Tuesday, September 23, 2025

Vice, sinagot ang nangunguwestyon sa kanyang pagmumura

 

Tila may pasaring si Vice Ganda sa mga nagkomento sa kanyang pagmumura sa EDSA noong Linggo. Paulit-ulit ang PI ni Vice sa kanyang speech sa EDSA Shrine, sa pagtitipon ng mga ‘nanakawan’ sa mga proyekto ng DPWH (Department of Public Works and Highways).

Kaya naman may mga nagkomento na dapat siyang sabihan ng simbahan dahil nasa harap siya ng Shrine pero nagmumura siya.

Tho marami ang kumampi kay Vice.

Sa post kahapon ni Vice ay sinabi niyang “Sa Bulacan pa lang to! Magkano na pag buong Pilipinas? At nakaw pa lng to sa DPWH. Paano pa pag sinama ung sa ibang departments tulad ng Health, Customs, Education etc.? Tapos ung iba kukwestyon bkit ako napamura? Anu ba dapat ang sabihin ng mga nanakawan?? THANK YOU PO MAM/SIR?!”

Kalakip ng nasabing comment ni Vice ang isang art card ng mga nakulimbat na umabot diumano sa P35.24 billion na inserted daw sa budget mula 2022 to 2025.

Nakakaloka talaga na sa ilang taon na ‘yun ngayon lang ‘yan nadiskubre.

Kundi pa nagsalita si Cong. Toby Tiangco.

Farah models, pang-showbiz na ang direction!

 

Showbiz na rin ang direction ng ibang model ng Farah Models ni Farah Ramos. Kabilang dito sina Vienne Feucht and Laziz Rustamov na parehong tu­malon mula sa catwalk papunta sa mundo ng pelikula at serye.

Na nagpapatunay na ang glamour ng fashion ay extended sa TV at big screen.

Sa ginanap na VIP Exhibit of the Farah Models in Taguig, nagkuwento sina Vienne and Laziz kung paano sila nag-umpisa sa kanilang career as fashion model, ganundin sa pagiging mga artista.

Bago sumali sa Binibining Pilipinas 2024 si Vienne, full time model siya at naging abala sa brand endorsements at fashion shows/gigs. 

Sa kasalukuyan ay kasama si Vienne sa pelikulang Beyond the Call of Duty.

Bukod pa sa nag-aaral siya.

Ibang level according to Vienne ang modeling ang acting. Pero pareho niyang nai-enjoy. “They’re different worlds. In acting, I get to express different sides of me. But modeling is my first love, where I get to express myself in a different art,” sabi ng model/actress na mahusay na ring host.

Sa kasalukuyan ay nagho-host siya ng Pulso World. “Feeling ko pinakamahirap na point sa pag-juggle ng school and work was when I joined Binibining Pilipinas 2024. Hindi ako nag-file ng LOA (leave of absence). So, mahirap s’ya. Thankfully for Binibi­ning Pilipinas, hapon pa ‘yung call time. “Pero morning, I would go to school. And then hapon, nasa Binibini ako. After the event, I would do all my academic works. And may mga oras talaga na nakatulala na lang ako sa monitor. Syempre, pagod na, drained na ‘yung utak mo. Pero what keeps pushing me, pinili ko ito.

“So, I am very passionate sa ginagawa ko. So, I keep a positive mindset. Kailangan strong. Kaya nga, nai-inspire kami kay Ms. Farah kasi ang dami niyang struggles.

“So, kung siya kinakaya niya, 26 kami, mas kaya namin dapat kasi we’re just worrying about our self lang naman. Ayun, feeling ko ‘yun ‘yung pinaka struggle point. Pero happy kami sa ginagawa namin lahat,” kuwento ni Vienne tungkol sa kanyang motivation sa trabaho.

Samantala, si Laziz ay matagal nang full-time model bago pa sila napasali sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 noong 2022.

Na nagbukas ng pintuan para magkaroon siya ng acting career. Kasalukuyan siyang napapanood sa Batang Quiapo, at napanood din siya sa Iron Heart, Beauty Empire, Magpakailanman at ilan pang drama anthology.

Isang Kazakh si Laziz pero ugaling Pinoy na siya at happy sa takbo ng kanyang modeling and acting career.

Pero aniya more than the looks, kaila­ngan niya ring matutong umarte. “There’s always a place to grow. The way you treat other people. There is never a limit. It’s like 100 years of study and discovery,”  pag-amin ni Laziz.

“I love the country, I love the people. And then also it’s amazing to work with Ms. Farah. She’s always there for her models. She’s very professional. It’s very easy to work,” dagdag pa niya na ang ganda ng role sa Batang Quiapo bilang bagong kontrabida.

Hindi na bago kung tutuusin si Farah sa talent management. Anak siya ng veteran columnist na si Chit Ramos at tita niya ang pumanaw na Dean of Entertainment Writers, si Ethel Ramos, ganundin ang kamamatay lang na entertainment writer na si Len Llanes.

