Wednesday, September 24, 2025

Italy sa semis

 

Nagmartsa ang World No. 2 Italy sa semifinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship matapos dominahin ang World No. 15 Belgium, 25-13, 25-18, 25-18, kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Patuloy ang pagdedepensa ng mga Italians sa kanilang suot na korona kasabay ng pagsibak sa mga Belgians sa 32-team tournament.

Lalabanan ng Italy sa semifinals ang mananalo sa quarterfinals match ng World No. 1 Poland at World No. 14 Turkiye na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.

Umiskor si Roberto Russo ng 12 points para banderahan ang mga Ita­lians na naghari sa World Championship noong 19­90, 1994, 1998 at 2002.

“We know that Belgium is a great and powerful team, but I’m really for this win,” wika ni Russo na tumipa ng anim na attacks, apat na blocks at dalawang service aces.

Nagdagdag si Alessandro Michieletto ng 11 markers tampok ang pitong blocks at may 10 points si Mattia Bottolo habang may 30 excellent sets si 2022 World Championship MVP Simone Giannelli.

Pinamunuan ni Ferre Reggers ang Belgium sa kanyang 13 points mula sa 13 attacks habang nag-ambag si Sam Deroo ng 11 markers buhat sa 11 hits.

Hinataw ng Italy ang 12-5 abante sa first set patungo sa 25-13 panalo at ipinoste ang 16-11 bentahe sa Belgium sa second frame galing sa palo ni Michieletto.

Ang block ni Russo kay Reggers ang sumelyo sa 25-18 pananaig ng mga Italians sa mga Belgians at kunin ang 2-0 lead sa laro.

Muli ring inilista ng Italy ang 16-12 bentahe sa third set bago inilapit ni Reggers ang Belgium sa 18-23.

Ang ace ni Russo ang kumumpleto sa straight-sets win ng mga Italians para sumampa sa semifinals.

Samantala, lalabanan ng World No. 16 Iran ang World No. 18 Czechia ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng World No. 4 USA at World No. 14 Bulgaria sa alas-8 ng gabi sa agawan sa dalawang semis seat sa MOA Arena.

No comments:

Post a Comment