Tuesday, September 30, 2025

Buwis, trabaho sigurado sa regulated gaming—Malayang Konsyumer


 Nanindigan ang Malayang Konsyumer na ang pagpapatatag ng licensed and regulated online gaming platforms ay hindi lamang para sa kaligtasan ng mga manlalaro kundi malaking tulong din sa ekonomiya ng bansa sa anyo ng buwis at trabaho.

Para sa pro-consumer group, mas nakikinabang ang publiko sa legal na industriya kumpara sa paglaganap ng mga iligal na operator na walang ambag sa bayan. “Kapag sa regulated platforms naglalaro ang tao, mas ligtas dahil may malinaw na safeguards tulad ng age verification, deposit limits, self-exclusion tools, help hotlines, at proteksyon sa personal data at player funds,” ayon kay Mark Jansen Magsano, convenor ng Malayang Konsyumer.

Idinagdag pa niya na sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), halos kalahati ng gaming revenues sa first quarter ng 2025 ay galing sa licensed operators. Bukod sa buwis, libu-libong trabaho rin aniya ang naibibigay ng mga kumpanyang ito sa mga Pilipino.

Binanggit din ng grupo na ang mga legal na kumpanya ay namumuhunan sa teknolohiya at responsible gaming programs para mapanatiling kontrolado at mas ligtas ang paglalaro. Samantala, sinabi ni Magsano na ang mga iligal na operator ay walang pakialam sa kapakanan ng mga manlalaro at hindi nagbabayad ng buwis na sana’y napupunta sa serbisyo publiko at imprastruktura sa edukasyon.

Para sa Malayang Konsyumer, bawat pisong napupunta sa illegal sites ay direktang kawalan para sa kaban ng bayan, at lalo lamang daw nitong pinapalakas ang mga sindikato na umaabuso sa kahinaan ng mga manlalaro habang iniiwasan ang pananagutan.

Nananawagan ang grupo sa pamahalaan at enforcement agencies tulad ng National Telecommunications Commission, Department of Justice, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police na mas paigtingin pa ang pagtutulungan upang masawata ang mga ilegal na operasyon.

Anila, hindi total ban ang solusyon kundi ang pagpapatibay sa legal and regulated platforms para maprotektahan ang publiko at mas mapakinabangan ng ekonomiya ang buwis at mga trabahong nalilikha ng industriya.

No comments:

Post a Comment