Umabot na sa P1.38 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastruktura dulot ng magkasunod na Bagyong Mirasol at Nando na sinabayan pa ng habagat sa siyam na rehiyon sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Nasa 55,595 na mga magsasaka at farm workers ang apektado matapos salantain ng mga bagyo at habagat ang 47,723 ektarya ng kabukiran.
Ayon sa DA, nasa 109,997 tonelada ng palay, mais, high-value crops, hayop, at manok ang nawala at hindi pa kasama sa bilangan ang pinsalang dala ng Bagyong Opong na katatapos lang humagupit sa bansa, partikular sa Mindoro at Masbate.
Inutusan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga regional office at ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bilisan ang pagkuwenta ng pinsala at inatasan din niya ang National Food Authority na maglabas ng bigas para sa relief operations.
Naglaan ang PCIC ng P236 milyon na pambayad sa claims ng 25,800 na mga magsasaka. Sa naturang halaga ay P206M ang para sa palay.
Ayon sa DA, may 17,600 na mga insured farmer mula sa Ilocos at Cagayan Valley.
“Early next week we will submit our impact assessment for Opong,” sabi ni PCIC President Jovy Bernabe. (Eileen Mencias)









