MAGKAKATAPAT ang mga Filipino cue artists na sina Carlo Biado at Jonas Magpantay sa Last 16 ng Predator WPA Men’s 10-Ball World Championships sa Military Zone 7 Sports Arena sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.
Pinatalsik ng 2-time World Pool Association (WPA) 9-Ball champion at nagtatanggol sa kanyang 10-Ball crown na si Biado sa round-of-32 ang nakatapat na si Ruslan Chinakhov sa iskor na 3-2, (2-4, 4-2, 4-3, 3-4, 4-1) upang ipagpatuloy ang kanyang atensiyon sa nakalaang pinaglalabanan na premyo. Binigo naman ng papaangat na si Magpantay sa iskor na 3-1, (4-2, 4-1, 3-4, 4-3) ang nakasagupa mula sa Germany na si Mortiz Neuhausen upang mapanatili din ang kanyang tsansa na makamit ang inaasam na unang titulo.
Gayunman, isa lamang sa dalawang Pilipinong cue artists ang makakausad sa labanan sa korona.
Isa pang Filipino na si Mark Estiola ang nakalusot sa matinding labanan sa pagbigo kay Konrad Jusczyszyn mula sa Poland sa 3-2 thriller, (4-3, 0-4, 4-2, 0-4, 4-0) upang makasiguro din ng kanyang silya sa quarterfinals ng torneo kung saan makakasagupa nito ang beterano na si Ko Pin Yi ng Taiwan.
Kinapos naman sina Albert James “AJ” Manas at Jeffrey De Luna sa kanilang mga laban para mapatalsik sa torneo.
Una nang pinatalsik ng wildcard qualifier na si Manas ang beteranong si Thorsten Hohmann, 2-1 (2-4, 4-1, 4-2), para makausad sa Round of 32. (Lito Oredo)

No comments:
Post a Comment