Naalala ni Farah na gusto lang talaga niyang mag-model noon pero most of the time, siya ang natatanungan ng pwedeng mag-model.

Hanggang na-feel na niya kung ano ang kailangan ng mga client.

“Nag-model ako, and I saw kung ano ‘yung market, kung ano ‘yung kailangan ng mga client. So for me, for scouting, I don’t know eh, hindi s’ya ma-explain. I think like they just really have to have an X factor.

“And it’s very important for me to know that they have a good heart, na may magandang ugali sila because I’m here for the long term. Like ‘di ba Kuya Aga (Muhlach) and Tita Ethel for more than 30 years, kay Mommy, sobrang tagal nilang nagsama as talent and manager. So like they treated each other as family. So kaya ang nangyari dun sa Farah Models, like kami, we’re like family,” paliwanag ni Farah tungkol sa management style niya sa mga alagang model na natutunan niya sa kanyang ina at mga tita.

Eight years na ang Farah Models at sa 26 models niya, ilan dun ang eight years na kay Farah.


JM, hindi kayang mag-BL, nagka-stiff neck sa laplapan nila ni Fyang!


 Walang plano si JM Ibarra na sumabak sa BL (Boys’ Love)  project. Wala raw sa persona­lity niya.

“Siguro hindi... Hindi ko alam, I mean ngayon, halimbawa ngayon, parang malayo sa ako, sa personality ko, parang hindi ko siya kayang gawin,” katwiran ni JM nang tanungin namin kung handa ba siya sa ganung character.

“Though, gets ko naman, as an actor, dapat willing ka na gawin ‘yung trabaho. Pero pakiramdam ko kasi kapag hindi ako komportable. Ako naman, hindi naman sa pag aano... Ayaw ko naman mahusgahan. Pero alam ko hindi ko siya magagawa,” dagdag pang paliwanag ng Pinoy Big Brother: Gen 11 alumnus sa ginanap na Spotlight Mediacon ng Star Magic.

At least honest si JM, na sabi nga ng host (ng presscon) na si Ai dela Cruz, authentic pa rin talaga si JM. “Kilala niya ‘yung sarili niya, kung ano ‘yung kaya niyang gawin at hindi,”

Na totoo naman. Hindi nagpaka-plastik si JM na by the way for the first time ay hindi niya kasama sa Cinemalaya entry na Child No. 82 ang ka-loveteam niyang si Fyang Smith.

Pinagbibidahan nila ito ni Vhong Navarro na aniya ay bata pa lang siya ay idol na talaga niya.

At nakakatuwa si JM nang tanungin siya tungkol sa kissing scene nila ni Fyang sa Ghosting na officially ay magkakaroon na ng Book 2.

So first time niya ito (‘yung kissing scenes nila)? “Hindi, kasi pagkapanganak ko pa lang hinalikan agad ako ng mama ko,” sabi niya na natatawa. Anong experience? Anong feeling ng first kiss on screen?

“Iba. I don’t know. Alam ko pa rin ‘yung nangyayari. May hangover pa rin ganun.”

Pero nagkaroon ka ba ng parang ayaw mong gawin ‘yun?  “Yes, opo pero hindi dahil sa ayaw ko, kundi dahil syempre para kay Fyang. Kailangan kasi sa kanya magsisimula ito. Kung gusto niya bang gawin ko o hindi.”

May consent? “Oo.”

So anong na-feel mo after? “Ito nagka stiff neck na po ako.”

Cutesy si JM, very natural pa at hindi showbiz ang mga sagot.

Dahil nga sa malakas na dating ng Ghosting, magpapatuloy ngayong Nobyembre ang love story ng walang kamatayang pag-iibigan nina Jaja (Fyang Smith) at multong si Wilberto (JM Ibarra) sa ikalawang yugto ng trending at pinakapinag-uusapang iWant Original series ng taon na eksklusibong napapanood sa iWant.

Inanunsyo mismo ng cast ng Ghosting ang balitang ito sa kanilang guesting sa It’s Showtime kamakailan na lalo pang nagpasiklab ng excitement ng mga manonood para sa pagpapatuloy ng isa sa pinaka-pinag-uusapang iWant Originals ngayong taon.

Agad ding umani ng positibong reaksyon mula sa netizens ang kumpirmasyon, kung saan marami ang excited na masubaybayan kung saan hahantong ang pagmamahalan nina Jaja at Wilberto sa part 2 ng nasabing series.

Isa ito sa pinaka-inaabangang series ngayong 2025 matapos pumalo ng mahigit 23 million views ang mga trailer nito bago pa man ito ipalabas.

Nananatili rin ito sa Top 5 most-watched shows sa iWant sa Pilipinas, patunay ng malakas at patuloy na interes ng mga manonood.

Napanood ang huling episode nito noong Sabado (Setyembre 20).