Sunday, September 21, 2025

Obiena kampeon sa World Challenge


 Hindi hinayaan ni two-time Olympian EJ Obiena na mapahiya ito sa harap ng kanyang mga kababayan matapos pagha­rian ang World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle sa Makati kahapon.

Dagsa ang mga nanood sa kabila ng banta ng bagyong Nando upang suportahan ang Pinoy pole vaulter sa laban nito.

Kaya naman mas la­long naging inspirado si Obiena nang makuha nito ang 5.80 metro sa kanyang second attempt.

Ito rin ang parehong mar­ka na naitala ni Thibaut Collet ng France.

Ngunit napasakamay ni Obiena ang gintong medalya via countback dahil naabot ni Collet ang 5.80m sa kanyang ikatlong pagtatangka.

Nasikwat naman ni P­iotr Lisek ng Poland ang tansong medalya bunsod ng nakuha nitong 5.70m.

Magandang resbak ito para kay Obiena, nabigong makapasok sa final round ng katatapos na World Athletics Championships sa Japan kamakailan.

Matatandaang hindi nakuha ni Obiena ang 5.75m na qualifying mark para makapasok sa finals ng world meet.

Naghari sa naturang world championships si reigning world champion at Olympic gold medalist Mondo Duplantis na muling nagtala ng bagong world record na 6.30m.

Inimbitahan si Duplantis na magpartisipa sa Atletang  Ayala World Pole Vault Challenge subalit hindi ito tumugon.

Gayunpaman, maning­ning pa rin ang event dahil sa pagdating ng mga world-class players gaya ni world No. 5 Ersu Sasma ng Turkey at world No. 6 Menno Vloon ng Netherlands.

Lumahok din sina No. 13 Ben Broeders ng Belgium, No. 14 Austin Miller ng Amerika, No. 16 Oleg Zernikel ng Germany at No. 23 Matt Ludwig ng Amerika.

Ilang torneo pa ang nakalinya para kay Obiena sa taong ito.

No comments:

Post a Comment