Naitakas ng Ateneo de Manila University ang mahirap na 62-60 panalo kontra determinadong University of the East sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion Manila, kahapon.
Muling nagtala ng clutch basket si Kymani Ladi para tulungan ang Blue Eagles na ilipad ang malinis na dalawang panalo at hawakan ang tuktok ng team standings.
Naka-ungos ang Katipunan-based squad ng isang puntos, 58-57 nang pumukol ng tres si Wello Lingolingo para agawin ng Red Warriors ang unahan, 58-60 may 31.9 segundo na lamang sa orasan.
Hindi naman nasira ang diskarte ni Ladi, sumagot agad ito ng sariling three pointer para ibalik sa Ateneo ang lamang, 61-60 at lumiit ang oras sa 22 segundo.
May tsansa sanang mabawi ng UE ang bentahe pero naagaw ni Dominic Escobar ang bola mula kay Nico Mulingtapang.
Easy basket sana ni Escobar pero na foul siya ni Lingolingo, unsportsmanlike ang itinawag sa huli.
Nabiyayaan ng free throws at ball possession ang Blue Eagles pero isa lang ang naipasok ni Escobar, at muling nagkaroon ng tsansa ang Red Warriors dahil nagmintis ng dalawang beses si Jaden Lazo.
Kaya lang, nang ma rebound ni Precious Momowei ay diniretso na agad nito ang bola sa kanilang court kaya nagkaroon ng turnover at nasungkit ng Ateneo ang panalo.
Tumikada si 6-foot-10, Ladi ng 18 points at 10 rebounds habang kumana si Joaqui Espina ng 17 markers para sa Ateneo na sunod na makakalaban ang Adamson University sa Linggo ng alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nalasap naman ng Red Warriors ang pangalawang sunod na kabiguan, pagkakataon nilang makabangon sa Linggo rin laban sa defending champion University of the Philippines sa unang laro sa alas-2 ng hapon.

No comments:
Post a Comment