Friday, September 26, 2025

Commissioner Jai Reyes pinarusahan UAAP referee

 

HINDI pa man nag-iinit sa kanyang upuan ay agad nang nagparusa si UAAP Season 88 Commissioner Jai Reyes.

Gayunman, hindi mga manlalaro ang pinatawan ng parusa ng UAAP kundi ang mga opisyal na namahala sa laro sa pagitan ng Adamson University at ang nagtatanggol na kampeon na University of the Philippines noong Miyerkoles.

Pinatawan ng UAAP ng tatlong game-day na suspensiyon sina game commissioner Hector Villanueva, international referee Manuel Felix, Jr., at national referees Kenny Regino at Oliver Angeles.

Ang mga opisyales ay napatawan ng parusa matapos na hindi maisaayos ang sitwasyon na naganap sa huling sandali ng laro sa pagitan ng Soaring Falcons na naiuwi ang 62-59 panalo sa Fighting Maroons.

Ang parusa ay base sa insidente kung saan naglaro ang Adamson na may apat lamang na manlalaro sa natitirang 1:30 hanggang 1:10 minuto sa ikaapat na yugto matapos mag-foul out si Cedrick Manzano.

Papalit sana si Matty Erolon para kay Ray Allen Torres na nag-iwan sa kanya sa mga kasamahan na sina Mathew Montebon, AJ Fransman at Cade Ronzone.

Gayunman, nagsimula ang laro na hindi pa nakakapili si coach Nash Racela kung sino ang papalit kay Manzano, na nagbakante sa isang silya sa loob ng 20 segundo na humantong sa turnover.

Sa kabutihang palad, nasungkit ng Soaring Falcons ang panalo sa game-winning triple ni Torres para sa kanilang unang tagumpay sa torneo. (Lito Oredo)

No comments:

Post a Comment