Wednesday, September 17, 2025

Ice Seguerra, may sinulat na kanta para sa mga kurakot ng bayan


 May nabuong kanta si Ice Seguerra na sakto sa nabunyag na malalang korapsyon sa ating bansa.

Matagal na raw niya itong isinulat.

In fact, parang nakalimutan na raw niya ang lyrics – sa ginanap na presscon ng Love Sessionistas, The Repeat Concert.

Dahil marami nang showbiz personalities ang naglalabas ng kanilang galit at sama ng loob sa nangyayari dahil karamihan sa malalaki ang ibinabayad na buwis ay ang mga artista.

“Actually I wrote a song before. Lupang Pinangako ang title ng song.

“Sinulat ko ‘yon way back, dahil sa frustration ko sa politics. And ‘yun ang gusto kong kantahin forever. Kasi bilang isang tao na nakapasok sa public service, I thought my ideas were enough, my principles were enough, to actually keep you doon sa loob, but I left. I couldn’t stay because I couldn’t stand that public service becomes politics,” sabi ni Ice na kung maaalala ay ini-appoint noong panahon ni former president Rodrigo Duterte bilang chairperson of the National Youth Commission.

“So, nu’ng nandoon na ako, sobrang na-disillusion ako sa mga nangyayari, na wala akong mapagkatiwalaan kahit sino, na parang whatever side you take, you are always thinking about yourselves, at hindi ‘yung iniisip mo ang lahat.

“So, I think that song is perfect, because may line na parang…

“‘Wag magbingi-bingihan.

“‘Wag magtanga-tangahan.

“‘Wag magbulag-bulagan.

“Hindi ‘yan ang kailangan.

“‘Wag mong hahayaan na takpan ang iyong mga mata.

“Nang piring na madilim, at paikut-ikutin ka.

“Sa puso malalaman ang mali at tama.

“Isigaw nang malakas ang iyong paniniwala.”

Hmmm, baka pwede itong official theme song ng mga nagra-rally ngayon upang hingan ng pananagutan ang mga sinasabing nangulimbat ng kaban ng ating bayan.

Samantala, abala na ngayon si Ice sa Love, Sessionistas: The Repeat Concert na magaganap sa Oct. 18, sa The Theatre at Solaire.

Kasama niya rito Sitti, Juris, Princess Velasco, Kean Cipriano, Nyoy Volante at Duncan Ramos.

At ang mission nila ng Sessionistas sa repeat ng kanilang matagumpay na concert, pagaanin ang pakiramdam ng mga Pinoy na hindi makapaniwala na trilyones ang nakuhang pera ng mga korap na opisyales ng ating bayan.

“Lahat tayo ay aminado na we are going through the same things as Filipino. Kahit papaano maiibsan kapag nalaman mo na hindi ka nag-iisa na dumaranas ng mga paghihirap ngayon.

“Lahat tayo may share na galit, lahat tayo may share na pagtatanong sa mga nangyayari. And siguro, even if we don’t speak much about politics, just the fact that we’re all on the same boat, that feels good already, dahil alam mong hindi ka nag-iisa,” pahayag pa ni Ice na first time nag-birthday kahapon na wala na ang kanyang Mommy Caring.

Yup, kahapon nag-birthday si Ice at nag-post siya ng: “First birthday without you. Nakakapanibago na wala kang tawag o text. Na walang kakaining sinantolan, kiniliaw, o punyetang iinumin. Wala ang yakap na mahigpit, ang halik sa pisngi.

“Hindi ko gusto ang mga pagbabagong ito pero wala akong magagawa kundi tanggapin. Ang sakit pa rin.

“Miss na miss na kita, mama ko. Lalo na ngayon,” pahayag ni Ice sa kanyang caption kalakip ang isang old photo nilang mag-ina.

Mommy Caring passed away at the age of 84 last June 27, 2025.

By the way, unang nabuo ang kanilang Sessionista sa ASAP at mabilis na nagustuhan ng audience ang kanilang ‘jam session’ hanggang pinatibay ang kanilang lugar sa kasaysayan ng OPM.

“Nothing compares to the feeling of singing and sharing the stage with this family again,” says Ice. “The love we received from the fans for our first two shows was overwhelming, so we’re beyond excited to give them another show that feels like home.”

Nangangako ang Sessionistas na hindi lang ito concert kundi isang experience, isang celebration ng pagkakaibigan, musika, at the enduring power of OPM to bring people together.


P272 milyong droga sa audio speaker nasabat sa Batangas port


  Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Seaport Interdiction Unit, at Coast Guard K9 Unit ng Batangas ang hinihinalang ipinagbabawal na gamot na tinatayang nagkakahalaga ng P272 milyon sa isinagawang anti-drug operation sa Batangas Port noong Martes, Setyembre 16, 2025.

Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ang mga kontrabando na nakatago sa loob ng apat na audio speaker na ibinaba mula sa isang pribadong sasakyang minamaneho ng isang 30-anyos na lalaki na residente ng Cotabato City. Bumaba umano ito mula sa isang passenger vessel na dumating sa Batangas Port.

Napansin ng mga operatiba ng PDEA ang kahina-hinalang hirap ng suspek sa pag-aangat ng isa sa mga speaker, dahilan upang magsagawa ng paneling check ang PCG K9 unit. Nang suriin ng sniffing dog, nagpositibo ito sa presensiya ng ilegal na droga.

Sa masusing imbestigasyon, nadiskubre rin ang ilan pang kahon na hinihinalang droga na nakasilid sa loob ng mga speaker.

Agad na isinagawa ang imbentaryo at pag-iingat sa mga nakumpiskang ebidensya bago ito inihatid sa PDEA National Headquarters sa Quezon City para sa pagsusuri at tamang disposisyon.

Mag-asawa huli sa panunuhol sa complainant sa ‘missing sabungeros’

 

Arestado sa entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mag-asawang nanuhol umano sa isang complainant sa kaso ng ‘missing sabungeros’ sa Rizal.

Sa press birefing sa Camp Crame, sinabi ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II, sina alyas “AJ” at alyas “Tina” ay dinakip sa entrapment operation bandang alas-11 ng umaga nitong Lunes sa Brgy. Dolores, Taytay, Rizal.

Ayon kay Morico, ang panunuhol ng P1.5 ­milyon ng mga suspek ay kapalit ng pagbawi ng isa sa mga complainant ng kanyang reklamo hinggil sa nawawalang sabungero.

“We confirm that there is someone who wants to intervene in the said missing sabungeros case by bribing one of the complainants to recant her earlier case filed at the National Prosecution Service,” ani Morico.

Nabatid na humingi ng tulong ang nasabing complainant sa tanggapan ng CIDG at ipinaalam ang panunuhol ng mga suspek.

Lumilitaw na mala­yong kamag-anak ng ­complainant ang mga suspek.

Nag-alok ng malaking halaga ng pera ang dalawang suspek kapalit ng pananahimik nito, hindi na pagdalo sa anumang patawag ng korte sa isyu ng missing sabungero at pag-atras nito ng reklamo sa DOJ laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at iba pang personalidad na inuugnay sa pagkawala ng mga sabungero.

Inutos naman ni PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang masusing imbestigasyon dahil naniniwala umano siya na may nag-utos sa mga suspek.

Nasa kustodiya na ng CIDG ang mag-asawa na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 286 (Grave Coercion) of the Revised Penal Code and Presidential Decree 1829 (Obstruction of Justice).