Thursday, October 2, 2025

MAIP, health center tatalupan – Magalong Herbosa tagilid sa DOH scandal


 Isa ang Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Secretary Teodoro Herbosa sa mga dapat umanong isunod na imbestigahan kaugnay ng mga iregularidad at anomalya sa ahensiya, ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Sinabi ni Magalong na bukod sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kailangan din maimbestigahan ang DOH dahil sa isyu ng Medical Assistance for Indigent Program (MAIP) at mga health center. “Hindi lang diyan sa DPWH natatapos ‘yan, meron pa ‘yan DOH akala nila wala sa front sight namin ‘yan, ‘yan si Ted Herbosa, malapit ka na rin,” babala ng alkalde sa isang radio interview.

Sinabi ni Magalong na ang organisasyon nilang Mayors for Good Governance (M4GG), ay nakatanggap ng tambak na reklamo hinggil sa hindi patas na distribusyon ng MAIP.

“Sa Mayors for Good Governance isa rin ‘yan sa mga tinitignan namin, marami kaming natatanggap na complaint diyan,” wika ni Magalong. “Hindi equitable ang distribution ng MAIP.”

Naalarma naman si Senador Sherwin Gatchalian sa halos P15 bilyong halaga ng mga proyekto ng DOH na hanggang ngayon ay hindi pa tapos o hindi pa napapakinabangan, kabilang na ang mga tinatawag niyang “haunted” super health centers dahil may mga nakatayo ngang gusali pero matagal nang hindi nagagamit at walang mga tao.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2025 budget ng DOH at attached agencies nito, binanggit ni Gatcha¬lian ang 2024 na ulat ng Commission on Audit (COA), kung saan lumabas na 123 proyekto na nagkakahalaga ng P11.54 bilyon ang hindi natapos sa itinakdang panahon ng kontrata.

Batay naman sa datos ng DOH, sinabi ng senador na mula sa 1,099 super health centers na planong itayo mula 2021 hanggang 2024, 319 proyekto na nagkakahalaga ng P3 bilyon ang nananatiling hindi pa rin tapos o hindi pa nag-o-operate.

“Hindi natin papayagang maulit ang mga ‘haunted’ super health center o mga hindi pa natatapos na proyekto. Lahat ng nasa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ay kailangang matapos. Sayang ang pera dahil ang pinag-uusapan natin dito ay P15 bilyon,” ani Gatchalian, na siyang chairman ng Senate Committee on Finance.

Inirekomenda naman ng senador ang isang counterpart program kung saan magtutulungan ang DOH at mga local government unit sa paglalaan ng pondo para sa pagpapatayo at pagpapatakbo ng mga pasilidad na pangkalusugan upang maiwasan ang pagtatayo ng mga haunted health center.

No comments:

Post a Comment