TATAWID hanggang 2027 ang kabuuan ng PBA Season 50, simula sa October 5 via Philippine Cup.
Pero hindi buong taon ang laro, may higit isang buwan na mawawalan dahil sa dalawang kampanyang sasabakan ng Gilas Pilipinas.
Sa Media Day sa Eton Centris Elements sa EDSA, Quezon City, sinabi ni commissioner Willie Marcial na planong magkaroon ng mini-tournament na sasalihan ng ilang guest teams mula abroad sa panahon na tigil-putukan muna na regular conferences ng liga.
“Mahaba, kasi meron tayong dalawang FIBA windows tapos ‘yung Asian Games,” wika ni Marcial. “Halos mga 40 days tayo mawawala.”
Magkadikit ang second window ng FIBA World Cup Asian Qualifying (July 3 at 6) at Asiad (Sept. 19-Oct. 4) sa susunod na taon.
Sa FIBA tournament, dalawang ‘away’ games ang Gilas sa New Zealand at Australia.
Ipagtatanggol naman ng Nationals ang gold sa Asian Games sa Nagoya.
Ipapahiram ng liga ang ilang players sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para bumuo sa national squad.
Ngayon ay nasa Gilas sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Chris Newsome.
Hiniling daw ni national coach Tim Cone na magsama-sama na ang PBA players sa Gilas 10 araw bago ang FIBA window at Asian Games para mag-ensayo. “Kaya habang wala tayo du’n sa 40 days, gumagawa kami ng paraan para magkaroon tayo ng mini-tournament,” dagdag ng PBA chief. “Gusto ni coach Tim, kausap ko, mga 10 days before (ang ensayo) simula du’n sa (FIBA) window, kaysa maglagay ako ng dalawang laro ng dalawang game days, ipapa-diretso ko na para sa Asian Games.”
Para hindi masyadong mabakante ang teams, pina-plano ang pocket tourney.
“Sana, may makapunta sa atin na mga guest teams,” paliwanag ni Kume. “Ang gusto naman ng guest teams, etong all-Filipino dalawang team ang gustong sumali. Sabi ko hindi naman pupuwede.”
Lahat ng teams daw maglalaro sa mini-tournament.
“Titignan natin kung malalagyan natin ng prize money,” pahabol ni Marcial. (Vladi Eduarte)

No comments:
Post a Comment