Inilagay na sa pinakamataas na alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMOC) ang paghahanda sa bagyong Nando.
Mula sa blue alert, itinaas sa red alert ang ahensiya dahil sa matinding banta ng Severe Tropical Storm Nando. Ayon sa NDRRMC, ang kahulugan ng red alert ay “Immediate Emergency Response”. Blue naman kung “Preparation and Anticipation for slow-onset disaster”, habang white alert kapag “Monitoring and Assessment”.
Ayon sa PAGASA, naabot kahapon ni Nando ang Severe Tropical Storm category habang kumikilos sa may Philippine Sea. “As early as now ay kumilos na. Make sure na ligtas ang kanilang mga tahanan at sundin ang maaaring aksyon na ipapairal ng kanilang mga lokal na leaders para maibsan, ma-minimize ang impacts nitong Nando,” ayon kay PAGASA administrator Dr. Nathaniel Servando.
May dala umano itong panganib dahil sa malakas na hangin at malakas na pag-ulan na magdulot ng mga pagbaha, landslides, at storm surge sa mga dalampasigan.
Alas-5 ng hapon kahapon, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong 725 km silangan ng Casiguran, Aurora o nasa layong 770 km silangan Echague, Isabela.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 140 kph at pagbugso na umaabot sa 170 kph.
Dulot nito, signal number 1 sa Batanes, Cagayan kasama ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, northeastern portion ng Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, northern portion ng Ilocos Sur, northern at central portions ng Aurora at northern and central portions ng Catanduanes.
Ngayong Linggo, dulot ng bagyo at habagat ay maulan sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Sa Lunes, Setyembre 22 ay maulan sa Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, Bicol Region, MIMAROPA, Visayas, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Davao Occidental, at Davao Oriental.
Inaasahang mag-landfall ang bagyo sa Batanes o Babuyan Islands sa Lunes ng hapon o gabi.
Lalabas si Nando sa Philippine Area of Responsibility sa Martes.

No comments:
Post a Comment