Naghulog si Aleksandar Nikolov ng 19 points mula sa 17 attacks, isang block at isang service ace para tulungan ang World No. 13 Bulgaria sa 25-19, 25-23, 25-13 pagwalis sa World No. 22 Portugal papasok sa quarterfinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumipa ang kanyang utol na si Simeon ng 19 excellent sets.
Ito na ang best finish ng mga Bulgarians, ang silver medalist noong 1970, sapul noong 2014 edition ng world championship na idinaos sa Poland.
Ito rin ang kauna-unahan nilang Top Eight stint sa torneo matapos noong 2010.
Bigo naman ang mga Portuguese na makaabante sa quarterfinals ng world meet na huli nilang nagawa noon pang 2002.
Nakipagsabayan ang Portugal sa second set, 23-25, bago nabaon sa 6-17 sa third set na tuluyang sinelyuhan ng Bulgaria, 25-13, para kumpletuhin ang straight-set win.
Haharapin ng mga Bulgarians sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan ng World No. 4 USA at World No. 6 Slovenia na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.
Pinamunuan ni Lourenco Martins ang mga Portuguese sa kanyang 10 markers habang may 31 excellent sets si setter Miguel Tavares Rodrigues.
Samantala, sasagupain ng World No. 19 Czechia ang World No. 33 Tunisia ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang banatan ng World No. 12 Serbia at World No. 16 Iran sa alas-8 ng gabi.
Ang mga Iranians ang dumiskaril sa hangad na quarterfinals appearance ng Alas Pilipinas sa una nilang world meet stint.

No comments:
Post a Comment