Thursday, September 18, 2025

Pangarap ng Alas nadiskaril


 Abot-kamay na ng World No. 82 Alas Pilipinas ang makasaysayang pag­lalaro sa Round of 16 ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Subalit diniskaril ito ng World No. 16 Iran matapos ilusot ang dramatikong 21-25, 25-21, 17-25, 25-23, 22-20 panalo sa Pool A kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Muling ipinakita nina veterans Bryan ‘Bazooka’ Bagunas at Marck Espejo at rookie Leo Ordiales ang kanilang puso para sa mga Pinoy spikers na gumawa ng kasaysayan matapos talunin ang World No. 23 Egypt, 29-27, 23-25, 25-21, 25-21, noong Martes.

Ito ang kauna-unahang panalo ng isang Philippine team sa world volleyball championship.

“Una, siyempre ma­lungkot kasi natalo. Pero natutuwa pa rin ako kasi hindi naman namin ine-expect na aabot kami dito,” sabi ng 27-anyos na si Bagunas. “Sobrang proud ako sa mga bata kasi talagang nag-step up sila sa game na ito.”

“Siguro para sa akin ang mababaon kong aral ay mas maging matured pa at babaunin ko iyong experience ko dito,” dagdag ng 22-anyos na si Ordiales. “Masasabi ko lang, kaya nating mag-compete internationally.”

Lalabanan ng Iran sa knockout phase ang World No. 12 Serbia sa Martes sa Pasay City venue.

Ang mga Iranians na lamang ang natirang kinatawa ng buong Asya sa FIVB Worlds matapos masibak ang Alas Pilipinas, Japan, South Korea at China.

Inilista ng Alas Pilipinas ang 2-1 bentahe matapos kunin ang third set, 25-17.

Nakatabla ang Iran sa fourth frame, 25-23, para makahirit ng fifth set kung saan nila kinuha ang 10-4 bentahe.

Nakatabla ang mga Pinoy spikers sa 10-10 at ilang beses nagkaroon ng pagkakataong selyuhan ang panalo, ang huli ay sa 19-18 kung saan nanalo ang Iran sa isang net fault challenge sa kill block sana ni Kim Malabunga kay Ali Hajipour.

At mula rito ay tuluyan nang inangkin ng mga Iranians ang 22-20 panalo.

Isko inihain kay Pangulong Marcos Drainage Master Plan ng lungsod


 Pormal nang isinumite ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Drainage Master Plan ng lungsod bilang suporta sa kampanya ng pamahalaan na masolusyunan ang pagbaha.

Ito’y kasabay ng pagbisita ng Pangulong Marcos sa Gen. Vicente Lim Elementary School sa Tondo, kung saan isinagawa mga relief operations sa 2,253 families at namahagi ng tig P15,000 sa mga nasunugan sa Barangay 105, Happyland. Kasama rin nina Marcos at Domagoso sina Vice Mayor Chi Atienza at Congressman Ernix Dionisio.

Inabisuhan naman ng Pangulong Marcos si Domagoso na makipag ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa Metro Manila Development Authority (MMDA) drainage master plan ng lungsod.

Samantala, inilahad  din ni Domagoso ang operations plan ng lungsod kaugnay ng inaasahang mass protests sa Set­yembre 21 sa Luneta.

Ayon sa alkalde, handa na ang Manila Police District (MPD) upang masiguro ang kaligtasan ng mga protesters at publiko.

“Rest assured that the City Government of Manila stands ready to work with your administration in pursuit of sustainable development and the well-being of our people,” ani Domagoso.

Discaya, 3 ‘BGC Boys’ kalaboso sa Senado


 Kalaboso sa Senado ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II at tatlong dating opisyal ng DPWH sa Bulacan dahil sa pagsisinungaling.

Sa pagsisimula ng pagdinig, sinabi ni Discaya na hindi nakadalo ang kanyang asawa dahil sa heart ailment o sakit sa puso.

Pero sa sulat na ipinadala ni Sarah Discaya kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite, hindi nito binanggit na mayroon siyang sakit sa puso at sa halip ay isinangkalan ang meeting sa mga empleyado kaya hindi nakasipot sa pagdinig.

Agad na inakusahan ni Sen. Kiko Pangilinan si Discaya na nagsisinungaling at binabastos ang komite. Humingi ng paumanhin si Discaya at ipinaliwanag na ang kanyang asawa ay may diabetes at hypertension.

“Very inconsistent ‘yung pinagsasasabi nitong si Mr. Discaya…Mag-asawa sila, imposibleng ‘di sila nag-uusap. Very clear for me pinaglololoko tayo nito,” sabi naman ni Sen. Raffy Tulfo.

Kaugnay nito inaprubahan ni Lacson ang mosyon na ma-cite in contempt si Discaya at ikinulong sa Senado.

Pinatawan rin ng contempt ang “BGC Boys” na sina Engr. Henry Alcantara, dating District Engineer ng DPWH-Bulacan 1st District Engineering Office at Engr. Jaypee Mendoza sa pagpapatuloy ng pagdinig sa mga maanomalya at ghost flood control projects. Nauna nang nakulong sa Senado si Engr. Brice Ericson Hernandez.

Sa pahayag ni Sally Santos, general manager ng SYMS Construction Trading, pinilit umano siya nina Hernandez at Mendoza na ipahiram ang lisensiya ng kanyang kompanya para sa isang proyekto.

Sinabi naman ni Hernandez na “Involved nga po si Engineer Mendoza, ako, si Boss Henry, at isa pa po naming project engineer... si Engineer Paul Duya po.

Itinanggi ni Alcantara ang akusasyon at binanggit pa ang sinabi ni Santos na hindi siya kailanman nakipag-usap sa kanya.

Pero sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na dalawang pagdinig  nagsisinungaling si Alcantara at palaging itinuturo ang mga taong nasa ibaba niya.

“District engineer ka, hindi mo alam na may ghost project. Wala ka rin alam lumobo ang budget mo,” dagdag ni Tulfo.

Isinulong ni Tulfo na i-contempt si Alcantara na inaprubahan naman ng komite.