Wednesday, September 24, 2025

Andrea may gagawing redemption drama, sumabak sa sosyal na gaming kasama si Bea!

 

Ahh may pagbibidahan palang pelikula si Andrea Brillantes sa Rein Entertainment na naghahanda nang simulan ang produksyon – isang drama thriller na may pamagat na Laya, sa direksyon ni Sigrid Andrea P. Bernardo.

Isang umano itong “redemption drama” na iso-shoot sa Oslob, Cebu na magsisimula na sa October.

Nagkaroon ito ng formal announcement sa Asian Contents & Film Market in Busan, South Korea na sinalihan ng Rein Entertainment – ang production company na inilunsad noong 2017 nina director Shugo Praico, Lino Cayetano at Philip King.

Ang Rein ay gumagawa ng mga pelikulang may global appeal.

Sa kasalukuyan, nasa post-production na rin sila ng pelikulang Salvageland, under Direk Cayetano starring Richard Gomez, Elijah Canlas, Mon Confiado at Cindy Miranda.

May gagawin din sa kanilang pelikula si Bela Padilla na siya rin ang nagsusulat ng script at magdidirek nito na kukunan naman sa South Korea.

Samantala, kasama ni Andrea si Bea Alonzo bilang bagong mukha ng entertainment platform.

Pinakilala sila ng NUSTAR Online, ang sosyal na online entertainment platform ng bansa, ang iconic na pagsasama-sama ng isang resort sa Cebu ay pinalawak upang magbigay ng isang digital experience. 

Mula sa husay ng interface nito hanggang sa curated game offerings, ang NUSTAR Online ay idinisenyo para sa mga Pilipino na siyang nagbibigay halaga sa parehong paglilibang.

Napili diumano ang dalawang aktres sapagkat kinakatawan nila ang dalawang ‘kaluluwa’ ng brand.

Una, bilang matatag na kababaihan at ikalawa naman ay walang kinakatakutan.

Sa halos dalawang dekada sa industriya ng showbiz, binigyang kahulugan muli ni Bea Alonzo kung ano ang ibig sabihin ng pagiging aktres sa kanyang mga ginawang serye at pelikula.

Sa kabilang banda, si Andrea ay isang Gen-Z superstar na umangat sa pagiging matapang, totoo, at may karisma. Siya ay kumakatawan sa bagong henerasyon ng mga Pilipino – mga taong namumuhay sa mundo ng digital, naglalaro na walang kapaguran.

International Series iho-host ng PSC

 

Pamamahalaan ng Philippine Sports Commission (PSC) ang Manila leg ng bigating International Series sa Oktubre 23 hanggang 26 sa Sta. Elena Golf and Country Club.

Ayon kay PSC chairman Patrick “Pato” Gregorio, isang malaking karangalan ang maging host ng nasabing world-class golf event.

“We are proud to welcome some of the finest golfers in the world for the tournament, just a month after the FIVB Men’s Volleyball World Championships,” ani Gregorio.

“This reinforces our advocacy for sports tourism and highlights the Philippines as a premier destination for international competition,” dagdag pa nito.

Babanderahan ni top-ranked golf ace Miguel Tabuena ang mga Pinoy golfers na makakatapat sina LIV Golf stars at major champions Bubba Watson, Patrick Reed, Charl Schwartzel at Louis Oosthuizen.

“We’re thrilled to finally bring the International Series to the Philippines and connect with the country’s passionate golf community,” ani International Series head Rahul Singh na nakasama si Tournament Director Pat Janssen sa isang courtesy visit kay Gregorio.

Italy sa semis

 

Nagmartsa ang World No. 2 Italy sa semifinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship matapos dominahin ang World No. 15 Belgium, 25-13, 25-18, 25-18, kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Patuloy ang pagdedepensa ng mga Italians sa kanilang suot na korona kasabay ng pagsibak sa mga Belgians sa 32-team tournament.

Lalabanan ng Italy sa semifinals ang mananalo sa quarterfinals match ng World No. 1 Poland at World No. 14 Turkiye na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.

Umiskor si Roberto Russo ng 12 points para banderahan ang mga Ita­lians na naghari sa World Championship noong 19­90, 1994, 1998 at 2002.

“We know that Belgium is a great and powerful team, but I’m really for this win,” wika ni Russo na tumipa ng anim na attacks, apat na blocks at dalawang service aces.

Nagdagdag si Alessandro Michieletto ng 11 markers tampok ang pitong blocks at may 10 points si Mattia Bottolo habang may 30 excellent sets si 2022 World Championship MVP Simone Giannelli.

Pinamunuan ni Ferre Reggers ang Belgium sa kanyang 13 points mula sa 13 attacks habang nag-ambag si Sam Deroo ng 11 markers buhat sa 11 hits.

Hinataw ng Italy ang 12-5 abante sa first set patungo sa 25-13 panalo at ipinoste ang 16-11 bentahe sa Belgium sa second frame galing sa palo ni Michieletto.

Ang block ni Russo kay Reggers ang sumelyo sa 25-18 pananaig ng mga Italians sa mga Belgians at kunin ang 2-0 lead sa laro.

Muli ring inilista ng Italy ang 16-12 bentahe sa third set bago inilapit ni Reggers ang Belgium sa 18-23.

Ang ace ni Russo ang kumumpleto sa straight-sets win ng mga Italians para sumampa sa semifinals.

Samantala, lalabanan ng World No. 16 Iran ang World No. 18 Czechia ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang salpukan ng World No. 4 USA at World No. 14 Bulgaria sa alas-8 ng gabi sa agawan sa dalawang semis seat sa MOA Arena.