Hindi magda-dalawang isip ang Senate Blue Ribbon Committee na irekomenda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada kung ang ebidensya na ipapakita ni dating Bulacan district engineer na si Brice Hernandez ay magpapatunay na ang dalawa ay nakinabang sa umano’y budget insertions, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Linggo.
Kinumpirma ni Lacson na nakabalik na si Hernandez sa Senado sa Pasay City alas-6 ng gabi noong Sabado na may bitbit na mga kahon ng mga dokumento at computer na pinaniniwalaang magpapatunay sa kanyang mga alegasyon laban kina Estrada at Villanueva, at sa ilan pang mambabatas at opisyal ng gobyerno.
“Totoo ‘yun (sasampahan ng kaso), kasi meron naman nang, na-create na yung ICI (Independent Commission on Infrastructure). Agad-agad maski ‘di pa tapos ‘yung aming pagdinig at wala pang committee report, ipapadala ko na ‘yung parte na ‘yun kung sino man ‘yung mga naituro pa at may ebidensya, ipapadala na namin agad sa ICI yun para mapadali ‘yung kanilang ginagawang investigation,” ani Lacson sa panayam ng dzBB.
Si Hernandez, na nasa ilalim ng kustodiya ng Senado matapos ma-contempt, ay pinayagang umalis sandali ng alas-6 ng umaga noong Sabado upang kumuha ng mga dokumento at computer mula sa kanyang tahanan sa Bulacan.
Ayon kay Lacson, selyado na ang mga ebidensya at sasailalim sa tamang pamamaraan para mapanatili ang chain of custody bago iharap sa mga pagdinig.
Aniya, kapag naproseso na ang mga materyales, maaaring iharap ang mga ito sa Martes, kung saan nakatakdang ipagpatuloy ang susunod na pagdinig sa Blue Ribbon.
Sa panahon ng pagdinig, dapat ding i-validate ng komite ang mga claim na ginawa ni Hernandez laban kay dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy, isa ring social welfare official sa ilalim ng Duterte administration. Sinabi ni Hernandez na nakatanggap si Cajayon-Uy ng mga kickback mula sa mga ghost project ng Bulacan.
Inamin ni Lacson na habang si Hernandez ay naunang nag-claim ng tungkol sa mga insertion, wala pang matibay na ebidensya laban kina Villanueva at Estrada.
“Totoo ‘yun pero ‘di maliwanag kung si Sen. Joel at Jinggoy ang nag-insert noon. At mahirap i-establish ‘yun. Ngayon kung meron siyang katibayan, ibang usapan na ‘yung may napakita siyang proof na nagbigay siya ng kickback—e meron nang criminal case ‘yun. Sa ngayon wala tayong mababatong criminal cases against two senators kasi in fairness to them naman, hanggang pagbibintang pa lang naman ‘yung ginagawa ni Brice Hernandez,” ani Lacson.
Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Hernandez na si Estrada ang pangunahing nagsusulong ng pondo para sa P355 milyong flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng Hagonoy at Malolos sa Bulacan.
Sinabi rin ni Hernandez na si Villanueva naman ang pangunahing nagsusulong ng pondo para sa P600 milyon sa mga flood control projects sa Balagtas at Bocaue, Bulacan.
Kapwa itinanggi ng dalawang senador ang mga akusasyon ni Hernandez.

No comments:
Post a Comment