Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Seaport Interdiction Unit, at Coast Guard K9 Unit ng Batangas ang hinihinalang ipinagbabawal na gamot na tinatayang nagkakahalaga ng P272 milyon sa isinagawang anti-drug operation sa Batangas Port noong Martes, Setyembre 16, 2025.
Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ang mga kontrabando na nakatago sa loob ng apat na audio speaker na ibinaba mula sa isang pribadong sasakyang minamaneho ng isang 30-anyos na lalaki na residente ng Cotabato City. Bumaba umano ito mula sa isang passenger vessel na dumating sa Batangas Port.
Napansin ng mga operatiba ng PDEA ang kahina-hinalang hirap ng suspek sa pag-aangat ng isa sa mga speaker, dahilan upang magsagawa ng paneling check ang PCG K9 unit. Nang suriin ng sniffing dog, nagpositibo ito sa presensiya ng ilegal na droga.
Sa masusing imbestigasyon, nadiskubre rin ang ilan pang kahon na hinihinalang droga na nakasilid sa loob ng mga speaker.
Agad na isinagawa ang imbentaryo at pag-iingat sa mga nakumpiskang ebidensya bago ito inihatid sa PDEA National Headquarters sa Quezon City para sa pagsusuri at tamang disposisyon.

No comments:
Post a Comment