Wednesday, September 24, 2025

Eala hahataw ng quarterfinals spot sa China

 

 Puntirya ni Alex Eala na maipagpatuloy ang magandang ratsada nito kung saan pakay nitong masikwat ang silya sa quarterfinals ng Jingshan Open ngayong araw sa China.

Nakatakdang sagupain ni Eala sa Round of 16 si Mei Yamaguchi ng Japan.

Maganda ang simula ni Eala na nagtala ng 6-3, 7-5 panalo laban kay Aliona Falei ng Belarus sa ope­ning round noong Martes.

Sa kabilang banda, nanaig naman si Yamaguchi kontra kay Hong Yi Cody Wong ng Hong Kong sa hiwalay na first round match para masiguro ang pag-entra sa Round of 16.

Paborito si Eala na ma­nalo kontra kay Yamaguchi na may mas mababang puwesto sa ranking.

Kung mananalo ito kay Yamaguchi, makakatipan nito sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan nina Riya Bhatia ng India at Lu Jiajing ng China.

Sa kabila ng pagpasok sa second round ng Jingshan Open, gumalaw na naman ang puwesto ni Eala na nahulog sa No. 57 puwesto sa WTA live ran­kings — mula sa kanyang dating posisyon na 56th.

Gayunpaman, mataas ang moral ni Eala na hawak ang top seeding sa naturang 125 WTA tournament na may nakalaang $15,500 para sa magka­kampeon kasama pa ang 125 puntos para sa ran­kings. Target ni Eala na masungkit ang ikalawang WTA title sa taong ito ma­tapos pagreynahan ang Guadalajara Open sa Mexico.

Maliban sa Jingshan Open, nakalinya pa ang ilang WTA tournaments para mas lalo pang mapataas ang puwetso nito sa world rankings.

No comments:

Post a Comment