Mas lumakas pa ang puwersa ng Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos na pormal na sumali ang Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC) sa Executive Committee (Execom), kalakip ang pangakong buong suporta para sa kapayapaan at kaunlaran.
Inanunsyo ito sa isang press conference sa MalacaƱang matapos ang ika-8 pagpupulong ng Execom ng NTF-ELCAC, kung saan inilarawan ni PCEC National Director Bishop Noel Pantoja ang pakikipag-ugnayan bilang isang espiritwal na tungkulin at makabayang pananagutan.
“This is a blessing to the church but at the same time to the country… Makakasigurado po kayo sa presence ng church ngayon, babantayan po natin yung ghost projects. At makakasigurado tayo na ang church talaga ay galit sa korapsyon at tinindigan natin ito hanggang ngayon,” pahayag ni Pantoja.
Kinakatawan ng PCEC ang 78 evangelical denominations, mahigit 40,000 lokal na simbahan, at 268 misyon at iba pang organisasyong panrelihiyon. Sa pag-upo nito sa Execom, tiniyak na magiging aktibo ang simbahan sa paghubog at pagmamanman ng mga polisiya at programang tumutugon sa ugat ng insurhensiya.
Sa isang sulat ng suporta noong Setyembre 19, 2025 para sa NTF-ELCAC, binigyang-diin ni Bishop Pantoja na pinupuri ng PCEC ang pamahalaan “sa pag-i-institutionalize ng whole-of-nation, people-centered, at human rights-based blueprint upang tugunan ang ugat ng insurhensiya at makamtan ang inklusibo at pangmatagalang kapayapaan.”
Dagdag niya, ang pagtutugma ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) 2025–2028 sa mas malawak na balangkas ng seguridad at kaunlaran ng bansa ay nagbibigay ng “makasaysayang pagkakataon upang mai-localize ang mga interbensyon, mapalakas ang monitoring at evaluation, at ma-engganyo ang multi-sektoral na pakikipagtulungan.”

No comments:
Post a Comment