Sunday, September 21, 2025

Direk Joel dinirek ang rally sa Luneta, maraming artista dumagsa sa EDSA!


 Maaga pa lang ay nagdatingan na ang celebrities na dumalo sa rally sa EDSA, hanggang sa Luneta.

Kitang-kita agad si Maris Racal na sumali sa Philippine-Palestine Friendship Association na nagmartsa patungong Luneta.

Nagsalita rin si Elijah Canlas, at kapansin-pansin din doon si Andrea Brillantes.

Malaking bagay ang pagsali ng kilalang celebrities na talagang very vocal sa laban kontra korapsyon. Maaga rin sa Luneta si direk Joel Lamangan para idirek ang programang isinagawa roon kasabay ng 71st birthday niya. “’Yun ang aking ce­lebration,” pakli niya nang makatsikahan namin sa premiere night ng pelikulang Isla Babuyan na ginanap sa Robinsons Magnolia noong Biyernes.

“Hindi magandang mag-celebrate ang mga taong nagdurusa. Hindi maganda mag-celebrate e,” dagdag niyang pahayag.

Sabi pa ni Direk Joel, kahit daw sa  set ng Batang Quiapo ay napapag-usapan ito pero ang iba raw na artista ay tahimik lang. “Siyempre affected din sila. Maaring hindi sila nagsasalita, maaring hindi nila sinasabi, pero alam kong apektado din sila dahil kilala nila ang mga involved. Kaibigan nila ang mga involved. Siyempre natamaan din sila.

“Hindi lang pinag-uusapan pero napi-feel ko ang heart, andun. Nasasaktan sila sa nangyayari,” tugon ni direk Joel.

Nakakalungkot lang daw na may ilang taga-showbiz na tinuturong sangkot, pero hindi pa naman napapatunayan. Pero nagagalit na si direk Joel sa ganitong pagkakasangkot sa kanila.

“Nagagalit ako na naaawa sa kanila. Bakit kinakailangan nilang gumawa ng ganoon. Hindi naman tama ‘yun e.

“Alam naman nilang ‘yun ay korapsyon. Dapat hindi nila ginagawa. Nakakahiya sila! Mga taga-showbiz pa naman sila,” bulalas ng premyadong direktor.

Matigas na “hindi!” ang sagot ni direk Joel nang tinanong kung okay lang bang makatrabaho ang mga artistang ito. “Kasi hindi maganda, ang dami-dami kong nakikitang mga taong walang pera, nagugutom, ang dami sa lansangan, tapos meron mga ganyang iskandalo na ninanakaw pala nila ang pera ng bayan. Hindi maganda,” sambit nito.

Dagdag pa niya: “Affected ang showbiz, affected din ang mga tao.

“Lahat ng tax binibigay sa atin… bayad ako nang bayad ng tax. Diyos ko! ‘Yun pala ninanakaw lang,” sabi pa nito.

Sana raw ay may gumawa ng pelikulang magbubunyag ng mga ganitong gawain ng ilang pulitiko at iba pang taong involved.

“Sana ang istoryang ito ay hindi manatiling istorya lamang na hindi pag-uusapan. Sana, may pelikulang gawin na ang tema ay ganito, at ipakita ang mga nangyayari, kung papaano nililinlang ng mga ibang tao ang bayan at ninanakawan. Sana may istoryang ganun, para mamulat, para makita, para hindi tularan,” saad pa ng batikang direktor.

JC, sa stage nag- hahasa ng acting

Bahagi si JC Santos sa pelikulang The Last BeerGin kasama sina Cherry Pie Picache, Pepe Herrera, Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat.

Matagal na nilang natapos ito, pero sa gitna ng mga ginagawa niyang pelikula, nakaka-stage play pa si JC na talagang kumukuha ng maraming oras.

Hindi ganun kalaki ang kita sa pag-arte sa entablado, pero talagang ginagawa raw ito ni JC dahil dito nasa-sharpen ang galing niya sa pag-arte.

“Lagi ko po kasi siyang dine-describe na parang palagi po akong nagtatasa, every time nasa theater ako.

