Ibinasura ng Sandiganbayan ang motion for reconsideration ni Senador Jinggoy Estrada sa kanyang graft case kaugnay ng P200 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan Special Fifth Division, sapat ang ebidensiyang iniharap ng prosekusyon kaugnay ng naturang pork barrel scheme na kinasasangkutan din ni Janet Napoles. Dahil dito, magpapa¬tuloy umano ang paglilitis at pagtatag ng prima facie case laban kay Estrada, at inatasan din siyang iharap ang kanyang depensa sa pagpapatuloy ng trial.
Binigyang halaga ng Sandiganbayan ang testimonya ni Ruby Tuason, dating aide ni dating Pa¬ngulong Joseph “Erap” Estrada, at whistleblower Benhur Luy, na nag-ugnay kay Estrada sa mga pagpupulong, pag-apruba ng mga proyekto at pag-endorso sa mga nonprofit organization (NGO) ni Napoles.
Tinukoy rin ng korte ang paper trail na nagpapakitang paulit-ulit na iniendorso ni Estrada ang mga Napoles-linked NGO, na naging maha¬laga sa pagpapatupad ng umano’y maanomalyang proyekto. Bukod sa PDAF scam, matatandaang nahaharap din si Estrada sa hiwalay na alegasyon na tumanggap siya ng 30% kickback mula sa P300 milyong flood control project, kung saan nadawit din si Senador Joel Villanueva sa umano’y kickback sa P600 milyong proyekto sa Bulacan.

No comments:
Post a Comment