Monday, September 22, 2025

Portugal sibak sa Bulgaria

 

Naghulog si Aleksandar Nikolov ng 19 points mula sa 17 attacks, isang block at isang service ace para tulungan ang World No. 13 Bulgaria sa 25-19, 25-23, 25-13 pagwalis sa World No. 22 Portugal papasok sa quarterfinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumipa ang kanyang utol na si Simeon ng 19 excellent sets.

Ito na ang best finish ng mga Bulgarians, ang silver medalist noong 1970, sapul noong 2014 edition ng world championship na idinaos sa Poland.

Ito rin ang kauna-una­han nilang Top Eight stint sa torneo matapos noong 2010.

Bigo naman ang mga Portuguese na makaabante sa quarterfinals ng world meet na huli nilang nagawa noon pang 2002.

Nakipagsabayan ang Portugal sa second set, 23-25, bago nabaon sa 6-17 sa third set na tuluyang sinelyuhan ng Bulgaria, 25-13, para kumpletuhin ang straight-set win.

Haharapin ng mga Bulgarians sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan ng World No. 4 USA at World No. 6 Slovenia na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.

Pinamunuan ni Lourenco Martins ang mga Portuguese sa kanyang 10 markers habang may 31 excellent sets si setter Miguel Tavares Rodrigues.

Samantala, sasagupain ng World No. 19 Czechia ang World No. 33 Tunisia ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang banatan ng World No. 12 Serbia at World No. 16 Iran sa alas-8 ng gabi.

Ang mga Iranians ang dumiskaril sa hangad na quarterfinals appearance ng Alas Pilipinas sa una nilang world meet stint.

Maximum tolerance ng mga pulis sa September 21protest, pinuri ng Napolcom

 

 Pinuri ni National Police Commission (Napolcom) ang ipinakitang maximum tolerance ng Philippine National Police (PNP) sa ikinasang rally sa Trillion Peso March.

Ayon kay Napolcom chief Commissioner Rafael Calinisan, nagpapasalamat ang kanilang hanay sa hindi matatawarang serbisyo ng mga pulis para mapanatili na maayos ang rally. 

Nakalulungkot ayon kay Calinisan na may ­ilang grupo ang nanggulo at gumamit ng Molotov cocktails at binato ang mga pulis sa bahagi ng Ayala Bridge sa Maynila.

Nakatanggap pa ng mensahe si Cali­nisan mula sa officer sa ground.

Sinaluduhan ni Calinisan ang mga pulis sa pagpapatupad ng maximum tolerance sa kabila ng extreme provocation ng mga rallyista. Bilib si Calinisan sa katapa­ngan, propesyunalismo at resilience ng mga pulis.

“Let us give tribute to the men and women in uniform who, despite danger and injury, fulfilled their sworn duty to safeguard lives and maintain order. Their sacrifice reflects the PNP’s unwavering commitment to peace, discipline and service to the community. Kasama ako sa napakaraming Pilipino na nagpapasalamat sa inyong serbisyo. They are truly the protectors of the people.Thankless job ang pagiging pulis. They are always put in harm’s way and their efforts often go unnoticed. But with what happened with the rallies, their sacrifices are brought to the people’s attention. And the people are appreciative of their selfless service,” pahayag ni Calinisan.

Tiniyak pa ni Calinisan ang publiko na mananatiling nakaalerto ang law enforcement agencies sa anumang tawag ng emergencies.

Abogado, ex-pulitiko, nagpondo sa ‘bogus’ na raliyista - Isko

 

Tahasang sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na bineberipika nila ang impormasyon na isang abogado at dating pulitiko ang nagpondo sa mga ‘bogus’ na raliyista na nanggulo noong Linggo sa Ayala Bridge at  sa Mendiola sa Maynila.

“Mayroong mga initial report, sketchy pa, may dating pulitiko, Filipino-Chinese ang funder. Tapos may isang abogado, funder din ng mga bata na ‘yun kagabi,” ani Domagoso.

Ayon kay Domagoso, hindi niya palalampasin ang pambababoy ng mga raliyista sa Maynila kung saan nag-spray paint sa center island, mga establisimyento at pinagsisira ang mga traffic lights at railings.

Aniya, papanagutin niya isa-isa ang mga naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos ang gulo. Nasa 216 na ang mga dinakip at kakasuhan ng  MPD.

Hind naitago ni Domagoso ang galit at pagkadismaya sa kanyang ginawang inspeksiyon sa kahabaan ng Recto Ave.

Mula Mehan Garden, Universidad de Manila hanggang Liwasang Bonifacio sa Lawton, bi­naboy ng mga nanggugulong mobster ang ating mga pader at pasilidad gamit ang spray-paint.

“Kinukuwestiyon ninyo ung pondo ng pamahalaan, ang gagamitin natin sa paglilinis at pagsasaayos pera rin ng taong bayan”, ani Domagoso.

Tinatayang umabot sa milyun-milyong piso ang pinsalang idinulot ng protesta sa Maynila, kabilang ang mga center island, traffic lights, at sangkatutak na vandalism na isinasaayos na ng lungsod.