Plano ni Asian record holder EJ Obiena na masundan ang pagdaraos ng World Pole Vault Challenge.
Tagumpay ang unang edisyon ng torneo na idinaos noong Linggo sa Makati.
Bagama’t masama ang panahon kasabay pa ng protesta ng ilang mamamayan laban sa katiwalian at korapsyon sa gobyerno, hindi nilangaw ang unang edisyon ng World Challenge.
Dumagsa ang mga Pinoy fans para saksihan ang bakbakan ng mga world-class pole vaulters na dumating sa bansa.
Kaya naman masayang-masaya si Obiena sa kinalabasan ng torneo.
Nagpasalamat ito sa mainit na pagtanggap ng mga kababayan nito na patuloy ang pagsuporta sa kanyang bawat laban.
Dahil dito, nais ni Obiena na magkaroon pa ito ng Part 2 o Part 3 at maging annual event na.
Hangad din ni Obiena na magkaroon na rin ng women’s edition ang World Challenge upang masilayan din ng mga Pinoys ang mahuhusay na atleta sa women’s division.
“Hopefully, we’ll get a part 2, part 3, and we have this every year. Now we have these athletes to say how good the Philippines is so hopefully next time we’ll bring much more, maybe the women as well,” ani Obiena.
Sa pagtatapos ng torneo, itinanghal na kampeon si Obiena matapos magtala ng 5.80m sa kanyang second attempt.
Sinubukan pa ni Obiena na makuha ang 5.90m na marka ngunit bigo ito sa kanyang tatlong pagtatangka.
Tinalo ni Obiena sa gold medal si Thibaut Collet ng France na nagtala ng parehong 5.80m.
Nakuha ni Obiena ang ginto via countback.
Nagpasalamat din si Obiena sa mga international pole vaulters na dumating sa bansa para lumahok sa torneo.

No comments:
Post a Comment