Thursday, September 18, 2025

Engineers ng DPWH Bulacan naghati sa ‘kita’ sa ghost projects - Brice


 Sinabi ni dating Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez na kasama siya at ilang iba pang engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay naghati-hati ng “kita” para sa mga ghost projects.

Ginawa ni Hernandez ang pahayag matapos siyang bigyan ng legislative immunity ng Senado para ibahagi kung paano ­gumagana ang mga ghost project sa kanilang distrito.

“Yung project[s] na ‘yun, meron po kaming sharing na pag kumita po… si Boss Henry (Alcantara) po may 40%, ako po may 20%, si engineer Jaypee (Mendoza) meron pong 20% at si engineer Paul Duya meron din pong 20%,”sabi ni  Hernandez sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maano­malyang flood control projects.

“Yung sharing po kung magkano lahat, meron pong certain percentage kung magkano po naging kita. ‘Yun po yung hatian,” dagdag ni Hernandez.

Ibinahagi din ni Hernandez na ang pagtaas ng “grease money” ay bahagi ng dahilan kung bakit sila nagpasya na gumawa ng mga ghost projects.

“Sa proponent daw po [napupunta yung tara], sabi ni boss. Wala po akong nagpadala ano, pakikipag-usap sa proponent,” sabi ni Hernandez.

Itinanggi naman ng dating amo ni Hernandez na si Bulacan first district engineer Henry Alcantara ang mga akusasyon.

“Hindi ko po alam [kung sino yung proponent,] your honor. Every time po na may itatanong sa kanya, puro po ang turo sa akin… Maliwanag naman po dito na sinasabi ng contractor na sila po ang kausap niya, your honor,” ani Alcantara.

Dizon: 17 pang kawani ng DPWH, sinuspinde ng Ombudsman


 Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na 17 pang kawani ng ahensiya ang isinailalim na sa preventive suspension ng Office of the Ombudsman.

Ayon kay Dizon, ang mga sinuspindeng kawani ay kabilang sa mga sinampahan ng kasong graft sa Ombudsman noong nakaraang linggo bunsod ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Dizon na ang mga sinuspindeng kawani ay bukod pa kina dating District Engineer Henry Alcantara, Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na nauna na niyang ipinatanggal sa DPWH.

Anang Kalihim, nakausap niya si Acting Ombudsman Dante Vargas at ito mismo ang nagkumpirma na naipadala na ang suspension orders kahapon.

Kinumpirma rin naman ng DPWH chief na nagsumite na sila ng report sa binuong independent commission kaugnay naman sa mga natuklasan din nilang anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro.

COA binuking iba pang ‘ghost projects’ sa Bulacan


 Nagpasok ng paniba­gong fraud audit reports ang Commission on Audit (COA) sa Office of the Ombudsman matapos madiskubre ang apat na “ghost projects” ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Bulacan 1st District Engineering Office.

Unang binusisi ng COA ang flood control project ng Wawao Builders sa Angat River, Plaridel, na nagka­kahalaga ng P92.6 milyon. Bagama’t idineklarang “completed” noong Hunyo 11, 2024 sa Sumbong sa Pa­ngulo website, nakita ng COA na ongoing pa ang cons­truction noong Set­yem­bre 10, 2025. Batay pa sa satellite images, walang flood control structure sa lugar. 

Posibleng sangkot dito sina District Engineer Henry C. Alcantara, Bids and Awards Committee Chairperson Ernesto C. Galang, at si Mark Allan V. Arevalo ng Wawao Builders.

Sunod na tinutukan ang tatlong proyekto ng joint venture TopNotch Catalyst Builders Inc. at One Frame Construction Inc. Una, ang slope protection sa Brgy. Bunsuran, Pandi, na P98.9 milyon ang halaga, ngunit hindi tumugma ang lokasyon na itinuro ng DPWH sa plano kaya idineklarang ghost project.

Pangalawa, ang slope protection sa Bocaue River, Brgy. Bambang, Bocaue na halos P99 milyon ang halaga. Nabatid ng COA na may existing structure na bago pa man ang petsa ng sinasabing pagsisimula ng proyekto. May Notice of Disallowance na rin laban dito dahil sa kawalan ng disbursement documents.

Pangatlo, isa pang pro­yekto sa parehong barangay na nagkakahalaga rin ng P99 milyon. Tulad ng nauna, may existing structure na at mali rin ang tinurong site. Ina­prubahan agad ang isang change order na halos P4 bilyon, na labag umano sa Procurement Law.

Bukod kina Alcantara, Galang at Arevalo, kabilang din sa mga itinurong mananagot sina Assistant District Engineer Brice Ericson D. Hernandez, Engineer II Jolo Mari V. Tayao, Engineer II Lemuel Ephraim S.D. Roque, Engineer II John Michael E. Ramos, Planning and Design Chief Ernesto G. Galang, Project Engineer NiƱo Lawrence V. Morales, Maintenance Section Officer-in-Charge Jaime R. Hernandez, Qua­lity Assurance Section Chief Norberto L. Santos, at Cons­truction Section Chief Jaypee D. Mendoza.

Isinama rin si Gian Carlo Galang, Managing Officer ng TopNotch Catalyst Builders Inc./One Frame Construction Inc., at mga opisyal at board members ng dalawang kumpanya.

Maaaring masampahan sila ng kasong graft, malversation, falsification of documents, at paglabag sa Procurement Act at COA rules. 

Ayon sa COA, hindi pa pinal ang listahan ng mga dawit at maaari pang madagdagan. Ang audit ay tugon sa utos ni Chairperson Gamaliel Cordoba noong Agosto 12, 2025 na imbes­tigahan ang lahat ng flood control projects ng DPWH-Bulacan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.