Monday, September 22, 2025

4 bagong events sa NCAA Season 101


 Apat na bagong demonstration events ang idinagdag para sa NCAA Season 101 na magsisi­mula sa Oktubre 1 sa Smart Araneta Coliseum.

Ang mga ito ay ang golf, gymnastics, boxing at weightlifting, ayon kay NCAA Management Committee chairman Melchor Divina ng Mapua.

Ito ay mula na rin sa pakikipagtambal ng NCAA sa Philippine Sports Commission (PSC) na pinamu­munuan ni chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio.

Idaraos ang apat na demo events sa second semester na magbibigay sa NCAA ng sapat na panahon para makipagtulungan sa mga National Sports Associations (NSAs) ng golf, gymnastics, boxing at weightlifting.

Inaasahang si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang mangu­nguna sa pagpapatupad sa weightlifting kagaya ng kanyang ginawa sa nakaraang 2024 Batang Pinoy.

Samantala, bagong format ang ipapatupad sa basketball at volleyball tournaments ng NCAA Season 101.

Sinabi kahapon ni Jose Rizal University Management Committee representative Paul Supan na hahatiin ang mga koponan sa dalawang grupo at magkakaroon ng play-in phase kasunod ang quarterfinals at parehong best-of-three series sa semifinals at finals.

Magkakasama sa Group A ng men’s basketball tournament ang NCAA Season 100 champion Mapua Cardinals, Lyceum Pirates, Perpetual Help Altas, Arellano Chiefs at San Sebastian Stags.Nasa Group B ang Season 100 runner-up St. Benilde Blazers, San Beda Red Lions, Letran Knights, Emilio Aguinaldo College Generals at Heavy Bom­bers.

Ito rin ang magkaka­gru­po sa juniors basketball tournament pati na sa volleyball event.

No comments:

Post a Comment