Thursday, September 18, 2025

Discaya, 3 ‘BGC Boys’ kalaboso sa Senado


 Kalaboso sa Senado ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II at tatlong dating opisyal ng DPWH sa Bulacan dahil sa pagsisinungaling.

Sa pagsisimula ng pagdinig, sinabi ni Discaya na hindi nakadalo ang kanyang asawa dahil sa heart ailment o sakit sa puso.

Pero sa sulat na ipinadala ni Sarah Discaya kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite, hindi nito binanggit na mayroon siyang sakit sa puso at sa halip ay isinangkalan ang meeting sa mga empleyado kaya hindi nakasipot sa pagdinig.

Agad na inakusahan ni Sen. Kiko Pangilinan si Discaya na nagsisinungaling at binabastos ang komite. Humingi ng paumanhin si Discaya at ipinaliwanag na ang kanyang asawa ay may diabetes at hypertension.

“Very inconsistent ‘yung pinagsasasabi nitong si Mr. Discaya…Mag-asawa sila, imposibleng ‘di sila nag-uusap. Very clear for me pinaglololoko tayo nito,” sabi naman ni Sen. Raffy Tulfo.

Kaugnay nito inaprubahan ni Lacson ang mosyon na ma-cite in contempt si Discaya at ikinulong sa Senado.

Pinatawan rin ng contempt ang “BGC Boys” na sina Engr. Henry Alcantara, dating District Engineer ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office at Engr. Jaypee Mendoza sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga maanomalya at ghost flood control projects. Nauna nang nakulong sa Senado si Engr. Brice Ericson Hernandez.

Sa pahayag ni Sally Santos, general manager ng SYMS Construction Trading, pinilit umano siya nina Hernandez at Mendoza na ipahiram ang lisensiya ng kanyang kompanya para sa isang proyekto.

Sinabi naman ni Hernandez na “Involved nga po si Engineer Mendoza, ako, si Boss Henry, at isa pa po naming project engineer... si Engineer Paul Duya po.

Itinanggi ni Alcantara ang akusasyon at binanggit pa ang sinabi ni Santos na hindi siya kailanman nakipag-usap sa kanya.

Pero sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na dalawang pagdinig  nagsisinungaling si Alcantara at palaging itinuturo ang mga taong nasa ibaba niya.

“District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project. Wala ka rin alam lumobo ang budget mo,” dagdag ni Tulfo.

Isinulong ni Tulfo na i-contempt si Alcantara na inaprubahan naman ng komite.

No comments:

Post a Comment