Walang plano si JM Ibarra na sumabak sa BL (Boys’ Love) project. Wala raw sa personality niya.
“Siguro hindi... Hindi ko alam, I mean ngayon, halimbawa ngayon, parang malayo sa ako, sa personality ko, parang hindi ko siya kayang gawin,” katwiran ni JM nang tanungin namin kung handa ba siya sa ganung character.
“Though, gets ko naman, as an actor, dapat willing ka na gawin ‘yung trabaho. Pero pakiramdam ko kasi kapag hindi ako komportable. Ako naman, hindi naman sa pag aano... Ayaw ko naman mahusgahan. Pero alam ko hindi ko siya magagawa,” dagdag pang paliwanag ng Pinoy Big Brother: Gen 11 alumnus sa ginanap na Spotlight Mediacon ng Star Magic.
At least honest si JM, na sabi nga ng host (ng presscon) na si Ai dela Cruz, authentic pa rin talaga si JM. “Kilala niya ‘yung sarili niya, kung ano ‘yung kaya niyang gawin at hindi,”
Na totoo naman. Hindi nagpaka-plastik si JM na by the way for the first time ay hindi niya kasama sa Cinemalaya entry na Child No. 82 ang ka-loveteam niyang si Fyang Smith.
Pinagbibidahan nila ito ni Vhong Navarro na aniya ay bata pa lang siya ay idol na talaga niya.
At nakakatuwa si JM nang tanungin siya tungkol sa kissing scene nila ni Fyang sa Ghosting na officially ay magkakaroon na ng Book 2.
So first time niya ito (‘yung kissing scenes nila)? “Hindi, kasi pagkapanganak ko pa lang hinalikan agad ako ng mama ko,” sabi niya na natatawa. Anong experience? Anong feeling ng first kiss on screen?
“Iba. I don’t know. Alam ko pa rin ‘yung nangyayari. May hangover pa rin ganun.”
Pero nagkaroon ka ba ng parang ayaw mong gawin ‘yun? “Yes, opo pero hindi dahil sa ayaw ko, kundi dahil syempre para kay Fyang. Kailangan kasi sa kanya magsisimula ito. Kung gusto niya bang gawin ko o hindi.”
May consent? “Oo.”
So anong na-feel mo after? “Ito nagka stiff neck na po ako.”
Cutesy si JM, very natural pa at hindi showbiz ang mga sagot.
Dahil nga sa malakas na dating ng Ghosting, magpapatuloy ngayong Nobyembre ang love story ng walang kamatayang pag-iibigan nina Jaja (Fyang Smith) at multong si Wilberto (JM Ibarra) sa ikalawang yugto ng trending at pinakapinag-uusapang iWant Original series ng taon na eksklusibong napapanood sa iWant.
Inanunsyo mismo ng cast ng Ghosting ang balitang ito sa kanilang guesting sa It’s Showtime kamakailan na lalo pang nagpasiklab ng excitement ng mga manonood para sa pagpapatuloy ng isa sa pinaka-pinag-uusapang iWant Originals ngayong taon.
Agad ding umani ng positibong reaksyon mula sa netizens ang kumpirmasyon, kung saan marami ang excited na masubaybayan kung saan hahantong ang pagmamahalan nina Jaja at Wilberto sa part 2 ng nasabing series.
Isa ito sa pinaka-inaabangang series ngayong 2025 matapos pumalo ng mahigit 23 million views ang mga trailer nito bago pa man ito ipalabas.
Nananatili rin ito sa Top 5 most-watched shows sa iWant sa Pilipinas, patunay ng malakas at patuloy na interes ng mga manonood.
Napanood ang huling episode nito noong Sabado (Setyembre 20).

No comments:
Post a Comment