Showbiz na rin ang direction ng ibang model ng Farah Models ni Farah Ramos. Kabilang dito sina Vienne Feucht and Laziz Rustamov na parehong tumalon mula sa catwalk papunta sa mundo ng pelikula at serye.
Na nagpapatunay na ang glamour ng fashion ay extended sa TV at big screen.
Sa ginanap na VIP Exhibit of the Farah Models in Taguig, nagkuwento sina Vienne and Laziz kung paano sila nag-umpisa sa kanilang career as fashion model, ganundin sa pagiging mga artista.
Bago sumali sa Binibining Pilipinas 2024 si Vienne, full time model siya at naging abala sa brand endorsements at fashion shows/gigs.
Sa kasalukuyan ay kasama si Vienne sa pelikulang Beyond the Call of Duty.
Bukod pa sa nag-aaral siya.
Ibang level according to Vienne ang modeling ang acting. Pero pareho niyang nai-enjoy. “They’re different worlds. In acting, I get to express different sides of me. But modeling is my first love, where I get to express myself in a different art,” sabi ng model/actress na mahusay na ring host.
Sa kasalukuyan ay nagho-host siya ng Pulso World. “Feeling ko pinakamahirap na point sa pag-juggle ng school and work was when I joined Binibining Pilipinas 2024. Hindi ako nag-file ng LOA (leave of absence). So, mahirap s’ya. Thankfully for Binibining Pilipinas, hapon pa ‘yung call time. “Pero morning, I would go to school. And then hapon, nasa Binibini ako. After the event, I would do all my academic works. And may mga oras talaga na nakatulala na lang ako sa monitor. Syempre, pagod na, drained na ‘yung utak mo. Pero what keeps pushing me, pinili ko ito.
“So, I am very passionate sa ginagawa ko. So, I keep a positive mindset. Kailangan strong. Kaya nga, nai-inspire kami kay Ms. Farah kasi ang dami niyang struggles.
“So, kung siya kinakaya niya, 26 kami, mas kaya namin dapat kasi we’re just worrying about our self lang naman. Ayun, feeling ko ‘yun ‘yung pinaka struggle point. Pero happy kami sa ginagawa namin lahat,” kuwento ni Vienne tungkol sa kanyang motivation sa trabaho.
Samantala, si Laziz ay matagal nang full-time model bago pa sila napasali sa Pinoy Big Brother: Kumunity Season 10 noong 2022.
Na nagbukas ng pintuan para magkaroon siya ng acting career. Kasalukuyan siyang napapanood sa Batang Quiapo, at napanood din siya sa Iron Heart, Beauty Empire, Magpakailanman at ilan pang drama anthology.
Isang Kazakh si Laziz pero ugaling Pinoy na siya at happy sa takbo ng kanyang modeling and acting career.
Pero aniya more than the looks, kailangan niya ring matutong umarte. “There’s always a place to grow. The way you treat other people. There is never a limit. It’s like 100 years of study and discovery,” pag-amin ni Laziz.
“I love the country, I love the people. And then also it’s amazing to work with Ms. Farah. She’s always there for her models. She’s very professional. It’s very easy to work,” dagdag pa niya na ang ganda ng role sa Batang Quiapo bilang bagong kontrabida.
Hindi na bago kung tutuusin si Farah sa talent management. Anak siya ng veteran columnist na si Chit Ramos at tita niya ang pumanaw na Dean of Entertainment Writers, si Ethel Ramos, ganundin ang kamamatay lang na entertainment writer na si Len Llanes.
Naalala ni Farah na gusto lang talaga niyang mag-model noon pero most of the time, siya ang natatanungan ng pwedeng mag-model.
Hanggang na-feel na niya kung ano ang kailangan ng mga client.
“Nag-model ako, and I saw kung ano ‘yung market, kung ano ‘yung kailangan ng mga client. So for me, for scouting, I don’t know eh, hindi s’ya ma-explain. I think like they just really have to have an X factor.
“And it’s very important for me to know that they have a good heart, na may magandang ugali sila because I’m here for the long term. Like ‘di ba Kuya Aga (Muhlach) and Tita Ethel for more than 30 years, kay Mommy, sobrang tagal nilang nagsama as talent and manager. So like they treated each other as family. So kaya ang nangyari dun sa Farah Models, like kami, we’re like family,” paliwanag ni Farah tungkol sa management style niya sa mga alagang model na natutunan niya sa kanyang ina at mga tita.
Eight years na ang Farah Models at sa 26 models niya, ilan dun ang eight years na kay Farah.

No comments:
Post a Comment