Wednesday, October 1, 2025

Higit 4K unit ng Toyota ipina-recall


 Pinare-recall ng Toyota Motor Philippines Corp. ang 4,588 units na karamihan ay Lexus at Alphard models dahil sa programming error sa combination meter system na nakakaapekto sa 12.3-inch dashboard screen. Dahil dito, maaa¬ring mawalan ng speedometer o warnin¬g lights ang driver, na maging sanhi pa ng aksidente.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), apektado ang 1,148 units ng Lexus LM, 24 units ng Lexus LS500/500H, 2,708 units ng Alphard, isang unit ng Camry, 110 units ng Corolla at 597 units ng Corolla Cross. Ang mga Lexus unit ay ginawa mula Hulyo 2022 hanggang Abril 2025, ang Alphard mula Hunyo 2023 hanggang Mayo 2025 at ang Camry noong Mayo 7, 2024. Ang mga Corolla unit ay ginawa mula Mayo 2023 hanggang Setyembre 2024 habang ang Corolla Cross ay mula Nobyembre 2023 hanggang Oktubre 2024.

Sinabi ng DTI na aabisuhan ng Toyo¬ta Motor Philippines ang mga may-ari ng apektadong sasakyan upang ipa-reprogram o palitan ang combination meter system nang walang bayad. Inaasahang magiging available ang reprogramming software at replacement parts ngayong buwan. 

Papel ni Villar sa DPWH probe, kinuwestyon


 Binatikos ng ilang opisyal at grupo ang pamumuno ni Senador Mark Villar sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y iregularidad sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng pangamba na maaaring magkaroon ng conflict of interest dahil sa ugnayan umano ng kanyang pamilya sa ilang proyektong iniimbestigahan.

Ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, hindi umano magiging patas ang proseso kung mismong mga kaanak ng senador ay posibleng konektado sa mga kontrata. “Kung mismong mga kamag-anak ni Senador Villar ay maaaring sangkot sa mga kuwestiyonableng kontrata, paano magiging patas ang proseso? Hindi siya maaaring mamuno sa isang imbestigasyon kung saan lantad ang conflict of interest,” giit ni Santos.

Noong Agosto 19, pinangunahan ni Villar ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga ghost flood control project kung saan nanawagan siya ng mas maayos na flood control master plan at pagpapanagot sa mga tiwaling kontratista.

Nagbabala rin ang senador na hindi dapat nasasayang ang pondo ng bayan sa mga proyektong mahina ang pagkakagawa o walang kaugnayan sa mas malawak na plano.

Gayunman, iginiit ni Santos na walang naiwang malinaw na master plan si Villar nang lisanin niya ang DPWH noong 2021 sa kabila ng limang taon niyang panunungkulan.

Nauna nang iniulat ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na higit ₱18 bilyong halaga ng kontrata ang umano’y nakuha ng isang kumpanyang konektado sa pamilya Villar na karamihan ng mga proyektong ito ay na-award sa Las Piñas—ang balwarte ng pamilya Villar—at ilang bahagi ng Calabarzon na kasalukuyang iniimbestigahan.

Lalo pang lumawak ang kontrobersya nang masangkot sa isyu si Carlo Aguilar, dating konsehal ng Las Piñas at kamag-anak ni Villar, na konektado umano sa ilang kontrata ng DPWH sa Southern Metro Manila.

Ang mga proyektong ito ay kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa alegasyon ng overpricing at mahinang kalidad ng implementasyon.

DOST Region 1 ikinasa Data-Driven Agriculture sa Project SARAI


 Inihahanda ng Department of Science and Technology Region 1 (DOST Region 1), sa pamumuno ni Regional Director Teresita A. Tabaog at Assistant Regional Director for Field Operations Decth-1180 P. Libunao, ang pagpapatupad ng Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines o Project SARAI sa Ilocos Region.

Layunin ng proyekto na makapaghatid ng makabagong teknolohiya gaya ng remote sensing, GIS, crop models, at weather advisories upang makapagbigay ng tamang impormasyon para sa mas mahusay na pagsasaka at climate adaptation. Kamakailan, dumalo ang SARAI Team One ng Region 1 sa serye ng pagsasanay na isinagawa online (Setyembre 2–4, 2025) at sa PCAARRD, Los Baños (Setyembre 9–10, 2025). Natutunan nila ang paggamit ng GIS tools, Google Earth Engine para sa crop monitoring, NDVI computation, at pamamahala ng Automatic Weather Stations (AWS) at weather data.

Dumalo rin ang grupo sa SARAI inception meeting noong Setyembre 8, 2025 para sa pagbubuo ng mga layunin at koordinasyon ng mga regional hubs.

Sa tulong ng pamunuan at dedikasyon ng teknikal na team, inaasahang magiging sentro ang DOST Region 1 sa pagpapalaganap ng data-driven agriculture. Sa pagtatayo ng SARAI Regional Hub, magkakaroon ang mga magsasaka at LGUs ng access sa makabagong kaalaman at kasangkapan upang mapataas ang ani, mabawasan ang panganib, at maging mas matatag ang agrikultura sa Ilocos laban sa climate change.