Pinatotohanan ni Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel ang pagkuwestyon ni Sen. Chiz Escudero sa mas mataas na pondo sa flood control projects kaysa sa sektor ng agrikultura nitong mga nakalipas na taon.
Sa 47th Asean Ministers of Agriculture and Forestry Summit sa Pasay City nitong Miyerkules, nagpasalamat si Laurel kay Escudero dahil sa pagsusulong ng senador na mapataas ang pondo ng kanyang pinamumunuang departamento. Sa manifestation sa plenaryo ng Senado noong nakaraang Lunes, pinaboran ni Escudero ang planong ilipat ang mas malaking budget sa Department of Agriculture (DA) sa halip na ituon sa flood control budget.
“Taong 2023 noong itinalaga si Ginoong Kiko Laurel bilang Kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura. Bilang suporta sa kaniyang mandato, tinanong ko noon ang isang simpleng katanungan: bakit mas malaki ang pondo ng flood control kesa sa agrikultura?” anang senador sa kanyang speech.
Nasa P102.16 bilyon lamang ang naging pondo ng agrikultura noong 2023 samantalang umabot sa P980.25 bilyon ang naging budget para sa flood control mula 2023 hanggang 2025, o P326.75 bilyon kada taon.
Ayon kay Escudero, tinulungan niya si Laurel na bawasan ang flood control budget at idagdag sa 2024 budget ng DA. Subalit tumawag umano sa kalihim si dating Cong. Zaldy Co at pinapatanong daw ni Speaker Martin Romualdez kung bakit binawasan ang pondo para sa flood control.
Matatandaan na ngayong budget season para sa 2026, nagdesisyon ang Pangulo na ilipat ang bahagi pondo ng Department of Public Works and Highways sa ibang ahensya para maiwasan na maulit ang anomalya sa mga ghost project.
Ikinagalak ni Laurel ang hakbang ni Marcos upang mapaglaanan ng mas malaking pondo ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pa sa sektor ng agrikultura sa susunod na taon.

No comments:
Post a Comment