo ang tapak sa silinyador para balikatin ang Phoenix Suns umpisa ngayong 2025-26 season ng NBA.

Edad 19 lang sa kanyang rookie year si Booker nang dumating sa Phoenix, papasok na siya sa kanyang 11th season.
Sa higit isang dekada, nag-evolve si Book bilang isa sa pinaka-asintadong shooting guards ng liga.
Walang duda, ang 29-year-old pa rin ang lider ng team na nagtatangkang bumawi mula sa malamyang kampanya nitong mga nakalipas na season.

Wala na sina Kevin Durant at Bradley Beal, magiging support cast ni Booker sina Jalen Green, Dillon Brooks, Mark Williams at Khaman Maluach.

First year din ang coach nila, si Jordan Ott.
“The leadership aspect is going to be more important than ever this year – just realizing our roster, the age of our roster and the experiences I’ve had and what I’ve seen,” lahad ni Booker. “I’m going to do what I can and I’m always going to use my voice.”

Pumirma si Book ng two-year extension na nagkakahalaga ng $145 million nitong offseason, tali siya sa Suns hanggang 2030.

Siya na ang leading scorer sa kasaysayan ng prangkisa, nilagpasan sina Walter Davis, Kevin Johnson, Shawn Marion, Amar’e Stoudemire at Steve Nash.
Misyon ni Booker na ibalik sa finals ang Phoenix na huli nilang nagawa noong 2021.
“I have unfinished business here,” dagdag niya. (Vladi Eduarte)

Norbert Huber giniit kay Tats Suzara batikos sa FIVB World


 NAGPAHAYAG nang matinding pagkadismaya ang Poland national team member na si Norbert Huber hinggil sa mga pasilidad at aranasan sa pagtataguyod ng ‘Pinas sa binabatikos na 21st FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025 sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena.

Hindi napigilan ng Polish middle blocker star ang saloobin sa pagpintas sa ginaganap na 32-team volleyfest na inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara katuwang ang International Volleyball Federation. “I hope that the next major tournaments will be in other parts of the world,” giit ng 27-year-old, 6-foot-9 Brzozow native na hindi lang sa national team kumakayod, pati rin sa Wolfdogs Nagoya ng Japan V.Lague.

“The second venue looks much better (MOA). It’s a bit nicer. We even have hot water in the locker room, and you can take a shower after the match, which is not something to take for granted,” saad ni ni Huber.

“The previous facility didn’t have this (Araneta), nor did the training venues. It’s also a bit cleaner, with much better sanitary conditions. There’s no worry about something crawling out from under the locker,” pagkumpara niya.
“Overall, it rains, the weather isn’t great. Besides that, it’s very humid. Everywhere indoors its cold, and there are places where it smells really bad,” ayon pa sa balibolista.

Nxled Chameleons kakasahan sa korona ang Ho Chi Minh


 Nagposte ng 2-1 win-loss record ang Nxled upang mapasabak sa championship round ng 1st Vinh Long International Women’s Open Volleyball Tournament 2025 sa Vinh Long Province Multi-Purpose Center sa Vinh Long City, Vietnam.

Natalo ang Chameleons sa mahirap na huling laban kontra Ho Chi Minh City, 25-22, 18-25, 17-25, 26-24, 15-7, sa pagtiklop ng preliminary round nitong Miyerkoles. Na-injured dito at hindi na nakabalik pa sa laro si import Paola Martinez Vela. Pero may tsansang makaresbak ang Premier Volleyball League squad kontra Vietnamese sa kanilang pagtutuos sa finals ngayong Biyernes simula sa alas-8:00 nang gabi (9:00 p.m. Philippine time).

“Mag-ingat kayo, mga dalagita! Babawi tayo!” giit ng koponan sa isang post nitong Huwebes. Nanawagan din ang kampo sa mga tagahanga na suportahan sila sa paghahabol sa korona.

Sinungkit ng Nxled ang unang panalo sa torneo nang walisin ang VTV Binh Dien Long noong Lunes, 25-23, 26-24, 25-19.
Pangalawang hinakbangan ng Chameleons ang host Vinh Long, 28-26, 22-25, 25-15, 25-10 noong Martes, sa 2-nation, 4-team volleyfest na bahagi ng preparasyon ng una para sa 8th PVL Reinforced Conference sa Oktubre. (Abante Sports)

Wednesday, September 24, 2025

Cesar, umaasa sa pagbabago

 

Mayroong art exhibit na ginaganap ngayon si Cesar Montano sa Cebu. Matutunghayan ang mga bukod-tanging obra ng aktor at Ivan Acuña sa NUSTAR The Mall hanggang Sept. 28.

“Back-to-back kami (ni Ivan) and I have a coming up here in Quezon City, solo,” nakangiting bungad sa amin ni Cesar sa Fast Talk with Boy Abunda.

Bida ang aktor ngayon sa Selda Tres na mapapanood na rin sa mga sinehan ng Gateway ngayong Biyernes. Kabilang din sa naturang proyekto sina JM de Guzman at Carla Abellana. Isa ang Selda Tres sa mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila Film Festival 2025.

“Kapatid ko si JM de Guzman. It’s about injustice and corruption. Napapanahon, para bang sinadya pero hindi po. Matagal na ‘yan, Tito Boy. Noon pa man, mayroon na ‘yan pero ito ‘yung highlight, ito ‘yung pinaka-highlight na hindi kalunuk-lunok na. Pero noon pa ‘yan. Sakit na ng bansa natin ‘yan. ‘Yung sistema na ‘yan,” makahulugang pahayag ng beteranong aktor.

Mainit na pinag-uusapan sa bansa ngayon ang tungkol sa korapsyon. Para kay Cesar ay malaking bahagi ng katiwalian sa gobyerno ay ang mga kababayang nabibili sa kanilang boto tuwing mayroong halalan dahil na rin sa ilang mga tiwaling pulitiko.

“Kung mayroon mang masisisi ‘yan dapat lahat tayo. Tingnan mo sa eleksyon na lang, nababayaran ang Pilipino. Hanapin n’yo ‘yung mga probinsya natin minsan compare notes pa, ‘Magkano kinita mo ngayon? Magkano binayad sa ‘yo?’ We sell our souls. Naging kultura natin ‘yan, so naboboto natin. Nalalagay natin sa power ang taong hindi naman nararapat dahil lang naibenta natin ang kaluluwa natin, ang ating boto. Now, ito na, hinog na, lumaki na. Ang dami nang nakaupo ang hindi nakaupo. Ito na ang problema natin,” paglalahad niya.

Noong Linggo ay malawakang rally sa iba’t ibang lugar sa bansa ang dinaluhan ng libu-libo nating mga kababayan dahil sa isyu ng korapsyon. Ayon kay Cesar ay kailangan na talagang magkaroon ng pagbabago sa gobyerno at sa taumbayan upang maisaayos at matigil na ang problemang ito ng Pilipinas.

“I think lahat naman ‘yan kailangan ng due process of law dadaan ang kailangan. Hindi natin makukuha ‘yan sa violence. Kailangan ito matinding repormasyon ang mangyari. Change, pagbabago talaga. Hindi natin ‘yan makukuha ng isang taon, ng ilang buwan lang, hindi. Matagal na nating kinukunsinti ‘yan, tino-tolerate ‘yan eh,” giit ng aktor at direktor.