Binatikos ng ilang opisyal at grupo ang pamumuno ni Senador Mark Villar sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y iregularidad sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gitna ng pangamba na maaaring magkaroon ng conflict of interest dahil sa ugnayan umano ng kanyang pamilya sa ilang proyektong iniimbestigahan.
Ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos, hindi umano magiging patas ang proseso kung mismong mga kaanak ng senador ay posibleng konektado sa mga kontrata. “Kung mismong mga kamag-anak ni Senador Villar ay maaaring sangkot sa mga kuwestiyonableng kontrata, paano magiging patas ang proseso? Hindi siya maaaring mamuno sa isang imbestigasyon kung saan lantad ang conflict of interest,” giit ni Santos.
Noong Agosto 19, pinangunahan ni Villar ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga ghost flood control project kung saan nanawagan siya ng mas maayos na flood control master plan at pagpapanagot sa mga tiwaling kontratista.
Nagbabala rin ang senador na hindi dapat nasasayang ang pondo ng bayan sa mga proyektong mahina ang pagkakagawa o walang kaugnayan sa mas malawak na plano.
Gayunman, iginiit ni Santos na walang naiwang malinaw na master plan si Villar nang lisanin niya ang DPWH noong 2021 sa kabila ng limang taon niyang panunungkulan.
Nauna nang iniulat ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na higit ₱18 bilyong halaga ng kontrata ang umano’y nakuha ng isang kumpanyang konektado sa pamilya Villar na karamihan ng mga proyektong ito ay na-award sa Las Piñas—ang balwarte ng pamilya Villar—at ilang bahagi ng Calabarzon na kasalukuyang iniimbestigahan.
Lalo pang lumawak ang kontrobersya nang masangkot sa isyu si Carlo Aguilar, dating konsehal ng Las Piñas at kamag-anak ni Villar, na konektado umano sa ilang kontrata ng DPWH sa Southern Metro Manila.
Ang mga proyektong ito ay kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa alegasyon ng overpricing at mahinang kalidad ng implementasyon.

No comments:
Post a Comment