Inihayag ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval na ipinamahagi na ang ika-apat na tranche ng ayuda sa ilalim ng Malabon Ahon Blue Card (MABC) sa 93,409 Malabuenos.
Ayon kay Sandoval, bahagi ito ng layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng access ang bawat mamamayan sa mga programa ng pamahalaang lungsod, ano man ang estado sa buhay.
Mula September 15 hanggang October 31, 2025, maaaring makuha ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng BancNet-powered ATMs, mga sangay ng United Storefront Services Corporation o USSC nationwide, o gamitin ang MABC bilang debit card sa mga tindahan at establisimyento na tumatanggap ng card payments.
Paliwanag ng Monitoring, Evaluation, Accountability, and Learning (MEAL) Office, makakatanggap ng text mula sa USSC ang mga kwalipikadong benepisyaryo bago makuha ang ayuda. Nakalathala rin sa MABC Facebook page ang listahan ng mga tatanggap.
Layon ng MABC na inilunsad noong Disyembre 2022, na magsilbing plataporma para sa mas episyente at transparent na pagbibigay ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.

No comments:
Post a Comment