Sunday, September 21, 2025

Higit 93,000 Malabuenos tumanggap ng ayuda


  Inihayag ni  Malabon  City Mayor Jeannie Sandoval na ipinamahagi na ang ika-apat na tranche ng ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) sa 93,409 Malabuenos.

Ayon kay Sandoval, bahagi ito ng layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng access ang bawat mamamayan sa mga programa ng pamahalaang lungsod, ano man ang estado sa buhay.

Mula September 15 hanggang October 31, 2025, maaaring makuha ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng BancNet-powered ATMs, mga sangay ng United Storefront Services Corporation o USSC nationwide, o gamitin ang MABC bilang debit card sa mga tindahan at establisimyento na tumatanggap ng card payments.

Paliwanag ng Monitoring, Evaluation, Accoun­tability, and Learning (MEAL) Office, makakatanggap ng text mula sa USSC ang mga kwalipikadong benepisyaryo bago makuha ang ayuda. Nakalat­hala rin sa MABC Facebook page ang listahan ng mga tatanggap.

Layon ng MABC na inilunsad noong Disyembre 2022, na magsilbing plataporma para sa mas episyente at transparent na pagbibigay ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.


Vice Ganda, Dingdong Dantes ‘nakibaka’ laban sa korapsyon


 Lumahok sa panawagan ng publiko na labanan ang korapsyon sa bansa  ang  ilang mga kilalang artista na pinangunahan nina Vice Ganda  at Dingdong Dantes  sa People Power Monument at sa Ayala, Makati City.

Naglakad at sumigaw ng  kanilang panawagan  si Vice Ganda kasama  sina Elijah Canlas,  Anne Curtis, Ion Perez, Jackie Gonzaga, Jasmine Curtis,   Angel Aquino, Donny Pangilinan, Darren Espanto at ang cast ng “Bar Boys: The Musical”.

Nais ng mga ito na papanagutin  at ikulong ang mga opisyal ng pamahalaan na sangkot sa pagnanakaw ng pondo.

Idinaan naman sa pagtakbo na tinawag na “run against corruption” ni Dingdong kasama ang media personality na si Kim Atienza ang kanilang protesta kahapon. Lumahok din ang kasamahang celebrities na sina Benjamin Alves, Faith Da Silva, Dasuri Choi, Kim Molina, at Jerald Napoles, at iba pa na pawang nakasuot ng itim na tank tops, na may mga nakaimprentang “I Dream Of A Corrupt-Free Philippines”, “End Corruption Now” at iba pa.

“Not our usual Sunday run. Today, our small community gathered not just for distance, but with prayer and intention,” ani Dingdong sa isinulat na caption.

“We hoped. We dreamed. For a corrupt-free Philippines. For accountability from those who have stolen from us. And for those attending the big rallies, we lifted them up in prayer as well,” aniya pa.

Sinabi niya na sa pamamagitan ng kanilang pagtakbo ay naihayag nila ang mga hinaing at pag-asa para sa bansa.

Ilan ding mga residente ng Makati na karamihan ay middle class, mga parishioner ang nag-alay ng panalangin sa pagsasagawa ng programa sa southbound lane ng Edsa at Buendia.

Kabilang naman sa lumahok sa “Baha sa Luneta” protest ang aktres na si Jodi Sta. Maria na nagsabing  “..hindi na natin ‘to pwedeng palagpasin…Change has to happen.” Naroon din sina Andrea Brillantes.

72 raliyista inaresto sa September 21 protest


 Nanunog, nambato Nasa 72 raliyista na   nambato at nanunog ng  trailer truck ang  inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District  (MPD)  habang nasa 84 pulis  at isang mamamahayag ang  naiulat na nasugatan matapos na sumiklab ang  gulo kahapon sa panulukan ng  Ayala Bridge at Romualdez St., sa Maynila.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:00 ng hapon nang unang sumugod ang tinatayang nasa 100 raliyista sa Ayala Bridge laban sa matinding korapsiyon sa bansa.