“Ahh kailangan kong tasahin ulit, kailangan ko lang umuulit ng mga discussion para makabuo ulit ng bagong karakter. Para iba naman ang mga ipakita ko sa screen, para meron akong bagong putahe. At nagluluto ako sa theater,”  sabi ng actor nang tinanong namin ito sa kanya sa mediacon ng The Last BeerGin,

Parehong challenging naman daw sa kanya ang umarte sa entablado at sa pelikula o telebisyon. Pero kapag nasa stage raw siya ay parang nagtatatasa raw talaga  siya.

Obiena kampeon sa World Challenge


 Hindi hinayaan ni two-time Olympian EJ Obiena na mapahiya ito sa harap ng kanyang mga kababayan matapos pagha­rian ang World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle sa Makati kahapon.

Dagsa ang mga nanood sa kabila ng banta ng bagyong Nando upang suportahan ang Pinoy pole vaulter sa laban nito.

Kaya naman mas la­long naging inspirado si Obiena nang makuha nito ang 5.80 metro sa kanyang second attempt.

Ito rin ang parehong mar­ka na naitala ni Thibaut Collet ng France.

Ngunit napasakamay ni Obiena ang gintong medalya via countback dahil naabot ni Collet ang 5.80m sa kanyang ikatlong pagtatangka.

Nasikwat naman ni P­iotr Lisek ng Poland ang tansong medalya bunsod ng nakuha nitong 5.70m.

Magandang resbak ito para kay Obiena, nabigong makapasok sa final round ng katatapos na World Athletics Championships sa Japan kamakailan.

Matatandaang hindi nakuha ni Obiena ang 5.75m na qualifying mark para makapasok sa finals ng world meet.

Naghari sa naturang world championships si reigning world champion at Olympic gold medalist Mondo Duplantis na muling nagtala ng bagong world record na 6.30m.

Inimbitahan si Duplantis na magpartisipa sa Atletang  Ayala World Pole Vault Challenge subalit hindi ito tumugon.

Gayunpaman, maning­ning pa rin ang event dahil sa pagdating ng mga world-class players gaya ni world No. 5 Ersu Sasma ng Turkey at world No. 6 Menno Vloon ng Netherlands.

Lumahok din sina No. 13 Ben Broeders ng Belgium, No. 14 Austin Miller ng Amerika, No. 16 Oleg Zernikel ng Germany at No. 23 Matt Ludwig ng Amerika.

Ilang torneo pa ang nakalinya para kay Obiena sa taong ito.

Fighting Maroons nabulaga sa Tigers

 

 Ipinaramdam agad ng University of Sto. Tomas ang kanilang bangis matapos nilang silatin ang defending champion University of the Philippines, 87-67 kahapon sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion.

Ipinakita ni Collins Akowe na handa na siyang makipag-sabayan sa mga tigasing players sa UAAP matapos nitong magpakitang gilas para akbayan ang Growling Tigers sa panalo at mantsahan agad ang karta ng Fighting Maroons.

Tumikada ang 6-foot-10 center, prudukto ng National University Nazareth School, ng 29 points mula sa 9-of-15 shooting sa field at 11-of-21 sa free-throw line kasama ang 17 rebounds para ilista ang 1-0 record ng EspaƱa-based squad.

Magandang simula ito para sa host school UST kaya naman nakalsuhan nila ang nine-game lo­sing streak kontra UP.

Huling panalo ng UST sa UP ay noong Nobyembre 13, 2019, nang isalpak ni Renzo Subido ang clutch three-pointer para sa 68-65 panalo at sumampa sa Season 82 Finals.

Maagang nagliyab sa opensa ang Growling Tigers sa unang dalawang quarters, hinawakan nila ang 14-point lead, 57-43 sa halftime.

Sinabayan na lang ng UST ang opensa ng UP sa second half kaya naman nasungkit nila ang magaan na panalo.

Sa unang laro, walang kahirap-hirap na sinakmal ng National University ang University of the East, 72-57.

Bumida sa opensa ng Bulldogs si Jake Figueroa na nagsalpak ng 16 puntos.