Wednesday, September 24, 2025

Ladi itinakas ang Blue Eagles


 Naitakas ng Ateneo de Manila University ang mahirap na 62-60 panalo kontra determinadong University of the East sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion Manila, kahapon.

Muling nagtala ng clutch basket si Kymani Ladi para tulungan ang Blue Eagles na ilipad ang malinis na dalawang panalo at hawakan ang tuktok ng team standings.

Naka-ungos ang Katipunan-based squad ng isang puntos, 58-57 nang pumukol ng tres si Wello Lingolingo para agawin ng Red Warriors ang unahan, 58-60 may 31.9 segundo na lamang sa orasan.

Hindi naman nasira ang diskarte ni Ladi, sumagot agad ito ng sariling three pointer para ibalik sa A­teneo ang lamang, 61-60 at lumiit ang oras sa 22 segundo.

May tsansa sanang mabawi ng UE ang bentahe pero naagaw ni Dominic Escobar ang bola mula kay Nico Mulingtapang.

Easy basket sana ni Escobar pero na foul siya ni Lingolingo, unsportsmanlike ang itinawag sa huli.

Nabiyayaan ng free throws at ball possession ang Blue Eagles pero isa lang ang naipasok ni Escobar, at muling nagkaroon ng tsansa ang Red Warriors dahil nagmintis ng dalawang beses si Jaden Lazo.

Kaya lang, nang ma rebound ni Precious Momowei ay diniretso na agad nito ang bola sa kanilang court kaya nagkaroon ng turnover at nasungkit ng Ateneo ang panalo.

Tumikada si 6-foot-10, Ladi ng 18 points at 10 rebounds habang kumana si Joaqui Espina ng 17 markers para sa Ateneo na sunod na makakalaban ang Adamson University sa Linggo ng alas-4:30 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nalasap naman ng Red Warriors ang pangalawang sunod na kabiguan, pagkakataon nilang makaba­ngon sa Linggo rin laban sa defending champion University of the Philippines sa unang laro sa alas-2 ng hapon.

Eala hahataw ng quarterfinals spot sa China

 

 Puntirya ni Alex Eala na maipagpatuloy ang magandang ratsada nito kung saan pakay nitong masikwat ang silya sa quarterfinals ng Jingshan Open ngayong araw sa China.

Nakatakdang sagupain ni Eala sa Round of 16 si Mei Yamaguchi ng Japan.

Maganda ang simula ni Eala na nagtala ng 6-3, 7-5 panalo laban kay Aliona Falei ng Belarus sa ope­ning round noong Martes.

Sa kabilang banda, nanaig naman si Yamaguchi kontra kay Hong Yi Cody Wong ng Hong Kong sa hiwalay na first round match para masiguro ang pag-entra sa Round of 16.

Paborito si Eala na ma­nalo kontra kay Yamaguchi na may mas mababang puwesto sa ranking.

Kung mananalo ito kay Yamaguchi, makakatipan nito sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan nina Riya Bhatia ng India at Lu Jiajing ng China.

Sa kabila ng pagpasok sa second round ng Jingshan Open, gumalaw na naman ang puwesto ni Eala na nahulog sa No. 57 puwesto sa WTA live ran­kings — mula sa kanyang dating posisyon na 56th.

Gayunpaman, mataas ang moral ni Eala na hawak ang top seeding sa naturang 125 WTA tournament na may nakalaang $15,500 para sa magka­kampeon kasama pa ang 125 puntos para sa ran­kings. Target ni Eala na masungkit ang ikalawang WTA title sa taong ito ma­tapos pagreynahan ang Guadalajara Open sa Mexico.

Maliban sa Jingshan Open, nakalinya pa ang ilang WTA tournaments para mas lalo pang mapataas ang puwetso nito sa world rankings.

Special ministry binuo para sa taong lansangan

 

Isang special ministry ang itinatag ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula para sa mga street dwellers o mga taong naninirahan sa lansangan.

Nabatid na sa isang decree na inisyu noong Setyembre 15, inanunsiyo ni Advincula ang paglikha ng “Ministry with Persons in Street Dwelling Situations,” para sa mga taong lansangan na inilarawan niya bilang “silently suffering Lazarus” sa ating panahon, na dapat na bigyan ng puwang sa Simbahan at Lipunan.

Si Fr. Francisco Nicolas Magnaye Jr., CM. ang itinalaga ni Advincula upang mamuno sa bagong tanggapan, na mag-o-operate sa ilalim ng Commission on the Service of Charity ng Archdiocese of Manila. Aniya, ang ministry ay magpopokus sa paglikha ng isang multi-sectoral support system upang matugunan ang pangangailangan ng mga street dwellers.

Kabilang umano sa mga suportang ipagkakaloob sa mga street dwellers ay pagkain, crisis intervention, psychosocial services, edukasyon, healthcare, skills training, livelihood training, at maging legal services. Isusulong din ng ministry ang research, advocacy, at formation ng youth advocates. Ani Advincula, ang layunin nila ay hindi lamang makapagbigay ng tulong, kundi makabuo rin ng empowered communities na malayo mula sa pamumuhay sa lansangan.