Nang hindi makapasok sa Ayala Bridge bunsod ng barikadang inilatag ng mga pulis, naging marahas na ang mga raliyista  na hindi kaagad natukoy kung saang grupo at may mga  kasamang mga menor- de-edad. Pinagbabato ng mga ito ng bato, bote at bakal ang mga pulis na patuloy namang pinaiiral ang maximum tolerance. Maging ang mga shield ng mga pulis ay pinaghahampas ng mga kabataan.

Bunsod nito, ilang pulis ang nasugatan gayundin ang  mamamahayag na si  Manny Vargas, ng dzBB, na tinamaan ng bato sa mukha habang nagkokober sa lugar.

Sinunog din ng mga raliyista ang mga gulong ng container van na ginamit ng mga pulis bilang barikada doon.

Dahil dito, napilitan na ang mga pulis na bombahin ng tubig at gamitan ng tear gas ang mga raliyista upang mabuwag ang kanilang hanay, bago tuluyang hinabol ang mga ito at isa-isang pinag-aaresto. Dakong alas-2:30 naman ng hapon nang tuluyang ma-disperse ang mga kabataan at maitaboy patungo sa bahagi ng Ayala Boulevard, kanto ng San Marcelino St.

Makaraan ang ilang   minuto, sumiklab naman ang  gulo sa  bahagi naman ng Mendiola sa San Miguel, Maynila nang dumating ang mga kalalakihang kasama ng mga inaresto sa Ayala Bridge. Nambato rin ang mga ito ng  bato at bote sa lugar. Kaagad naman silang binomba ng tubig ng mga pulis at ginamitan na rin ng tear gas at long range acoustic device, upang mapaurong ang mga ito at matigil ang panggugulo.

Giit naman ng mga lehitimong raliyista, hindi kasama sa ruta ng kanilang rally ang Ayala Bridge dahil ang ruta ng kanilang martsa mula sa Luneta ay Taft Avenue, Manila City Hall, Carriedo, ilalim ng LRT-1, Recto Avenue hanggang sa makarating sa Mendiola.

Kaugnay nito, mariing binatikos ng Philippine National Police (PNP) ang naturang marahas na rally dahil sa panganib na idinulot nito sa buhay ng kanilang mga tauhan, gayundin sa mga taong nasa lugar. Tiniyak ng PNP na papanagutin nila ang mga taong responsable sa naturang panggugulo.

Sa Quezon City, as of 4pm ng  hapon itinuturing na ‘generally peaceful’ ang protesta sa People Power Monument na nilahukan ng nasa 15,000 indibiduwal. Agad ding  nagsialis ang mga raliyista matapos ang kanilang programa.

Samantala,  bunsod ng inaasahang ‘Baha sa Luneta’, nag-deploy si Manila Mayor  Francisco ‘Isko Moreno’  Domagoso ng first responders sa 14 lugar sa lungsod na kinabibilangan ng Postal Bank, Post Office, PLM Roundtable, Katigbak Drive (Ninoy Aquino Statue), Museo Pambata, service road sa harap ng U.S. Embassy, Mendiola, DBM Ayala Bridge, NPC Center Island, at limang site sa Kartilya ng Katipunan.

Nagsagawa ng send-off ceremony sa Kartilya ng Katipunan kahapon ng umaga si Domagoso kung saan kasama sa deployment sites ang ambulansya, portalet, at libreng tubig para sa mga dumalo at sa mga nangangaila­ngan ng tulong.

Kasabay nito, inatasan din ng alkalde si MPD chief BGen. Arnold Abad na tiyaking ipinatutupad ang curfew hours sa lungsod. Sa ilalim ng Executive Order No. 2, series of 2025,  ang curfew hours ay mula 10:00 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw para sa mga 17-anyos pababa.

Bukod dito, nadismaya si Domagoso nang makita sa kanyang inspeksiyon bandang alas-9 ng gabi ang mga sinirang railings, kalye at Sogo Hotel sa  Recto Avenue.

Titiyakin ni Domagoso  na kakasuhan ng criminal at civil ang mga may kagagawan nito.