Nahaharap sa kasong ‘Grave Abuse of Authority’ at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Mauban, Quezon Mayor Bautista Erwin Dwight Pastrana at mga miyembro ng kanyang Sangguniang Bayan sa iligal na pagsususpinde sa labing-siyam na barangay chairmen ng kanilang probinsiya.
Sa inihaing complaint, kasama ni Pastrana sa mga nakasuhan ang buong municipal council. Sa isang panayam, matapos ihain ang kaso, sinabi ni Rodante Almacen, Barangay Chairman ng San Isidro na ang pagsususpinde sa kanila nila Pastrana ay di dumaan sa tamang proseso.
“Anim na buwan pa, ang ipinataw sa amin na suspensiyon, na di dumaan sa anumang formal na hearing,” paliwanag ni Almacen.
Ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, aniya, ay dahil sa paggamit ng pondo ng pamahalaan para ibayad sa isang pribadong abogado na nagsampa at siyang gumawa ng reklamo laban sa kanila, dahilan upang sila ay suspendihin. Ipinunto ng mga barangay chairman ang Commission on Audit (COA) Circular at desisyon ng Supreme Court (SC) na nagbabawal sa mga sangay ng pamahalaan na kumuha at gumamit ng serbisyo ng private counsel o abogado upang irepresenta sila sa husgado.
Sa kanilang reklamo, inihayag ng mga kapitan na base sa Section 65 ng Local Government Code (LGC) at sa desisyon ng SC, kinakailangang dumaan sa ‘formal hearing’ at imbestigasyon ang pagsususpinde ng mga halal ng bayan na mga opisyal ng pamahalaan, bago ito masuspinde o tanggalin sa puwesto.
Sina Pastrana at mga local official ay sinampahan naman ng kasong graft sa pagkuha ng private lawyer gamit umano ang pondo ng bayan.

No comments:
Post a Comment