Maaga pa lang ay nagdatingan na ang celebrities na dumalo sa rally sa EDSA, hanggang sa Luneta.
Kitang-kita agad si Maris Racal na sumali sa Philippine-Palestine Friendship Association na nagmartsa patungong Luneta.
Nagsalita rin si Elijah Canlas, at kapansin-pansin din doon si Andrea Brillantes.
Malaking bagay ang pagsali ng kilalang celebrities na talagang very vocal sa laban kontra korapsyon. Maaga rin sa Luneta si direk Joel Lamangan para idirek ang programang isinagawa roon kasabay ng 71st birthday niya. “’Yun ang aking celebration,” pakli niya nang makatsikahan namin sa premiere night ng pelikulang Isla Babuyan na ginanap sa Robinsons Magnolia noong Biyernes.
“Hindi magandang mag-celebrate ang mga taong nagdurusa. Hindi maganda mag-celebrate e,” dagdag niyang pahayag.
Sabi pa ni Direk Joel, kahit daw sa set ng Batang Quiapo ay napapag-usapan ito pero ang iba raw na artista ay tahimik lang. “Siyempre affected din sila. Maaring hindi sila nagsasalita, maaring hindi nila sinasabi, pero alam kong apektado din sila dahil kilala nila ang mga involved. Kaibigan nila ang mga involved. Siyempre natamaan din sila.
“Hindi lang pinag-uusapan pero napi-feel ko ang heart, andun. Nasasaktan sila sa nangyayari,” tugon ni direk Joel.
Nakakalungkot lang daw na may ilang taga-showbiz na tinuturong sangkot, pero hindi pa naman napapatunayan. Pero nagagalit na si direk Joel sa ganitong pagkakasangkot sa kanila.
“Nagagalit ako na naaawa sa kanila. Bakit kinakailangan nilang gumawa ng ganoon. Hindi naman tama ‘yun e.
“Alam naman nilang ‘yun ay korapsyon. Dapat hindi nila ginagawa. Nakakahiya sila! Mga taga-showbiz pa naman sila,” bulalas ng premyadong direktor.
Matigas na “hindi!” ang sagot ni direk Joel nang tinanong kung okay lang bang makatrabaho ang mga artistang ito. “Kasi hindi maganda, ang dami-dami kong nakikitang mga taong walang pera, nagugutom, ang dami sa lansangan, tapos meron mga ganyang iskandalo na ninanakaw pala nila ang pera ng bayan. Hindi maganda,” sambit nito.
Dagdag pa niya: “Affected ang showbiz, affected din ang mga tao.
“Lahat ng tax binibigay sa atin… bayad ako nang bayad ng tax. Diyos ko! ‘Yun pala ninanakaw lang,” sabi pa nito.
Sana raw ay may gumawa ng pelikulang magbubunyag ng mga ganitong gawain ng ilang pulitiko at iba pang taong involved.
“Sana ang istoryang ito ay hindi manatiling istorya lamang na hindi pag-uusapan. Sana, may pelikulang gawin na ang tema ay ganito, at ipakita ang mga nangyayari, kung papaano nililinlang ng mga ibang tao ang bayan at ninanakawan. Sana may istoryang ganun, para mamulat, para makita, para hindi tularan,” saad pa ng batikang direktor.
JC, sa stage nag- hahasa ng acting
Bahagi si JC Santos sa pelikulang The Last BeerGin kasama sina Cherry Pie Picache, Pepe Herrera, Zaijian Jaranilla at Xyriel Manabat.
Matagal na nilang natapos ito, pero sa gitna ng mga ginagawa niyang pelikula, nakaka-stage play pa si JC na talagang kumukuha ng maraming oras.
Hindi ganun kalaki ang kita sa pag-arte sa entablado, pero talagang ginagawa raw ito ni JC dahil dito nasa-sharpen ang galing niya sa pag-arte.
“Lagi ko po kasi siyang dine-describe na parang palagi po akong nagtatasa, every time nasa theater ako.
“Ahh kailangan kong tasahin ulit, kailangan ko lang umuulit ng mga discussion para makabuo ulit ng bagong karakter. Para iba naman ang mga ipakita ko sa screen, para meron akong bagong putahe. At nagluluto ako sa theater,” sabi ng actor nang tinanong namin ito sa kanya sa mediacon ng The Last BeerGin,
Parehong challenging naman daw sa kanya ang umarte sa entablado at sa pelikula o telebisyon. Pero kapag nasa stage raw siya ay parang nagtatatasa raw talaga siya.

No comments:
Post a Comment