Thursday, September 18, 2025

Pangarap ng Alas nadiskaril


 Abot-kamay na ng World No. 82 Alas Pilipinas ang makasaysayang pag­lalaro sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Subalit diniskaril ito ng World No. 16 Iran matapos ilusot ang dramatikong 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20 panalo sa Pool A kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Muling ipinakita nina veterans Bryan ‘Bazooka’ Bagunas at Marck Espejo at rookie Leo Ordiales ang kanilang puso para sa mga Pinoy spikers na gumawa ng kasaysayan matapos talunin ang World No. 23 Egypt, 29-27, 23-25, 25-21, 25-21, noong Martes.

Ito ang kauna-unahang panalo ng isang Philippine team sa world volleyball championship.

“Una, siyempre ma­lungkot kasi natalo. Pero natutuwa pa rin ako kasi hindi naman namin ine-expect na aabot kami dito,” sabi ng 27-anyos na si Bagunas. “Sobrang proud ako sa mga bata kasi talagang nag-step up sila sa game na ito.”

“Siguro para sa akin ang mababaon kong aral ay mas maging matured pa at babaunin ko iyong experience ko dito,” dagdag ng 22-anyos na si Ordiales. “Masasabi ko lang, kaya nating mag-compete internationally.”

Lalabanan ng Iran sa knockout phase ang World No. 12 Serbia sa Martes sa Pasay City venue.

Ang mga Iranians na lamang ang natirang kinatawa ng buong Asya sa FIVB Worlds matapos masibak ang Alas Pilipinas, Japan, South Korea at China.

Inilista ng Alas Pilipinas ang 2-1 bentahe matapos kunin ang third set, 25-17.

Nakatabla ang Iran sa fourth frame, 25-23, para makahirit ng fifth set kung saan nila kinuha ang 10-4 bentahe.

Nakatabla ang mga Pinoy spikers sa 10-10 at ilang beses nagkaroon ng pagkakataong selyuhan ang panalo, ang huli ay sa 19-18 kung saan nanalo ang Iran sa isang net fault challenge sa kill block sana ni Kim Malabunga kay Ali Hajipour.

At mula rito ay tuluyan nang inangkin ng mga Iranians ang 22-20 panalo.

No comments:

Post a Comment