Monday, September 22, 2025

Abogado, ex-pulitiko, nagpondo sa ‘bogus’ na raliyista - Isko

 

Tahasang sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na bineberipika nila ang impormasyon na isang abogado at dating pulitiko ang nagpondo sa mga ‘bogus’ na raliyista na nanggulo noong Linggo sa Ayala Bridge at  sa Mendiola sa Maynila.

“Mayroong mga initial report, sketchy pa, may dating pulitiko, Filipino-Chinese ang funder. Tapos may isang abogado, funder din ng mga bata na ‘yun kagabi,” ani Domagoso.

Ayon kay Domagoso, hindi niya palalampasin ang pambababoy ng mga raliyista sa Maynila kung saan nag-spray paint sa center island, mga establisimyento at pinagsisira ang mga traffic lights at railings.

Aniya, papanagutin niya isa-isa ang mga naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos ang gulo. Nasa 216 na ang mga dinakip at kakasuhan ng  MPD.

Hind naitago ni Domagoso ang galit at pagkadismaya sa kanyang ginawang inspeksiyon sa kahabaan ng Recto Ave.

Mula Mehan Garden, Universidad de Manila hanggang Liwasang Bonifacio sa Lawton, bi­naboy ng mga nanggugulong mobster ang ating mga pader at pasilidad gamit ang spray-paint.

“Kinukuwestiyon ninyo ung pondo ng pamahalaan, ang gagamitin natin sa paglilinis at pagsasaayos pera rin ng taong bayan”, ani Domagoso.

Tinatayang umabot sa milyun-milyong piso ang pinsalang idinulot ng protesta sa Maynila, kabilang ang mga center island, traffic lights, at sangkatutak na vandalism na isinasaayos na ng lungsod.

No comments:

Post a Comment