Hawak pa rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suporta ng Armed Forces of the Phi-lippines (AFP) sa kabila ng isyu ng korapsiyon sa mga flood control project ng gobyerno.
Sa press briefing nitong Martes, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung paano kasolido ang AFP matapos magbabala si Vice President Sara Duterte na hindi na matatag ang administrasyong Marcos. “May tiwala ang Pa¬ngulo sa ating mga kasundaluhan na sila po ay mananatiling matatag at ang kanila lamang pong ipasusunod ay kung ano ang sinasabi ng Konstitusyon,’’ diin ni Castro.
“At lahat naman po tayo, hindi lamang po ang kasundaluhan, ang galit sa korapsiyon. So, atin pong igagalang ang kanilang mga mensahe dahil hindi po lahat ng tao ay gugustuhin na manakawan ang pondo ng bayan,’’ dugtong pa niya.
Pinawi rin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang tsismis na nagbaba¬lak ang AFP na magkudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
“Walang nagbalak sa AFP. Maraming nagdadasal na may nagbalak sana pero walang nagbabalak sa AFP,” sabi ni Teodoro sa ambush interview ng mga reporter matapos dumalo sa pagdinig Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
“Lahat ng organisasyon may discontent. Pero kung ang discontent na ito ay may kinalaman sa pag-aaklas, hindi ‘yon. Dasal ng iba yon. Pero hindi mangyayari yon,” dagdag niya. “Stable ang armed forces. Dahil ang problema ng bansa ay hindi militar. Ang solusyon, hindi din militar.”
Nitong Martes, nakipagpulong si Senador Ronald “Bato” de la Rosa sa mga opisyal ng National Intelligence Coordinating Agency at National Security Council hinggil sa sinasabing coup plot.
Noong nakaraang Miyerkoles, isiniwalat ni Pulitzer Prize awardee journalist Manny Mogato na “there were rumors swirling of an attempt to unseat” Marcos ilang linggo bago ang malawakang anti-corruption protest noong Setyembre 21.

No comments:
Post a Comment