Wednesday, September 17, 2025

Mag-asawa huli sa panunuhol sa complainant sa ‘missing sabungeros’

 

Arestado sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mag-asawang nanuhol umano sa isang complainant sa kaso ng ‘missing sabungeros’ sa Rizal.

Sa press birefing sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, sina alyas “AJ” at alyas “Tina” ay dinakip sa entrapment operation bandang alas-11 ng umaga nitong Lunes sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Ayon kay Morico, ang panunuhol ng P1.5 ­milyon ng mga suspek ay kapalit ng pagbawi ng isa sa mga complainant ng kanyang reklamo hinggil sa nawawalang sabungero.

“We confirm that there is someone who wants to intervene in the said missing sabungeros case by bribing one of the complainants to recant her earlier case filed at the National Prosecution Service,” ani Morico.

Nabatid na humingi ng tulong ang nasabing complainant sa tanggapan ng CIDG at ipinaalam ang panunuhol ng mga suspek.

Lumilitaw na mala­yong kamag-anak ng ­complainant ang mga suspek.

Nag-alok ng malaking halaga ng pera ang dalawang suspek kapalit ng pananahimik nito, hindi na pagdalo sa anumang patawag ng korte sa isyu ng missing sabungero at pag-atras nito ng reklamo sa DOJ laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang personalidad na inuugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

Inutos naman ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang masusing imbestigasyon dahil naniniwala umano siya na may nag-utos sa mga suspek.

Nasa kustodiya na ng CIDG ang mag-asawa na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 286 (Grave Coercion) of the Revised Penal Code and Presidential Decree 1829 (Obstruction of Justice).

No comments:

Post a Comment