Tuesday, September 30, 2025

Illegal online sugal delikado sa ekonomiya at seguridad ng bansa- CitizenWatch


 Umapela ang pro-consumer group na CitizenWatch Philippines sa pamahalaan na agarang kumilos laban sa paglaganap ng illegal online gambling, na anila’y hindi lamang nagdudulot ng panganib sa mga manlalaro kundi malaki ring kawalan sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch, ang mga iligal na operasyon ay walang pakialam sa kaligtasan ng mga Pilipino at hindi nagbabayad ng buwis na sana’y nakakadagdag sa pondo para sa edukasyon, kalusugan, at imprastruktura.

“Kapag nagpabaya tayo, mas lalaganap ang impluwensya ng mga sindikato at mas dadami ang malulugmok sa pagkakautang, scam, at iba pang panganib. Samantalang ang regulated platforms ay may safeguards para sa manlalaro, mahigpit na regulasyon, at may kontribusyon sa ekonomiya,” ani Oxales.

Ipinunto ng grupo na batay sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, tinatayang nasa 250 hanggang 300 illegal offshore operators ang aktibong gumagalaw sa bansa, mas marami pa kaysa sa lisensyadong kumpanya. Dahil dito, higit P100 bilyon kada taon ang nawawala sa kaban ng bayan, ayon na rin sa Department of Finance.

Binanggit pa ng CitizenWatch na ang regulated operators ay nagbibigay ng libu-libong trabaho at nagbabayad ng buwis, bukod pa sa pamumuhunan sa responsible gaming programs at teknolohiya upang masiguro ang ligtas na karanasan ng mga manlalaro. Para sa grupo, bawat pisong napupunta sa illegal sites ay tiyak na kawalan para sa bayan, at habang lumalakas ang mga sindikato, mas maraming Pilipino ang nalulubog sa krimen gaya ng human trafficking at online scams.

Kaya humihiling ang CitizenWatch ng sama-samang aksyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission, National Bureau of Investigation, Department of Justice, at Philippine National Police.

Panahon na umano para sa isang malawakang crackdown upang sugpuin ang iligal na online gambling at protektahan ang mga manlalaro, ang ekonomiya, at ang reputasyon ng industriya.

No comments:

Post a Comment