Friday, September 26, 2025

Alexa kinumpirma hiwalayan kay Sandro

 

Kinumpirma ni Alexa Miro na hiwalay na sila ni Ilocos Norte 1st District Congressman and House Majority Floor Leader Sandro Marcos.

Ayaw naman niyang ibahagi kung gaano na sila katagal na hiwalay ni Sandro.

Nakangiti naman si Alexa nang tanungin siya tungkol sa First Family na naging mabait sa kanya.

Very supportive rin daw ang dating nobyo sa kanyang showbiz career.

Rebelasyon din niya na quality time ang love language sa kanya ni Sandro noong sila pa.

Samantala hindi raw nag-reachout sa kanya ang nali-link ngayon kay Sandro na si Franki Russell dahil na-block na niya ito.

Naganap ang panayam sa kanya ng entertainment press nitong September 25 (Thursday) sa mediacon ng “Sing Galing: Sing-Lebrity Edition” kung saan isa siya sa mga celebrity contestant.

Sumali raw siya sa competition para matulungan niya ang kanyang chosen charity.

Maliban kay Alexa, kasali rin ang mga celebrity na sina Rufa Mae Quinto, Romnick Sarmenta, Dominic Ochoa, Nikki Valdez, Meryll Soriano, Carmi Martin, Valerie Concepcion, Bobby Andrews, Jay Manalo, Luis Alandy, Gio Alvarez, Patricia Javier, Troy Montero, Rey “PJ” Abellana, CJ Ramos, Leandro Baldemor, Lloyd Samartino, Arman Salon, Anton Diva, Chad Kinis, Via Antonio, Yobab, Keanna Reeves, Gus Abelgas, Cedrick Juan, Dawn Chang, Krissha Viaje, at Miss Grand International 2024 CJ Opiaza.

Mapapanood ang “Sing Galing: Sing-Lebrity Edition” simula ngayong Sabado (September 27) sa TV5.

Mahabang bakbakan! PBA Season 50 tatawid ng 2027

 

TATAWID hanggang 2027 ang kabuuan ng PBA Season 50, simula sa October 5 via Philippine Cup.

Pero hindi buong taon ang laro, may higit isang buwan na mawawalan dahil sa dalawang kampanyang sasabakan ng Gilas Pilipinas.

Sa Media Day sa Eton Centris Elements sa EDSA, Quezon City, sinabi ni commissioner Willie Marcial na planong magkaroon ng mini-tournament na sasalihan ng ilang guest teams mula abroad sa panahon na tigil-putukan muna na regular conferences ng liga.

“Mahaba, kasi meron tayong dalawang FIBA windows tapos ‘yung Asian Games,” wika ni Marcial. “Halos mga 40 days tayo mawawala.”

Magkadikit ang second window ng FIBA World Cup Asian Qualifying (July 3 at 6) at Asiad (Sept. 19-Oct. 4) sa susunod na taon.

Sa FIBA tournament, dalawang ‘away’ games ang Gilas sa New Zealand at Australia.

Ipagtatanggol naman ng Nationals ang gold sa Asian Games sa Nagoya.

Ipapahiram ng liga ang ilang players sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para bumuo sa national squad.

Ngayon ay nasa Gilas sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Chris Newsome.

Hiniling daw ni national coach Tim Cone na magsama-sama na ang PBA players sa Gilas 10 araw bago ang FIBA window at Asian Games para mag-ensayo. “Kaya habang wala tayo du’n sa 40 days, gumagawa kami ng paraan para magkaroon tayo ng mini-tournament,” dagdag ng PBA chief. “Gusto ni coach Tim, kausap ko, mga 10 days before (ang ensayo) simula du’n sa (FIBA) window, kaysa maglagay ako ng dalawang laro ng dalawang game days, ipapa-diretso ko na para sa Asian Games.”

Para hindi masyadong mabakante ang teams, pina-plano ang pocket tourney.

“Sana, may makapunta sa atin na mga guest teams,” paliwanag ni Kume. “Ang gusto naman ng guest teams, etong all-Filipino dalawang team ang gustong sumali. Sabi ko hindi naman pupuwede.”

Lahat ng teams daw maglalaro sa mini-tournament.
“Titignan natin kung malalagyan natin ng prize money,” pahabol ni Marcial. (Vladi Eduarte)

Pinoy laban sa Pinoy! Carlo Biado makakasagupa si Jonas Magpantay sa Last 16

 

MAGKAKATAPAT ang mga Filipino cue artists na sina Carlo Biado at Jonas Magpantay sa Last 16 ng Predator WPA Men’s 10-Ball World Championships sa Military Zone 7 Sports Arena sa Ho Chi Minh City sa Vietnam.

Pinatalsik ng 2-time World Pool Association (WPA) 9-Ball champion at nagtatanggol sa kanyang 10-Ball crown na si Biado sa round-of-32 ang nakatapat na si Ruslan Chinakhov sa iskor na 3-2, (2-4, 4-2, 4-3, 3-4, 4-1) upang ipagpatuloy ang kanyang atensiyon sa nakalaang pinaglalabanan na premyo. Binigo naman ng papaangat na si Magpantay sa iskor na 3-1, (4-2, 4-1, 3-4, 4-3) ang nakasagupa mula sa Germany na si Mortiz Neuhausen upang mapanatili din ang kanyang tsansa na makamit ang inaasam na unang titulo.

Gayunman, isa lamang sa dalawang Pilipinong cue artists ang makakausad sa labanan sa korona.

Isa pang Filipino na si Mark Estiola ang nakalusot sa matinding labanan sa pagbigo kay Konrad Jusczyszyn mula sa Poland sa 3-2 thriller, (4-3, 0-4, 4-2, 0-4, 4-0) upang makasiguro din ng kanyang silya sa quarterfinals ng torneo kung saan makakasagupa nito ang beterano na si Ko Pin Yi ng Taiwan.

Kinapos naman sina Albert James “AJ” Manas at Jeffrey De Luna sa kanilang mga laban para mapatalsik sa torneo.

Una nang pinatalsik ng wildcard qualifier na si Manas ang beteranong si Thorsten Hohmann, 2-1 (2-4, 4-1, 4-2), para makausad sa Round of 32. (Lito Oredo)