Tuesday, September 30, 2025

Illegal online sugal delikado sa ekonomiya at seguridad ng bansa- CitizenWatch


 Umapela ang pro-consumer group na CitizenWatch Philippines sa pamahalaan na agarang kumilos laban sa paglaganap ng illegal online gambling, na anila’y hindi lamang nagdudulot ng panganib sa mga manlalaro kundi malaki ring kawalan sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch, ang mga iligal na operasyon ay walang pakialam sa kaligtasan ng mga Pilipino at hindi nagbabayad ng buwis na sana’y nakakadagdag sa pondo para sa edukasyon, kalusugan, at imprastruktura.

“Kapag nagpabaya tayo, mas lalaganap ang impluwensya ng mga sindikato at mas dadami ang malulugmok sa pagkakautang, scam, at iba pang panganib. Samantalang ang regulated platforms ay may safeguards para sa manlalaro, mahigpit na regulasyon, at may kontribusyon sa ekonomiya,” ani Oxales.

Ipinunto ng grupo na batay sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, tinatayang nasa 250 hanggang 300 illegal offshore operators ang aktibong gumagalaw sa bansa, mas marami pa kaysa sa lisensyadong kumpanya. Dahil dito, higit P100 bilyon kada taon ang nawawala sa kaban ng bayan, ayon na rin sa Department of Finance.

Binanggit pa ng CitizenWatch na ang regulated operators ay nagbibigay ng libu-libong trabaho at nagbabayad ng buwis, bukod pa sa pamumuhunan sa responsible gaming programs at teknolohiya upang masiguro ang ligtas na karanasan ng mga manlalaro. Para sa grupo, bawat pisong napupunta sa illegal sites ay tiyak na kawalan para sa bayan, at habang lumalakas ang mga sindikato, mas maraming Pilipino ang nalulubog sa krimen gaya ng human trafficking at online scams.

Kaya humihiling ang CitizenWatch ng sama-samang aksyon mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, Department of Information and Communications Technology, National Telecommunications Commission, National Bureau of Investigation, Department of Justice, at Philippine National Police.

Panahon na umano para sa isang malawakang crackdown upang sugpuin ang iligal na online gambling at protektahan ang mga manlalaro, ang ekonomiya, at ang reputasyon ng industriya.

Suporta ng military hinamig: PBBM niligwak coup plot


 Hawak pa rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang suporta ng Armed Forces of the Phi-lippines (AFP) sa kabila ng isyu ng korapsiyon sa mga flood control project ng gobyerno.

Sa press briefing nitong Martes, tinanong si Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro kung paano kasolido ang AFP matapos magbabala si Vice President Sara Duterte na hindi na matatag ang administrasyong Marcos. “May tiwala ang Pa¬ngulo sa ating mga kasundaluhan na sila po ay mananatiling matatag at ang kanila lamang pong ipasusunod ay kung ano ang sinasabi ng Konstitusyon,’’ diin ni Castro.

“At lahat naman po tayo, hindi lamang po ang kasundaluhan, ang galit sa korapsiyon. So, atin pong igagalang ang kanilang mga mensahe dahil hindi po lahat ng tao ay gugustuhin na manakawan ang pondo ng bayan,’’ dugtong pa niya.

Pinawi rin ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang tsismis na nagbaba¬lak ang AFP na magkudeta laban sa administrasyon ni Pangulong Marcos.

“Walang nagbalak sa AFP. Maraming nagdadasal na may nagbalak sana pero walang nagbabalak sa AFP,” sabi ni Teodoro sa ambush interview ng mga reporter matapos dumalo sa pagdinig Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.

“Lahat ng organisasyon may discontent. Pero kung ang discontent na ito ay may kinalaman sa pag-aaklas, hindi ‘yon. Dasal ng iba yon. Pero hindi mangyayari yon,” dagdag niya. “Stable ang armed forces. Dahil ang problema ng bansa ay hindi militar. Ang solusyon, hindi din militar.”

Nitong Martes, nakipagpulong si Senador Ronald “Bato” de la Rosa sa mga opisyal ng National Intelligence Coordinating Agency at National Security Council hinggil sa sinasabing coup plot.

Noong nakaraang Miyerkoles, isiniwalat ni Pulitzer Prize awardee journalist Manny Mogato na “there were rumors swirling of an attempt to unseat” Marcos ilang linggo bago ang malawakang anti-corruption protest noong Setyembre 21. 

Abogado nabistong sumawsaw sa BSKE case: SC kakalkalin notaryo sa flood scam ni Guteza


 Naghain ng “urgent manifestation of grave concern” sa Supreme Court (SC), ang abogadong si Romulo Macalintal dahil ang notary public na tumangging nagnotaryo sa affidavit ng testigo sa Blue Ribbon Committee sa flood control scandal ay nagnotaryo rin sa mga sinumpa¬ang dokumento para sa Liga ng Mga Barangay sa Pilipinas sa kanilang motion to intervene hinggil sa kinanselang barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE).

Hiniling din ni Macalintal sa SC na agarang utusan ang intervenor na magpaliwanag sa pagpapanotaryo ng kanilang mga sinumpaang salaysay upang maliwanagan kung personal silang humarap sa notary, si Atty. Petchie Rose G. Espera.

Ang pagkakasangkot ni Espera sa notaryo ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas ay nagdulot ng pagdududa sa annexes na isinumite ng grupo na kinakatawan ni lead counsel Atty. Alberto C. Agra sa case, G.R. No. E-02002.

Si Atty. Espera ay isang Notary Public sa City of Manila at tumangging siya ang nagnotaryo sa affidavit ng testigong si Orly Regala Guteza.

Ang affidavit ay binasa ni Guteza sa hearing ng Blue Ribbon Committee noong nakaraang linggo kung saan sinabi nitong si ACT-CIS Rep. Eric Yap ang nakakasama niyang magdeliber ng male-maletang “basura” o pera kina dating Speaker Martin Romualdez at nag-resign na Ako-Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Itinanggi ni Espera na pinirmahan at ninotaryo niya ang affidavit at hindi umano niya alam ang nilalaman ng affidavit ng testigo. Nag-viral pa sa social media ang liham at ang Affidavit of Denial mula sa Espera Law Office.

Sa kanyang manipestas¬yon, sinabi ni Macalintal na ang itinangging pirma ni Atty. Espera sa affidavit sa Senado ay magkahawig sa pirma nito sa notary public ng mga sworn document ng Liga ng mga Barangay.

Binanggit pa ni Macalintal na ang multiple verifications, certifications of non-forum shopping at special powers of attorney mula sa barangay officials sa iba’t ibang munisipalidad ay pinanumpaan umano sa harap ni Atty. Espera sa loob lamang ng isang araw, noong Agosto 18, 2025.

Nasisilip ni Macalintal ang iregularidad dito dahil ang barangay resolution mula sa Wigan, Cordon, Isabela, na pinagtibay at ninotaryo sa City of Manila sa parehong araw noong Agosto 18, 2025.

“Voicing out what appeared to be irregularities in the execution of above-described documents,” saad ni Macalintal.