May kapangyarihan ang mga Pilipino na sugpuin ang korapsiyon kung titigilan ang paghahalal ng mga korap, ayon sa isang opisyal ng Malacañang.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang may kakayahang wakasan ang sistema ng dekada ng korapsiyon sa gobyerno kundi mismong ang mga mamamayan na naghahalal sa mga pinuno ng gobyerno.
Ipinaalala ni Castro na may obligasyon ang mga mamamayan na pumili ng tamang lider.
Sinabi ni Castro na paulit-ulit na lamang ang mga pulitiko at hindi nadadala ang mga botante na nabibigyan ng P500. “Paulit-ulit na lang nandiyan pa rin sila, hindi rin tayo nadadala ‘yung mga botante hindi rin nadala so porke’t sasabihin nila nagbigay ng 500 [pesos] boto na. Hindi dapat ganoon matuto tayo,” ani Castro sa panayam ng ABS-CBN.
Kahit aniya gaano kaganda ang mga batas ay malulusutan ng mga hindi tamang lider.
“Kahit gaano kaganda ‘yung batas, kung ‘yung lider may utak kriminal gagawa at gagawa ‘yan [ng paraan] para makalusot. Ang pinakamaganda rito… taumbayan ang mamili ng tamang lider,” dagdag ni Castro.
Nilinaw ni Castro na suportado ni Marcos ang mga nangyaring rally upang maipabatid sa mga nang-abuso na hindi dapat ninanakaw ang pondo ng publiko.
Matatandaan na nagsimula kay Marcos ang pagsisiwalat ng mga palpak na flood control projects nang magsagawa siya ng inspeksiyon sa iba’t ibang proyekto sa Bulacan.
“Sinimulan niya ito, siguro para mamulat ‘yung mga tao pero ang pagmulat na ‘to sana wag silang makakalimot. Dapat magtuluy-tuloy ito, dahil ito ang gusto ng Pangulo labanan ang korapsiyon kasi otherwise kung hindi niya ito sinimulan mananatiling namamayagpag ‘yung mga ‘yan nagpapayaman pa rin,” ani Castro.

No comments:
Post a Comment