Mariing pinabulaanan kahapon ni Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Ramon ‘Tats’ Suzara na direkta silang sangkot sa illegal online gambling platform kasabay ng hosting ng bansa sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Ayon kay Suzara, walang makikitang 1XBET logo sa taraflex sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena na mga official match venues ng torneo.
Reaksyon ito ng PNVF chief matapos sabihin ni Senate Games and Amusement Committee chairman Sen. Erwin Tulfo na may sponsorship deal ang PNVF sa 1XBET na ang operasyon ay ilegal sa bansa.
Ang online gambling entity ay kakabit ng Volleyball World, ang official global broadcasting platform ng mga FIVB events.
“In the case of 1XBET, 1XBET is illegal in the Philippines. It’s not shown on domestic television. You will know it from One Sports or sa Cignal TV, walang 1XBET,” sabi ni Suzara.
Sa isang video screenshot ay ipinakita ni Suzara sa mga reporters na tanging mga global subscribers lamang ng Volleyball World ang makakakita sa 1XBET logo, na minsang lumalabas sa kanilang mga screens habang nanonood ng mga laro ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Sa isang Senate hearing noong Martes ay pinuna ni Tulfo ang sinasabi niyang sponsorship deal ng PNVF para sa world meet.
“May we request the Philippine National Police and the NBI to check on this kasi nakikita ko po sa screen kanina na nakalagay po sa floor, 1XBET,” dagdag nito.
Sinabi naman ni Suzara na walang nakalagay na 1XBET logo sa mga promotional materials ng torneo o kaya ay isang major o minor sponsor.


