Wednesday, September 24, 2025

Cesar, umaasa sa pagbabago

 

Mayroong art exhibit na ginaganap ngayon si Cesar Montano sa Cebu. Matutunghayan ang mga bukod-tanging obra ng aktor at Ivan Acuña sa NUSTAR The Mall hanggang Sept. 28.

“Back-to-back kami (ni Ivan) and I have a coming up here in Quezon City, solo,” nakangiting bungad sa amin ni Cesar sa Fast Talk with Boy Abunda.

Bida ang aktor ngayon sa Selda Tres na mapapanood na rin sa mga sinehan ng Gateway ngayong Biyernes. Kabilang din sa naturang proyekto sina JM de Guzman at Carla Abellana. Isa ang Selda Tres sa mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila Film Festival 2025.

“Kapatid ko si JM de Guzman. It’s about injustice and corruption. Napapanahon, para bang sinadya pero hindi po. Matagal na ‘yan, Tito Boy. Noon pa man, mayroon na ‘yan pero ito ‘yung highlight, ito ‘yung pinaka-highlight na hindi kalunuk-lunok na. Pero noon pa ‘yan. Sakit na ng bansa natin ‘yan. ‘Yung sistema na ‘yan,” makahulugang pahayag ng beteranong aktor.

Mainit na pinag-uusapan sa bansa ngayon ang tungkol sa korapsyon. Para kay Cesar ay malaking bahagi ng katiwalian sa gobyerno ay ang mga kababayang nabibili sa kanilang boto tuwing mayroong halalan dahil na rin sa ilang mga tiwaling pulitiko.

“Kung mayroon mang masisisi ‘yan dapat lahat tayo. Tingnan mo sa eleksyon na lang, nababayaran ang Pilipino. Hanapin n’yo ‘yung mga probinsya natin minsan compare notes pa, ‘Magkano kinita mo ngayon? Magkano binayad sa ‘yo?’ We sell our souls. Naging kultura natin ‘yan, so naboboto natin. Nalalagay natin sa power ang taong hindi naman nararapat dahil lang naibenta natin ang kaluluwa natin, ang ating boto. Now, ito na, hinog na, lumaki na. Ang dami nang nakaupo ang hindi nakaupo. Ito na ang problema natin,” paglalahad niya.

Noong Linggo ay malawakang rally sa iba’t ibang lugar sa bansa ang dinaluhan ng libu-libo nating mga kababayan dahil sa isyu ng korapsyon. Ayon kay Cesar ay kailangan na talagang magkaroon ng pagbabago sa gobyerno at sa taumbayan upang maisaayos at matigil na ang problemang ito ng Pilipinas.

“I think lahat naman ‘yan kailangan ng due process of law dadaan ang kailangan. Hindi natin makukuha ‘yan sa violence. Kailangan ito matinding repormasyon ang mangyari. Change, pagbabago talaga. Hindi natin ‘yan makukuha ng isang taon, ng ilang buwan lang, hindi. Matagal na nating kinukunsinti ‘yan, tino-tolerate ‘yan eh,” giit ng aktor at direktor. 

No comments:

Post a Comment